10 AM

101 7 0
                                    

Nagising ako dahil sa tunog ng bell.

Recess pa lang pala. Akala ko 4 PM na sa dami ng napanaginipan ko.

Bumungad sa ilong ko ang amoy ospital. Naalala kong nasa clinic nga pala ako.

Finally, nag-effect na yung gamot na pinainom sa akin. Hindi ko na masyado maramdaman ang pangingirot ng katawan. Na-refresh din ako ng mahaba-habang pag-idlip na ginawa ko kaya nabawasan ng husto ang parang nag-rollercoaster na lungkot at excitement na naramdaman ko nitong mga nakaraang oras.

Bumangon ako mula sa kamang pang-ospital at inayos ang unan, kumot, at kobre-kama na ginamit. Aakalain mong walang natulog doon dahil sa pagka-polido ng ginawa kong pag-ayos.

Bago ako makalabas ng clinic, binigyan ako ni doc ng dalawa pang tabletas ng Ibuprofen at pinayuhang wag uminom ng tea at alcohol — dalawang inumin na hindi niya na ako kailangang pagsabihan pa na iwasan. Kadiri kasi yung lasa ng mga iyon.

"Take them once every four hours, with a meal." Dagdag pa ni doc.

Dumeretso ako sa canteen habang wala pang mga kakompetensyang schoolmates. Limang pirasong cheese roll at isang maliit na bote ng tubig ang naisipan kong bilhin para pangtawid gutom.

Pinili ko na mapag-isa muna. Pumunta ako sa grade school area dahil alam ko na walang tao doon. Kakatapos lang kasi ng recess ng mga elementary students.

Umupo ako sa isang bench sa baba ng elementary wing. Habang kumakain ay pinagmasdan ko ang nakakaantok na pagduyan ng mga dahon ng puno, na hinihipan paminsan-minsan ng mainit na hangin ng Abril. Kusang nagbalik ang iba't ibang alaala sa isip ko habang unti-unti kong nginuya ang tinapay na pinagbaratan ng panadero ng keso.

Naalala ko ang anxiety na naramdaman ko kanina during homeroom class, na nagsimula dahil sa panghihinayang ko sa mga bagay na hindi ko ginawa habang nasa highschool. Unang beses lang ata na nangyari sa akin ito, ang pagsisihan ang mga hindi ko nagawa.

Mataas nga ang grades ko, honor student nga ako, pero hindi pa din ako masaya. Samantalang ang mga "ordinaryong" estudyante, kasama ng mga bulakbol, mga luko-loko, at ang mga pasaway kong kaklase na kasabay ko lang naman gagraduate, ay bakas sa mukha nila ang kakaibang saya. Kung tutuusin, parang sila pa ang may mas mataas ang achievements kumpara sa akin.

Sumagi sa isip ko si Bevs, na nakakasampo na atang mga boyfriend, at si Andrea, na suki na ng mga clubs tuwing biyernes after classes. Pare-pareho kaming nasa top 20 overall sa batch, pero kulelat ako pagdating sa saya. Pinili ko ang mag-aral, tinanggihan ko ang mabuhay.

Napangiti ako noong naalala ko si Colin, pero agad napalitan ang kilig ko ng pandidiri noong naalala ko ang pinaggagawa ko sa clinic kanina sa harap niya. Naalala ko rin bigla ang katabi ni Colin, si Luther, ang ginawa niyang panliligaw sa akin sa gym last month, at ang pagiging ilang namin sa isa't isa mula noon, na nagpalamig sa pagkakaibigan namin.

Isang malalim na buntong hininga—iyan lang ang kaya kong gawin dahil sa dami ng information na pino-process ng utak ko ngayon.

Sa di kalayuan ay napansin ko ang isang pamilyar na babae na naglalakad pabalik sa highschool area. Si Ms. Raquel! Kung may taong makakatulong sa akin para i-organize ang pagbaha ng information sa utak ko ngayon, ito ay ang napaka-bait at napaka-galing na guidance counselor ng batch namin.

Kailangan ko makausap si Ms. Raquel!

Tinapon ko sa basurahan ang natira kong pagkain at tubig at hinabol si Miss. Swerte naman at wala daw siyang nakaschedule na appointments or meetings ngayon so pwede niya raw akong i-accomodate.

Pumasok kami sa guidance counselors' 'nook' kung saan nag-ooffice ang mga counselors. Mukhang walang tao doon, dahil siguro sabay ang break nila sa recess ng high school. Dumeretso kami ni miss sa office niya at pinaupo niya ako sa silya na nasa harap ng kanyang lamesa. Malinis at organisado ang opisina niya, na may amoy lavender. Matapos isarado ang pinto ng maliit niyang opisina ay umupo siya sa kanyang office chair at pagkatapos ay tinanong ako kung ano ang gusto naming pag-usapan.

Love in 24H (Filipino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon