Nag-maneho ako pabalik sa bahay. Hindi ko alam pero roon ang sinisigaw ng utak ko.
Natuyo ang luha sa pisngi ko. Pagod na akong umiyak, pagod na akong maging tanga sa mga nangyayari. Ano pa bang hindi ko alam?
Pagkarating ko sa bahay, nagulat si manang dahil nandoon na naman ako. Hindi ko na siya pinansin at dumiretso ako sa kwarto ko.
Hindi ko alam kung bakit nandito ako, kung bakit dito ako dinala ng paa at kamay ko. Anong meron dito na makakasagot ng mga tanong ko?
Sinara ko ang pinto ng kwarto ko at sumandal dito. Pumikit ako. Sumasakit ang ulo ko sa nangyayari. Gusto kong sumigaw, gusto ko magwala, gusto ko ilabas ang nararamdaman ko pero nanatili akong nakatayo.
Naramdaman ko ang maiinit na luha sa pisngi ko. Bakit? Bakit Travis? Do you really need to leave me alone? Anong kailangan kong malaman?
Napadilat ako at agad hinanap ang box na nasa side table ko.
Pinunasan ko ang mga luha at lumapit doon. Kinuha ko ito at umupo sa kama ko.
Its a medium brown box. Hindi ganoon kaliit ngunit hindi rin ganoon kalaki. May ribbon pa itong kulay dilaw. Ang paboritong kulay ko. Kakulay ng paborito kong bulaklak.
This box was given by Travis. Before that night. Before kuya decided to break their friendship apart. Hindi ko na ito nabuksan dahil sa mga sunod sunod na nangyari. Hanggang sa abutin ng apat na taon.
Nanginginig kong tinanggal sa pagkakabuhol ang ribbon nito. Halos pigil hininga kong binuksan ang takip ng box.
Unang bumungad sa akin ang iba't ibang kulay ng papel, tila ginupit ito para maging confetti. Tinanggal ko ang mga ito, medyo marami rin kaya nagkalat ang iba sa sahig ng kwarto ko pero wala na akong panahon para pulutin pa iyon.
Nang maalis ang lahat ng nakatabon na papel, una kong nakita ang maraming polaroid film. Nakataob ito kaya hindi ko makita kung anong mga litrato ang meron sa kahon.
Kinuha ko ang mga film. Sobrang dami nito, halos iyon lang ang laman ng box.
Nanlaki ang mata ko nang tuluyang makita ang mga litrato.
Puro pictures ko 'to. Stolen shot ang karamihan, mayroon ding nakangiti ako o nakatawa. Mayroon pang nakasimangot. Napangiti ako.. pero sobrang sakit ng puso ko.
Kada litrato ay may nakasulat din sa ibaba nito.
Love.
Why are you so grumpy? :D
I love your smile.
Your eyes shines like the brightest star.
Cute.
I miss you.
I love you so much.
Please stay happy.
Tumayo ako pero dahil sa sobrang panginginig ng binti ko ay napaupo ako sa sahig ng kwarto ko. Niyakap ko ang mga litrato, umaasang kapag dinikit ko ito malapit sa puso ko ay mababawasan ang sakit na nararamdaman ko.
Parang gripo ko ang luha ko. Sinandal ko ng noo ko sa kama at doon umiyak. Gusto kong magalit sa mundo, sa lahat pati na rin sa sarili ko.
Sana hinayaan ko na lang siyang makipaghiwalay sa akin noong gabing yon. Sana tiniis ko na lang ang sakit. Sana hindi na lang ako naging makasarili.
Tinakpan ko ang bibig ko gamit ang palad para mapigilan ang hikbi ko. Sobrang sakit ng dibdib ko, halos hindi na ako makahinga.
I have so many regrets, so many 'what ifs', so many why's. Wala na ba talaga akong pwedeng gawin para mabago ang mga nangyari?
