12

15 1 0
                                    


Naglakad ang mga araw na parang langgam, ilang araw din silang nilanggam sa pagtatago ng nararamdaman nila sa isa't isa. Gusto nya rin ba ako? Nakakahalata na ba sya? Sana magconfess na sya ng feelings sa akin. Pakipot dito, pakipot doon. Palihim na skinship dyan, palihim na kilig ng kalamnan doon.

Minsan sabay silang kumain sa labas tuwing lunchbreak, kalaunan, ang minsan ay naging araw-araw na. Minsan hinahatid pa ni Carlos si Pres hanggang Pasay kahit na sa Mandaluyong lang ito nakatira. Ayaw minsan ni Precious dahil nagagastusan pa ito sa pamasahe, pero ayos lang daw kay Carlos, ngumingiti lang ito...unti-unti.

Nagugulat din si Precious kapag pumapasok sa umaga, laging may cupcake at kung ano-ano pang cake o bite-size na pagkain ang nakahain na sa desk nya sa office. Tampulan tuloy ng asar ng mga ka-officemate. May sulat ding nakalakip sa mga pagkaing ito na hindi man lang nagpapakilala kung sino ang sumulat, pero alam ni Precious, sulat kamay pa lang, si Juan Carlos ito, sino pa nga ba 'di ba? Kinikilig naman ang loka. Pero hindi nya maiwasang mailang dahil hindi naman kailangang gawin ito lagi ni Carlos.

May isang beses pa, nagawi sila sa Megamall, nagpasama si Carlos kay Precious sa National Bookstore. Nang nasa NBS na sila, nagulat ang dalaga nang hawakan ni Carlos ang kamay nya. Yung holding-hands talaga, yung mga daliri ni Juan e nakapasok sa pagitan ng mga daliri ni Precious. Di na nakapalag si Pres. Ba't naman sya papalag no? Nginitian sya ni Carlos, yung unti-unti ulit, sumabog ulit sa kilig ang dalaga.



* * *

Maagang pumasok si Precious, kagaya naman ng ginagawa nya araw-araw para makaiwas sa traffic papalabas ng Cavite. Mabilis syang naglalakad sa hallway ng building nila, puputok na ang pantog, kailangang-kailangan nang mag-CR.

Napansin nyang may nagkalat na confetti sa sahig ng pintuan papasok sa office nila. Binuksan nya ang pinto ng office. Laking gulat nya nang makita ang mga ka-officemate na maaga ring pumasok. Nakahilera silang lahat at nakatapat sa pinto ng office na kakabukas pa lang nga ni Precious—nakatingin din silang lahat kay Pres. May mga hawak silang Balloons na iba-iba ang kulay at mga 'party popper' na hindi pa napa-pop at hindi alam kung saang party ipa-pop. Parang may batang magcecelebrate ng 7th birthday nya maya-maya lang.

"Sinong may birthday?" patay malisyang tanong ni Precious, kahit alam naman nya kung ano talaga ang mangyayari.

Sa gitna ng dalawang dosenang officemates, nandoon si Juan Carlos. Nakatuck-in pa rin ang green na longsleeves, maganda ang pagkakahawi ng buhok. Nakaupo sa isang upuan. May hawak na gitara. Unti-unti muna itong ngumiti bago tuluyang kumanta.

Sa una hindi masyadong naintindihan ng mga ka-officemate kung ano ang kinakanta nya, wala kasi ito sa tono. Hindi rin ata na-tono yung gitara kaya masakit din sa tenga yung pag-strum ni Juan Carlos.

Kahit ano pa man, kailangang sumunod ng mga kaofficemates sa pagkanta kagaya ng nauna nilang napagplanuhan na pinasimunuan ni Carlos. Mabuti na lang at may mga katrabaho silang magagaling talagang humirit ng nota at naisalba pa nila ang nagkakalat ng boses ni Carlos.

Si Juan Carlos patuloy lang sa pagkanta, may papikit-pikit pa na parang 'Matinee idol'. Mahangin-hangin ang boses, astang Robin Padilla. Si Precious, nakatayo lang. Nakangiti. Pilit ba? Hindi ko alam, baka. Hindi nya alam kung kikiligin ba sya o ano. Basta kailangan nyang ngumiti. Naiihi na sya, kanina pa sya naiihi sa MRT. Sabi nya sa sarili na sa office na lang sya mag-si-CR, pero eto, wala syang kawala.

Sa kabutihang palad, ilang sandali pa at natapos na ang pagkanta. Masaya ang buong opisina. Biglang may isang ka-officemate na sumulpot na may dalang bouquet ng bulaklak at cake na nakasilid sa pulang box na may pulang ribbon. Binigay nya ang mga dala kay Juan Carlos. Saka naman tumayo si Carlos at lumapit kay Precious.

Ano? Anong sasabihin nito? 'Will you marry me' na ba kaagad? Nasa isip ni Pres. Kinilig ang mga ka-officemate nila, may 'Ayiiiiiieee' pang kasama.

"Precious..." Swabe, malamig at may mababang tono ang boses ni Carlos.

Nakangiti lang si Precious, "Bakit?" pinagbigyan nya ang kilig na dapat ramdam nya na sa mga oras na ito.

"Pwede bang manligaw?" pagkasabi na pagkasabi nito ni Juan Carlos ay sya namang pagputok ng mga party popper at pag-a-unfold ng tarpaulin ng mga ka-officemates nila, na may nakasulat na 'PWEDE BANG MANLIGAW?', Brush Script STD ang ginamit na font sa tarpaulin na 3 feet ang taas at 7 feet ang haba.

Napaisip muna si Precious, "Mamaya ko 'yan sasagutin," sabay ngiti.

"Mamaya?" lumingon si Juan Carlos sa mga ka-officemates, "Ngayon na!" masaya nyang hinawi-hawi ang kamay, senyales na pinapasabay nya ang mga katrabaho sa pagsabi ng 'ngayon na'.

Mabilis namang makagets ang mga officemates at bigla na lang nagsusumigaw, "NGA-YON NA! NGA-YON NA! NGA-YON NA!"

Bumalik ng tingin si Carlos kay Precious at unti-unting ngumiti.

Natawa na lang si Pres. Tawang sinasabi na sige na nga, "Sige...sige...".

"Ano?" gustong ipaulit ni Juan Carlos ang sinabi ni Pres kahit alam naman nya kung ano ang ibig sabihin nito. Gusto nya ng mas malinaw, ng mas malakas, yung rinig ng lahat.

"Sige na...payag na 'kong...manligaw ka," may ngiti sa mga mata ni Pres. Kinuha nya sa kamay ni Carlos ang bouquet at cake.

Ngiting-ngiti ang dalaga. Ngiting nagpapasalamat sa lahat ng effort na ibinuhos ni Carlos para lang sorpresahin sya ng ganito.

Naghiyawan lahat ng mga ka-officemates. Nagkantahan. Nagsayawan. Nag-ingay. Masaya dahil napagtagumpayan nila ang planong inihanda noong isang linggo pa.

Biglang naglabasan ang mga katrabaho nilang may mga hidden cam. Kanina pa pala kinukuhanan ang nangyayari. Nailang at nagulat tuloy si Pres, dinaan na lang sa tawa ang lahat.

Nagkayayaan ang iba na mag-inuman pagkatapos ng trabaho, ililibre na raw ni Juan Carlos ang lahat ng sasama. Sakto pa at Biyernes ngayon. Walwalan night na.

 Walwalan night na

Oops! Ang larawang ito ay hindi sumusunod sa aming mga alituntunin sa nilalaman. Upang magpatuloy sa pag-publish, subukan itong alisin o mag-upload ng bago.
TALAHAMIKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon