"Alam na rin kaya nya?" tanong ni Pres sa sarili habang nakasalumbaba sa harap ng laptop. Balot na balot ng kadiliman ang buong kuwarto. Tanging ang asul na liwanag na nanggagaling lang sa buwan ang kumukulay sa paligid. Alam na nga rin kaya ni Bartolomeo kung ano ba talaga ang Talahamik? Kanina pa sya naglalagi sa Facebook, sinusuyod pa rin ang kalalim-laliman ng social media site para mahanap si Bartolomeo— nagbabakasakaling lumitaw na ulit ang Facebook profile nito.
Nagtanong-tanong na rin sya sa dating mga kaklase't kaibigan sa kolehiyo kung may alam ba sila kung nasaan na ngayon si Bartolomeo. Walang makapagsabi ni isa, kahit ang mga tropa nitong sina Cruz. Nagulat nga rin sila nang bigla na lang hindi nagpakita at nabura na sa Facebook ang profile ni Meo noong pagkatapos na pagkatapos ng graduation.
Ang bali-balita'y nangibang bansa raw. Ang sabi naman ng iba, nandito pa rin sa Pilipinas at baka nasa ibang lugar, nasa Visayas? Kung saan sya ipinanganak? Ang biro pa ng hindi maayos makipag-usap na mga kaibigan, baka raw kinuha na ng Alien.
*PING!*
May nag-chat...si Juan Carlos. Kanina pa siniseen ni Precious ang chat nito para ramdam ng binata na galit talaga sya. Nag-chat pa nga ng mahabang paghihingi ng tawad si Carlos kanina. Hindi na pinagkaabalahang basahin ni Pres. Pati sa text nangungulit. Sampung beses na ring tumawag si Carlos sa telepono nya at maka-ilang beses na ring tumawag sa Messenger.
Pero ang bagong chat ngayon-ngayon lang ni Juan ay, "Mahal kita..."
Rereplayan sana ni Precious, "Sakit bayag mo?" pero bigla na lang nyang binura ang reply at tuluyan nang blinock ang binata para hindi na humaba ang usapan.
Hinimas-himas ni Precious ng daliri ang labi nya. Sa kabilang banda'y nangungulila rin sya sa pagkakakuryente ng Talahamik. Ngayon lang ulit nya naranasan ang kaisa-isahang bagay na nagkokonekta sa kanila ni Bartolomeo. Sa kapansanan lang na ito nararamdaman ni Precious na malapit lang sa kanya ang binata. Ngayong naglaho na at nalaman nya na ang totoong salitang gustong bigkasin ng bibig nya, hindi sya mapakaling hindi makita o makausap man lang si Meo. Alam nyang tanging ito lang ang makakapagpuno ng kakulangan na nararamdaman nya ngayon.
*PING!*
Nainis si Pres, hula nyang si Carlos nanaman ito, pero nagulat sya nang ibang tao ang makitang nagchat sa kanya. Walang profile picture ang nagchat. Puting silhouette lang ng babae ang makikita mo, ito yung nag-a-appear kapag wala kang nilagay na display picture sa profile mo.
Dali-daliang binuksan ni Precious ang chat box, "Presi..." iyon lang ang nakalagay. Active Now ang nagchat na ito.
Nataranta si Precious, isang tao lang ang tumawag sa kanya ng ganito sa buong buhay nya, "Meo?" chat nya.
Biglang may nag-appear sa babang bahagi ng chat box...Seen. Nakaramdam bigla ng kaba si Precious. May lumabas sa kaliwang bahagi ng chat box, tatlong ellipsis na lumulundag, indikasyon na nagsusulat kung sino man ang nasa kabila. Nagsimulang bumilis ang tibok ng puso ni Pres habang inaantay kung ano ang susunod na sasabihin ng taong kausap nya. Biglang nawala ang naglulundagang ellipsis. Lumaktaw ng isang tibok ang puso ng dalaga. Nagchat ulit si Pres sa kausap, "Cno to?". Walang seen na lumabas, nagchat ulit si Precious, "Meo? Ikaw ba to?" Wala pa ring seen na lumabas. Tumingin sya sa itaas ng chat-box, ang kaninang Active Now ay naging Active 1 min ago. Hindi nya tinigilan ang misteryosong taong nagchat sa kanya. Kinulit nya nang kinulit, sinubukan pa nga nyang tawagan. Pero wala, wala nang sumagot ulit. Wala nang seen. Wala nang naglulundagang ellipsis.
BINABASA MO ANG
TALAHAMIK
Romance[ with ILLUSTRATIONS ] "Dinapuan ng kakaibang kapansanan si Pres. May kakaibang sensasyon s'yang nararamdaman sa labi n'ya. 'Yung para bang may gusto s'yang sabihing salita na bigla na lang n'yang nakalimutan at nasa kadulu-duluhan na ng dila niya. ...