20

14 0 0
                                    

*Beep!*

Tunog ng Beep card ni Precious. Nasa Ortigas station sya ngayon. Hindi nya makalimutan kung paano sya tinitigan ng guard kanina, parang gusto syang balutan ng tuwalya. Basang-basa sya sa ulan na abala pa ring binabayo ang kamaynilaan. Kumakapal na ang dagsa ng tao sa estasyon ng tren. May tatlong tao na nasa harapan ni Precious na kasama nyang nag-aabang sa pagdating ng mga bagon.

Pinupunasan ni Pres ang sarili, halos maubos na ang tissue'ng binili kanina, basang-basa na rin kasi ang kaisa-isahang panyong dinala nya ngayong araw. Hindi rin nya naisipang magdala ng payong dahil mataas naman ang sikat ng araw kaninang umaga. Buti na lang at hindi naman sya napapansin ng ibang tao, kahit na malakas ang tulo ng tubig ulan mula sa damit nya.

Ilang minuto pang paghihintay at may naaninag na silang paparating na tren. Dumaan sa harap nina Pres ang ilang mga bagon at nakita nilang siksikan ang mga tao sa loob, ni hindi na nga makagalaw. Ang iba'y nakasalampak na sa sliding door.

Dahan-dahang tumigil ang tren. Bumukas ang pinto ng bagon na napatapat kina Pres, tila nakahinga nang maluwag ang mga sakay nito panandalian. Dalawang pasahero lang ang lumabas, kaya sumiksik kaagad ang tatlong nasa harapan ni Pres na kanina'y kasama nya sa paghihintay. Di na pinagkaabalahang isalampak pa ni Precious ang sarili dahil hindi na rin naman kasya at nahihiya syang madamay pa ang ibang tao sa basa ng damit nya. Tumingin-tingin sya sa pintuan ng iba pang bagon, siksikan na rin, no can do, mag-aantay sya ng kasunod pa. Tumunog ang pintuan ng bagon, hudyat na magsasara na ito. Mas lalo pang nagsiksikan ang mga tao na nasa pintuan, baka matamaan ng nagsasarang automatic sliding door. Naisara naman ito at tuluyan nang umalis ang tren.

Sa paghihintay, inalala ni Precious ang nangyari kanina. Kamusta na kaya si Juan Carlos ngayon? Ano na nga kaya ang ginagawa nito? Umiiyak ba ito? Dinaan na lang kaya sa inom ang kasawian sa pag-ibig? Sumagi sa isip nya na baka ang sama nyang tao dahil sa ginawa nya kay Juan Carlos. Pero agad naman nyang naisip na dapat lang ito, kinakailangan. Ayaw nyang makasama habambuhay ang ganoong klaseng tao. At kailangan rin namang maturuan ng leksyon ang mga ganong klaseng tao para magbago, naisip nya.

Siguradong magiging awkward na simula ngayon ang araw-araw na pagkikita nila sa opisina. Pero hayaan na, lilipas din ang lahat. Sana'y wala na syang madatnan na mga bulaklak, o kung ano-ano pang galing kay Carlos, sa desk nya. Kinakabahan syang pumasok bukas, baka may bagong chismis nanaman sa kanya ang mga katrabaho.


***

Lalong lumawak ang pagkaunawa ni Precious sa salitang "Mahal kita". Naisip nyang hindi pala  dapat ito ginagamit o sinasabi sa taong sandali mo pa lang nakakasama dahil lang sa bugso ng damdamin. Hindi ito dapat sinasabi dahil lang alam ng kadulu-duluhan ng kalamnan mong gustong-gusto mo ang taong iyon ngayon, lalong-lalo na kung masyado pang bata ang magkarelasyon. 

Maraming kabataan ngayon ang nagsasabing mahal na nila ang isang tao, pero bukas makalawa'y maghihiwalay lang din pala. Araw-araw nagsasabihan ng Mahal kita, mula sa paggising sa umaga--Mahal kita, hanggang sa pagtulog sa gabi--Mahal kita. Walang iwanan, hahamakin natin ang lahat! Lalakbayin natin ang buong mundo, susungkit ako ng bituin para sayo! Ayun, Biglang nagkahiwalay nang nagkasawaan na o kung nakuha na ang gusto. O ang masaklap pa minsan sa sobrang pagmamahal daw (na ang totong anyo lang naman ay libog), nagkabuntisan na sa murang edad pa lang. Tapos tinakbuhan na lang ng lalaki ang responsibilidad nya sa babae at anak nito. Minsan naman ang babae ang nang-iiwan, o ang masaklap pa sa masaklap, ang sanggol na walang kaalam-alam ang syang inaabanduna. Ano nang nangyari sa sinasabi nyong mahal nyo ang isa't isa. 

Ganito kung paano masayang ang napakabigat na salitang ito. Napakadali na lang sabihin, hindi man lang natin iniisip kung anong responsibilidad dapat ang kaakibat nito. Tawagin nyo nang O.A. si Precious, at na masyadong malayo sa naranasan nya ang naiisip nya ngayon, pero balang araw, kapag nagkahiwalay kayo nyang kasintahan mo ngayon, maiisip mo rin, kung ilang "Mahal kita" na ang nasayang nyo. Kung ayaw mo ng responsibilidad na kaakibat ng pagbibitaw ng salitang 'Mahal kita', huwag mo na munang banggitin.

TALAHAMIKTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon