Chapter 19 (part two)

10 1 0
                                    

Chapter 19 (part two)

Isang linggo ang nakalipas. Madalas lang na nasa kwarto si Gavin. Doon siya nagtatrabaho, kumakain at nagpapahinga. Lalabas lang siya kapag kukuha ng pagkain at kapag may ipapasa siya kay Matthew. Hindi niya kinakausap at pinapansin si Matthew kapag nagkikita silang dalawa. Hindi niya ito tinatapunan ng tingin at tinuturing niya itong hangin na hindi niya nakikita. Kapag mayroon siyang hindi maintindihan, si Ashley lang ang tinatawagan niya para tanungin ito. Laking pasasalamat niya at nasasagot naman siya ni Ashley.

Kinuha ni Gavin ang susi niya na nakapatong sa lamesa. Kinuha niya rin ang denim jacket na nakapatong sa kanyang kama. Ngayon lang siya lalabas ng condo sa loob ng isang linggo. Kada dalawang araw pinapadalhan niya si Alexis ng bouquet. Palagi din silang magka-usap sa cellphone na nakakapagpa-wala ng stress niya sa trabaho. Nang masigurong wala na siyang nakalimutan, lumabas na siya ng kwarto. Magkikita sila ngayon ni Alexis. Pupunta sila ngayon sa isang lugar kung saan tahimik, walang masyadong taong pumupunta at madalas din puntahan ng mga sikat na artista. Susunduin niya ito ngayon sa condo nito at pumayag si Francis na hindi siya isasama ni Alexis sa lakad nila ni Gavin.

Malapit na sa pinto si Gavin nang madaanan niya si Matthew na naka-upo sa sala. "Saan ka pupunta?" tanong ni Matthew habang sinusundan ng tingin si Gavin. Hindi sumagot si Gavin at deretso lang itong naglakad hanggang sa makalabas ng condo. Napahinga ng malalim si Matthew at napa-hilot sa sintido niya. Isang linggo na siyang hindi kinikibo ni Gavin. Parang bumalik lang sa kanya ang ginawa niya noong nakaraan. Ang hindi pagpansin kay Gavin. Tumayo siya at nagtungo sa kusina para uminom ng tubig. Naupo siya sa isang upuan at doon napa-isip.

Hindi siya pinapansin ni Gavin dahil nakita siya nitong nakikipag-talik sa isang lalaki. Hindi naman niya inaasahan ng araw na iyon na makikita siya ni Gavin sa ganoong sitwasyon. Alam niyang nabigla si Gavin sa mga nakita nito dahil kitang-kita niya iyon sa reaksyon nito. Tanging pagtawag lang sa pangalan ni Gavin ang nagawa niya. Si Gavin lang naman ang iniisip niya noong mga oras na nakikipag-talik siya sa iba. Kung iisipin, nasa tama pa ang ginawa niya dahil kung hindi siya nakipag-one-night stand sa iba, baka hindi niya matantya ang sarilli niya at kay Gavin niya ginawa ang mga bagay na nakita nito.

Paminsan-minsan sinusubukan niyang kausapin si Gavin. Tinatanong niya kung kumain na ba ito, kung may gusto ba itong ipabili sa kanya sa tuwing lalabas siya ng condo at kung kailangan ba nito ng tulong niya sa mga pinapagawa niya. Nagawa na rin niyang dalhan ito ng pagkain sa tapat ng pintuan pero sumapit na ang gabi nang hindi man lang ginalaw iyon ni Gavin, sinubukan na din niyang manood ng football game at yakagin si Gavin pero hindi talaga siya pinapansin nito. Kung ano-ano na nga ang nagawa niya para pansinin siya nito pero walang umuubra.

Kinaka-usap pa rin niya si Gavin kahit wala siyang natatanggap na sagot. Determinado siyang isang araw kakausapin din siya ni Gavin kaya hindi siya sumusuko sa paggawa ng paraan. Pinalaki siyang determinado at maparaan, kaya hindi niya susukuan si Gavin. Pumasok si Matthew sa kanyang kwarto at nagbihis. Naka-isip siya ng paraan na baka magustuhan ni Gavin at pansinin na siya nito. Isang linggo na silang kumakain ng puro instant lang at microwave na mga pagkain. Huli silang nakakain ng lutong-bahay ay noong kasama nila si Ashley.

Tinawagan ni Matthew si Ashley at nagtanong nang kung ano ang kanyang gagawin sa paghahanda ng pagkain na naisip niya. Umalis siya ng condo at binili ang mga kailangan niya. Ang gagawin niya lang ay ang pag-aralan kung paano lutuin ang pagkaing nasa isip niya at hintayin si Gavin na makabalik sa condo.

--

Naka-upo sa isang malaking duyan sina Gavin at Alexis, magkatabi silang dalawa kung saan tanaw nila ang malawak na siyudad mula sa kanilang pwesto. Gabi na at nagpapahinga na silang dalawa mula sa nakakapagod na pag-sakay nila sa kabayo, paglalaro ng golf at kung ano-ano pang bagay na magagawa nila sa lugar na pinuntahan nilang dalawa.

The Melodrama of FateTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon