12 MN

125 5 2
                                        

Hindi naman pala nakakalasing ang mga ito!

Nakainom ako ng siyam na baso nang wala man lang epekto sa akin! Labing-isa kung bibilangin ang dalawa pang nainom ko noong pagdating namin.

Hawak-hawak ni Colin ang kamay ko habang inikot namin ang mga sumasayaw. Parang kasama ako ng manager ng club, na kinakamusta kung okay pa ba ang mga parokyano niya. Minsan ay ipinapakilala niya ako sa mga binabati niya. Ang mga lalaking nakakausap niya ay tinitingnan akong pabalik-balik mula sa mukha hanggang sa mga hita ko, at wala nang ibang bukang bibig sa kanya kung hindi "Oooh!" "Nice!" "Hot!" "Mmmm!" "Yeah, Colin!" Nakatayo lang ako doon sa tabi niya, naiilang, habang pinagpiyestahan ng mga tingin, hanggang hilain ako ulit ni Colin paalis mula doon para ipakilala sa iba.

Girlfriend niya na ba ako?

Maya-maya pa ay nilapitan kami nina Kimberly de la Vega at Jasper. Sinabi nila sa amin na uuwi na daw sila. Tinanong nila ako kung gusto ko ba raw na ihatid na nila ako pauwi. Nagpasalamat ako at sinabing makikitulog ako kina Andrea mamaya. Bineso ako ni Kimberly at binating mag-enjoy daw ako at mag-ingat pauwi. Ipapadala na lang daw niya ang mga gamit ko kapag tinext ko na siya kung kailan ako available. Labas din daw kami minsan kung kailan ako libre. Napaka-bait at napaka-gandang bata. Humiwalay sina Jasper mula sa amin at naglakad papunta sa labasan, habang nagpapaalam sa mga nakakasalubong nilang kakilala.

Hinila ako ni Colin papunta sa isang lamesa kung saan ay may nagbabatuhan ng ping-pong balls. Nang makalapit na kami ay doon ko lang nakita kung sino ang mga nandoon. Magkatabi sina Brandon at Veronica sa isang dulo ng lamesa. Ang kalaban nilang dalawa pang lalaki ay hindi ko kilala.

"Hey, let's play hard pong!" Sabi ni Colin sa akin.

"What's that?" Tanong ko.

"It's like beer pong, but instead of beer, we drink hard drinks." Dahil hindi ko alam kung ano ang beer pong at hard drinks ay ipinaliwanag niya ito. Hindi ko pa din maintindihan ang sinasabi niya, pero sabi ko "yeah, sure, whatever, let's play!"

Kinausap ni Colin ang dalawang lalaki na kalaban nina Veronica, at tumabi ang mga ito, paulit-ulit na sinasabihan si Colin na "sure, no problem, man!" habang tinatapik siya sa mga balikat niya. Ang grupo namin ni Colin ngayon ang naging kalaban ng grupo nina Brandon at Veronica.

Nilagyan ng mga taong nandoon ng kulay malabnaw na brown na likido mula sa isang mataas na bote ng alak ang sampung baso na pinormang pa-tatsulok sa harap ng magkabilang dulo ng lamesa.

Habang sineset-up ang laro ay nilapitan ako nina Andrea at Bevs. Ibinulong sa akin ni Bevs na wag na ako sumali dahil hindi na daw maganda ang itsura ko. Sabi ko sa kanila ay huwag nila akong pakialaman. Wag na din sila mag-alala, sabi ko din, dahil wala naman akong nararamdaman na kakaiba. Tiningnan ako ni Bevs na may pag-aalala, bago sila nakisiksik sa mga nakapaligid na mga taong nakapalibot sa lamesa.

Nagsimulang dumami ang taong nakapalibot sa lamesa namin para manood noong nagsimula na ang laro. Tiningnan ko ng masama si Veronica at nginitian siya habang yakap ko si Colin sa baywang. Tiningnan ako ng masama ni Veronica , at minsa'y iniirapan pa.

Sige lang. Talo naman kita. Ganti ko na 'to sa panunulak mo sa akin kanina. Karma is real, girl.

Si Colin ay walang kahirap-hirap na naishu-shoot ang ping pong ball sa baso nina Veronica at Brandon, na nagpasalit-salit ng shot ng mga baso nila. Ako naman ay walang naipasok na bola, ni-isa, at habang tumatagal ay palayo ng palayo ang binabagsakan ng bolang binabato ko habang palakas naman ng palakas ang mga halakhak ko kapag nai-shu-shoot ni Colin ang bola.

Noong isang beses ay nai-shoot ni Veronica ang bola sa baso at bigla siyang sumigaw ng "Lauren, Lauren..." Nagsi-sunuran ang lahat, na nagsi-tinginan sa akin. Kinuha ko ang baso at idinikit ito sa mga labi ko. Ang amoy ng laman nito ay parang matapang na rubbing alcohol. Ang mga sumingaw mula doon na gaas ay agad gumuhit sa ilong at lalamunan ko at dinalaan ang mga mata ko na humapdi at agad naluha. Muntik na akong masuka sa amoy. Ang labi ko ay halos malapnos sa tapang ng alak noong idinampi ko ito sa labi ko.

Love in 24H (Filipino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon