Paano kaya kung kumanta din ako dito? Bigyan din kaya ako ng pera? Natatawa kong sinabi sa sarili ko habang pinapanood ang mga batang walang kagana-ganang kumakanta at nagtatambol ng mga lata sa loob ng jeep. Binigyan ko sila ng limang piso, binigyan din sila ng dalawa pang uto-utong pasahero, alay namin sa sindikatong uuwian ng mga bata mamaya.
Buti na lang kaskasero 'tong nasakyan ko, mas mabilis ako makakauwi—o mamamatay. Magkomedyante kaya ako? Natawa nanaman ako sa sarili ko, na itinago ko sa kunwaring pag-ubo para hindi sabihin ng kaharap ko na nasisiraan na ako ng ulo.
"May isa pa," sigaw ng tsuper sa hinintuan na mag-ina. Isa pa... kaso isa... isang langgam na lang ang sinasabi niyang kasya pa sa mala-lata ng sardinas na sitwasyon namin sa loob ng jeep. "Ate, dito na po kayo, malapit na lang po ako." Sumabit ako sa jeep para makaupo ang nanay, na kinalong naman ang anak niyang mga four years old siguro ang edad. Biyernes ngayon. Mahihirapan kayong sumakay.
Malapit na ang jeep sa kanto namin. Paano kaya kung masabi ko papa, hindi para? Wag mo sabihin papa, wag mo sabihin papa, wag mo sabihin papa... "pa——ra. Po. Sa. Tabi lang." Siraulo. Inaway ko ang sarili ko na minsan ay gusto talaga akong ipahamak.
Bibili muna ako ng softdrinks at hotdog bun sa convenience bago umuwi, gaya ng araw-araw namin ginagawa... dati.
Pagtalon ko mula sa likod ng jeep nang huminto ito, halos mapaatras ako sa gulat sa nakita kong nakatayo doon. Si Lauren, sa tapat ng convenience store, kaharap ako. Inaantay mo ba ako... gaya dati?
Binusinahan ako ng kotseng kasunod ng jeep na sinakyan ko kasi hindi ako tumabi agad papunta sa sidewalk. Uminit ng kaunti ang ulo ko at papakyuhan ko na sana ang driver ng sasakyan, kaso hindi ko na lang tinuloy. May mas mahalaga sa harap ko ngayon kaysa sa mapaaway nanaman.
Nilapitan ko siya. Dapat relax lang, baka masampal nanaman tayo. "Oh, ginagawa mo dito?" Kaswal kong tinanong si Lauren.
"Ah, may inaantay ako." Sagot niya.
Ano kaya inaantay neto? Nagpadeliver nanaman siguro to ng kung anu-ano mula sa Zaladza Online? O, baka nagpadeliver nanaman 'to ng pagkain o mga magazine? Pero bakit hindi na lang niya antayin sa bahay? Ah, baka ayaw niya makita ni tita na nagsayang nanaman siya ng pera.
Gusto ko alamin kung ano ang hinihintay niya, kaso kailangan ko mag-ingat sa pagtatanong dahil halatang galit pa din siya sa akin. Kung ano ang dahilan ay diyos lang ang nakakaalam.
Tumayo ako sa may tabi niya, habang sinigurado na mag-lagay ng puwang sa pagitan naming dalawa—hindi gaano malapit, pero hindi din gaano kalayo. "Zaladza?" Ngumiti ako ng kaunti para di masyadong magmukhang nangingi-alam ako, atsaka para patigasin ang panga ko kung sakaling ma-right hook nanaman ako ng sampal sa mukha.
Tumingala siya at tiningnan lang ako saglit. Sinulit ko ang maikling sandaling iyon para matitigan ko siya, kahit sa kakapiranggot na ilang segundo lang. Matagal ko nang hindi natitingnan ng malapitan ang mapupungay at nakakaakit niyang mga matang pusa. Pagkatapos noon ay lumingon siya pakaliwa, palayo mula sa kinatatayuan ko. Bumalik siya sa pag-aabang ng kung anuman ang inaabangan niya. Walang reaksyon ang mukha niyang napaka-maamo. Hindi rin niya sinagot ang tanong ko.
Tumayo lang ako ng ilang sandali pa na nakatingin sa kanya, nagbabakasakaling nag-lag lang ang utak niya. Nang sigurado na akong wala akong matatanggap na sagot ay pumasok na lang ako sa convenience store.
Nagpa-ikot-ikot ako sa loob para maghanap ng mga bagay na hindi ko naman bibilhin. Kumuha ako ng dalawang lata ng softdrinks mula sa ref. Pepz para sa akin, Funza Orange naman para sa kanya. Paborito niya ang Funza Orange noon pa man, simula noong mga bata pa kami.
BINABASA MO ANG
Love in 24H (Filipino)
RomanceSa huling araw ng pasukan, nagdesisyon ang grade 12 na si Lauren na mapalapit sa kanyang crush. Pero sa dulo, higit pa roon ang nakamtan niya: pag-ibig ... lahat, sa loob ng dalawampu't apat na oras. *Completed* Now being edited for grammar.