9 PM

118 6 5
                                        

Hindi ko maipinta ang mukha nina Bevs at Andrea dahil sa nakita nila noong bumukas ang pinto ng van. Para silang nakakita ng multo... or artistang multo. Nag-alangan silang pumasok sa sasakyan na parang hindi sila karapat-dapat makabilang sa parehong espasyong inuukupahan ng prinsesa ng bayan.

"Come in, guys!" Nakangiting sabi ni Kimberly de la Vega sa kanila.

Walang nasabi ang dalawa at ngumiti lamang. Mukhang na-starstruck ng husto. Pumasok sina Bevs at Andrea at dumeretso sa likuran ng van. Naupo sila sa pang-tatluhan na upuan sa likuran ko. Kinamusta sila ni Kimberly de la Vega, bawat tanong ng isa, isang sagot lang ng dalawa. Tinapik nila ako sa likod at nag-ngitian lang kami, wala sa amin ang nangahas mag-usap. Hindi naman ipinagba-bawal, pero may awra sa loob ng sasakyan na nagpaparamdam sa amin na hindi pwede ang usapang kalye doon.

Sa wakas ay dumating na rin kami sa bahay ni Colin. Ibinaba kami ni manong sa harapan ng isang malaking green gate na parang pang warehouse. May lagusan ito sa bandang kaliwa na sinadya para maging daanan ng tao. Ang musikang pang-modernong club ay maririnig ng kaunti mula sa labas, parang tunog mula sa isang naka-headphones na malakas ang pagpapatugtog. Ang mahabang kalsada sa labas ay napuno ng mga sasakyang nakaparada sa magkabilang gilid ng sidewalk, hanggang sa kayang abutin ng paningin. Malaki ang bahay nina Colin, pero kapiranggot pa din ito kung ikukumpara sa bahay ni Kimberly de la Vega na sa laki ng espasyo sa loob ay kakayaning paparadahin ang lahat ng sasakyan na nasa labas.

Pag pasok namin ng gate ay binagtas namin ang bakanteng driveway na kayang magpaparada ng apat na kotse na magkakatabi. Napagitnaan ito ng landscaping sa bawat gilid, na parang nilatagan ng carpet na gawa sa bermuda grass. Kapansin-pansin din ang isang basketball ring sa bandang gilid ng driveway, na naisip kong malamang pinagpapraktisan ni Colin.

Ang grupo naming bagong dating ay pinagmasdan ng ilang tao doon, na nag-uusap at nagtatawanan. Ang bawat isa ay may hawak na lata ng beer sa isang kamay, at kadalasan ay sigarilyo sa isa pa. Binati nila si Kimberly de la Vega, na pinakilala naman kami sa mga tao doon. Namukhaan ko ang iba, na mga CK sa school. Matapos kaming ipakilala sa mga andoroon ay nagpatuloy na kaming maglakad papunta sa harap ng malaking puting bahay, at pinagbuksan ng ilang lalaking ka-edad namin na nakatayo sa may pinto.

Pag pasok namin sa bahay ay sinalubong at binalot kami kaagad ng magkahalong amoy ng pawis, alak, at usok ng sigarilyo, na sinabayan ng ingay mula sa mga tawanan, malakas na tugtugan, kalansing ng mga bote, at mga taong mukhang nawawala na sa sarili. Ang tibok ng puso ko ay parang sumabay sa malakas na pag-bayo ng bass na isinigaw ng mga nagkalat na malalaking speakers. Ang kaninang puti at maliwanag na ilaw na gumabay sa amin sa labas ng bahay ay napalitan na ngayon ng kadilimang tinipid na pina-liwanagan ng mga ilaw na nagpabago-bago ng kulay at hugis bola, nagmukhang naghabulan at nagbanggaan ang mga ito. Ang mga taong nakikita kong nakapikit at nagsasayawan ay sa isang iglap nagpasalit-salit na nagiging anino, at pagkatapos ay magkakamukha ulit. Kung wala lang kami sa bahay ng mayaman ay halos wala itong pinagkaiba sa isang punong-puno na beerhouse malapit sa bahay namin.

Maya-maya pa ay may papalapit sa grupo namin na malaking anino. Wala akong duda kung sino iyon—si Colin. Agad niyang nilapitan si Kimberly de la Vega at hinalikan sa pisngi. Naghawakan naman sina Jasper at Colin ng isang kamay at nagbanggaan ng dibdib—panglalaking version ng beso-beso.

Inihanda ko ang mga pisngi ko na mahalikan din at napadila ako ng kaunti sa mga labi ko sa paghahandang maibalik ko din sa kanya ang halik niya. Bumilis ang tibok ng puso ko sa inaasahan kong sunod naming pagkakalapit ng katawan ng magkaharapan.

Tiningnan ako ni Colin at binati ako. "Hey, you came!" Nilakasan niya ang boses niya para hindi malunod ng mga nakikipag-kompetensyang ingay mula sa likod.

Love in 24H (Filipino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon