14

14 1 0
                                    


Dumaan ang huwebes at sumilip lang ang biyernes. Tarantang-taranta si Pres nang makita sa kalendaryong sabado na. Sipilyo, shampoo, sabon, deodorant. Bihis ng damit, yung pinakamaganda. Bili muna ng napkin nang maalalang baka datnan na sya ng 'Red day' ngayon. Ilang minutong pagpapatuyo ng buhok at sampung segundong pagtatali nito. Pabango. Kakaonting make-up, kakaonti lang dahil kailangang makita ng mga magulang ni Juan Carlos ang totoong mukha nito; At maganda na rin naman talaga sya, kaya minimal na make-up na lang ang kailangan. Maganda sya, maganda sya, maganda sya, paulit-ulit nyang pag-motivate sa sarili.

Nagpaalam kina Nanay at Tatay, may pupuntahan lang, magkikita-kita ng mga "College friends" ang paalam, pero syempre, kasinungalingan. Sakay sa Jeep papunta sa pinakamalapit na Mall.


***

Pusanggala, nadelay ang sweldo, nasa isip-isip ni Precious habang nakatitig sa pinakamalaking cake na gusto sana nyang bilhin para may pasalubong naman sya kapag nagkita-kita na sila ng mga magulang ni Juan Carlos. Wala, di kaya ng budget. Pumili na lang sya ng mas maliit pa kaysa doon. Wala rin, di rin kaya ng budget. Pumili pa sya ng pinakamaliit, swak! Maiintindihan naman siguro nila, bahala na.

Sa Mandaluyong nakatira si Juan Carlos. Ilang estasyon lang ng MRT at isang sakay ng Jeep, nandoon ka na.

Ang buong pag-aakala ni Precious ay isang bahay ang madadatnan nya, o kaya subdivision. Pero sa isang malaking building sya napunta, parang condominium. Victorino ang nakapaskil sa labas ng building, kagaya ng sabi ni Juan Carlos.

Nakatingala si Precious sa building habang dina-dial ang numero ni Carlos sa phone. Walang sumasagot. Dial pa ng isa, wala pa rin. Isa pa. Ibababa na sana ni Precious ang telepono nang biglang may sumagot sa kabilang linya.

"Babe?" si Carlos.

Nag-cringe nang kakaonti si Precious. "Hello, nandito na ko sa labas ng building."

"Sige, sabihin mo sa guard may bibisitahin ka lang. Tapos kapag nakaabot ka sa receptionist, sabihin mo Juanielo D. Carlos, Room 414."

Nagdadalawang isip nang pumunta si Precious, nagsimula nang lumago ang kaba nya sa dibdib. Hindi pa sya handang makilala ang mga magulang ni Juanielo D. Carlos, masyado pang maaga. Shet! "Sige, pa-akyat na ako."

Sana may magawa pa ako para mailigtas si Precious sa mga pagkakataong ito, pero ang magagawa ko na lang e ang magkuwento at pagkatiwalaan na lang sya.

Pumasok si Pres sa building at sinabi nga nya sa guard na may bibisitahin lang, ipinakita nya pa yung box ng binili nyang cake. Itinuro sa kanya ng guard kung saan ang reception. Tinanong sya ng receptionist kung ano ang maitutulong nito sa kanya. Binanggit nya ang buong pangalan ni Juan Carlos at ang Room 414. Kinuhaan sya ng ID at pinapirma sa logbook. Itinuro sa kanya kung nasaan ang elevator.

Maaliwalas ang Victorino building. Mamahaling building. Condominium nga ito. Medyo nanliliit na sa sarili si Precious. Parang hindi sya sanay sa ganitong karangyaan. Parang di sya "belong". Paano pa kaya kapag kaharap nya na ang mga magulang ni Carlos, siguradong sosyal yung mga yon, naisip nya. At inaalala rin nya na baka ma-utal sya, baka pumiyok o baka mablangko ang isip, at hindi na sya magustuhan ng mga ito.

Sa panahon na yon, parang ang tingin nya sa sarili nya e hindi interesanteng tao, kahit naging interesante naman ang buhay nya. Feeling hampaslupa sa teleserye. Matalino pero sa mga nagdaang taon e lagi na syang napapa-overthink sa mga bagay-bagay.

Naghahabulan ang kaba at confidence sa loob ng dibdib nya, dahilan para kumabog ito. Pupwede naman syang umuwi, pero nakakahiya. Baka magalit ang mga magulang ni Carlos. Nakakahiya kina Tito at Tita. Kabog sa dibdib. Kaba. Confidence. Hiya. Kagat sa bibig. Kaba. 2nd floor. Pawis. Gulo-gulo ang utak. Ang daming naiisip na scenario. Kabog sa dibdib. Ta. 3rd floor. Pawis. Confidence. Kagat sa bibig. Pangangati ng dila. Ha. Carlos. Juan Carlos. Tita at Tito. Tito at Tita. Juan. Carlos. Parang may gustong sabihin. Nga-nga. Juan Carlos. Meo. Mi. Bartolomeo.

TALAHAMIKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon