3 AM

115 4 8
                                    

Alam ko dito lang yun eh!

Pilit kong inalala ang dinaanan ng van namin kanina papunta sa bahay ni Colin mula sa bahay ni Andrea.

Habang naglalakad ay naalala ko ulit ang mga masasakit na salita na sinabi ko kanina kila Andrea, Bevs, at Luther. Napahinto ako sa paglakad at napapikit ang aking mga mata. Sising-sisi ako ngayon sa mga salitang binitawan ko na hindi ko kailanman masasabi sa kanila kung nasa tama akong katinuan. Naalala ko ang mga nagtatakang mukha ng mga tao kanina sa party na nakatingin sa akin habang nagsisisigaw ako. Nakakahiya! Sinubukan kong alugin ang ulo ko para makalimutan ko ang mga masasamang alaala na iyon, pero lalo lang nitong pinasama ang pagkahilo ko.

Kapag nakita ko ulit sina Andrea at Bevs ay luluhod ako sa harap nila para humingi ng tawad. Magmamakaawa ako, kung kinakailangan. Kahit anong parusang ipataw nila sa akin, tatanggapin ko. Alam ko namang papatawarin ako ng mga iyon. Sigurado nga lang na papahirapan muna nila ako ng maigi. Mabuti silang mga kaibigan. Nakakatiyak din ako na kapag kumatok ako sa gate ng bahay ni Andrea ngayon ay siguradong pagbubuksan nila ako.

Paano ba ito nangyari sa akin?

Saglit akong nagpantasya na sana maibalik ko ang oras at hindi sana ako uminom ng maraming alak. Umiling-iling lang ako sa sarili ko nang maalala ko na kaya ko lang ginawa iyon ay para lang magpa-sikat kay Colin. Tama sila, para nga akong bata. At nagalit ako kanina dahil nalaman ko ang masakit na katotohanan na iyon.

Umiikot pa din ang paningin ko sa kalasingan. Antok-na antok na din ako at gutom na gutom. Sa buong araw na ito ay cheeseroll at kaunting biskwit at tsokolate pa lang ang nakakain ko. Dagdag pa sa kamalasan ko ay nakalimutan ko ang mga sapatos at bag ko kela Colin. Napaka-miserable talaga!

Hati ang loob ko kung bibilisan ko ang lakad ko at patuloy na hayaang tusukin ng napakagaspang na aspalto ang mga paa ko o huminto na lang ako dito sa tabi ng kalye at magpa-abot na ng umaga.

Ang kaso nga lang ay marami ang makakakita sa akin kapag sumikat na ang araw. Baka mapagkamalan nila akong isang taong grasa. Malamang ay walang tutulong sa akin. Baka kunan pa nila ako ng picture mula sa mga celphone nila at i-post ito sa social media. 'Hoy! Nakita ko na ang ate mo!' I-ka-caption nila dito. Ang picture ko ay kakalat. Magiging meme ako. Pagtatawanan ako sa graduation day. Sa mga reunion ng batch namin, pag-uusapan ako. Habang buhay akong makikilala bilang si Lauren na lukaret!

Nahuli ko ang sarili ko na bubulong-bulong. Para na talaga akong taong grasa na tuluyan nang nawala na sa sarili.

Wala na akong ibang pwedeng gawin ngayon kung hindi magpatuloy maglakad at hanapin ang bahay ni Andrea. Sigurado ako, andito lang yun.

Sa kamalas-malasan ko pa ay nakalimutan ko din ang celphone ko sa bag. Kung nadala ko lang sana ang bag ko, baka nakatawag na ako sa mga kaibigan ko at nasundo na nila ako kanina pa.

Naliligaw ako ngayong madaling araw, sa isang lugar na hindi ako pamilyar, at naglalakad na naka-tapak sa mga kalyeng kalahati ng mga poste ay walang ilaw. Naramdaman ko din ang basa na pakiramdam sa gitna ng aking mga hita. Mukhang tuluyan na akong dinatnan at mukhang punong-puno na ang pantyliner ko.

Tumulo nanaman ang mga luha ko dahil sa awa ko sa aking sarili. Matapos kong humagulgol ng ilang saglit ay pilit kong pinatahan ang sarili ko, at pagkatapos noon ay nagsimula na akong maglakad ulit.

Kahit paanong pilit kong pag-alala ay hindi ko na talaga matumbok ang bahay nina Andrea. Sumuko na lang akong hanapin iyon. Mukhang malabo na makita ko pa ito. Nag-iba ako ng plano: babalik na lang ako kila Colin, at mula doon ay makikitawag ako para masundo ako ni Mama. Syempre, papagalitan ako ni Mama, pero tatanggapin ko na lang ang kahit anong sabihin niya. Mas mabuti na ang masermunan kaysa sa magpatuloy pa ang pinagdadaanan kong kalbaryo ngayon.

Love in 24H (Filipino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon