Mula sa kinauupuan ko ay nakita ko siya: ang pinakaguwapong lalaki sa balat ng lupa — in high definition, naglalakad papunta sa akin in slow-motion, nakatitig at nakangiti habang hinahangin ang buhok at ang hindi naka-botones na polo ng school uniform.
Oh, Colin.
Mas ninenerbyos pa ako ngayon kaysa sa mga ti-nake kong mga exam noon kung saan hindi ako masyado nakapag-aral. Mas pinagpapawisan din ako ngayon kumpara sa kung paano ako pagpawisan sa P.E. classes dati tuwing sapilitang akong pinapalaro ng teacher ng volleyball o basketball. Ang kabog ng dibdib ko ay lalong lumakas sa bawat hagbang ni Colin papalapit sa akin. Para ata akong aatakihin sa puso!
Pero noong malapit na siya umabot sa kinauupuan ko ay doon ko lang napansin ang isang hindi nakakatuwang sitwasyon — hindi siya nag-iisa!
Anak ng prutas naman, oh! Ito na nga ang pagkakataon namin mapag-isa, nagsama pa ng mga pang-gulo!
Sunod-sunod kay Colin ay ang ilang miyembro ng mga CK.
Sa bandang kaliwa niya ay si Brandon, ang pinakaguwapong CK, na napakatahimik at misteryoso, na crush ng halos lahat sa campus. Sa bandang kanan naman ni Colin ay ang hindi mapaghihiwalay na magnobya na sina Jasper at Kimberly de la Vega. Si Kimberly de la Vega ay ang sobrang sikat at napaka-kontrobersyal na artista slash model, na aakalain mong parang manyika sa sobrang ganda. Si Jasper naman ang cute na Point Guard ng basketball varsity team, na ngayo'y nagdi-dribble-dribble at nagshu-shoot pa sa hangin gamit ang kanyang bolang gawa sa imahinasyon. Sa bandang likuran naman ni Colin ay sumunod si Veronica, ang captain ng Volleyball varsity team. At sa tabi naman ni Veronica ay ... si Luther ... na parang pinagtataguan ako.
Tumayo ako mula sa kinauupuan ko at naglakad para salubungin si Colin at ang mga kasama niyang mga bwiset sa buhay ko.
"Hi, Lauren. You got something for me?" Nakangiting tanong ni Colin sa akin gamit ang kanyang malalim at napaka-pang-lalaking boses.
Feel na feel ko namang sinagot siya ng "I do," habang nakatingala ako sa kanya, hawak-hawak ang exam papers niyang naka-rolyo sa may dibdib ko, na para bang ito ay isang bouquet ng mga pulang rosas.
Ngayon lang ako nakatayo ng ganito kalapit kay Colin, my dear. Dahil isang hakbang lang ang pagitan namin ay halos mabali ang leeg ko sa pagtingala para titigan ang kanyang perpektong mukha. Sa sobrang tangkad niya ay hindi man lang pumantay ang ulo ko sa leeg niya.
Huminga ako ng malalim para subukan siyang amuyin. Nagustuhan ko ang presensya niyang banayad na gumuhit sa aking pang-amoy — ang aking ilong ay hinarana ng nagkahalong mamahaling pabango at ang kaunting pawis ng isang matipunong lalaking atleta.
Ang pinaghalong amoy, ngiti, at lapit sa akin ni Colin ay naging sapat para palutangin ang diwa ko. Sa isang iglap ay bigla akong nawala mula sa kinatatayuan ko at agad napunta sa isang mundong puno ng mga bulaklak at paru-paro. Kung saan ang mga makakapal na puting ulap ay abot kamay lamang. Ang hangin dito ay banayad, ang araw ay tirik pero hindi nakakapaso, ang mga ibon ay humuhuni ng mga musikang malamig sa pandinig.
"Are you okay?" Agad pumutok na parang bula ang pagpapantasya ko sa biglang tanong ni Colin sa akin.
Shit anong problema sa akin?! Namumula ba ako? Tumutulo ba ang laway ko? Baka may kulangot akong sumilip mula sa ilong? May muta ba ako? May MGA muta ba ako? Umiiyak ba ako na di ko namamalayan? Baka humahalakhak ako na hindi ko alam? Nakapag-palda ba ako bago pumasok sa school? Nalalagas ba ang buhok ko? Baka hindi ko naipantay ang kilay ko?
Nag panic ako habang milyon milyong tanong ang dumagsa sa isipan ko sa loob ng wala pang isang segundo.
Bakit niya iyon tinatanong?
BINABASA MO ANG
Love in 24H (Filipino)
RomanceSa huling araw ng pasukan, nagdesisyon ang grade 12 na si Lauren na mapalapit sa kanyang crush. Pero sa dulo, higit pa roon ang nakamtan niya: pag-ibig ... lahat, sa loob ng dalawampu't apat na oras. *Completed* Now being edited for grammar.