Nanigas ako sa kinauupuan ko dahil sa naramdaman kong kidlat na biglang dumaloy sa buo kong katawan.
Unti-unti kong ibinaba ang mga mata ko habang hindi gumagalaw ang aking ulo, para silipin ang kaliwang kamay ko na ka-holding hands ngayong ang bruskong kamay ni Colin.
Nilingon ko si Colin dahan-dahan. Bumungad sa akin ang maaliwalas niyang mukha na nakatingin pabalik sa akin. Iningiti niya ng kaunti ang mga labi niya, at pagkatapos ay lumingon siya papunta sa bintana sa kaliwa niya, tinitingnan ang mga nadadaanan naming mga tanawin.
Totoo ba ito? Anong kailangan kong gawin? Anong ibig sabihin nito? Mag-on na ba kami? Ha...hahalikan niya ba ako? Ako ba ang kailangang humalik? Anong gagawin ko kapag sumandal siya papunta sa akin para halikan ako?
Unang beses ko lang makipag-holding hands sa lalaki ng ganito.
Naghahawakan kami ni Luther ng kamay dati, pero sandali lang ang mga iyon. Isa pa, laging ding mas praktikal ang mga intensyon noon, gaya ng pag-inaalalayan niya akong tumawid sa baha, mga lubak na daan, o kapag madulas ang kalsada.
Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. Ayaw kong iparamdam kay Colin na nagpapanic na ako, at malapit na akong mangisay dito sa kinauupuan ko dahil sa pinaghalo-halong kilig, anxiety, excitement, at takot na nagkaipon-ipon na sa loob ko ngayon.
Inhale. Exhale. Relax. Kalma ka lang, Lauren.
Pero ang kaunting natanggal ko na nerbyos dahil sa pagme-meditate ay agad bumabalik tuwing naaalala ko na ka-holding hands ko ngayon si Colin.
Kailangan ko i-distract ang sarili ko — ang celphone ko!
Kinapa ko ang kanan kong bulsa. Wala doon ang celphone ko! Niyugyug ko ang kaliwang hita ko ng kaunti at naramdaman ang isang mabigat na bagay na dumuduyan at mahinang pumapalo sa balat ko. Ang celphone ko ay nasa kaliwa kong bulsa, at ang huli kong gagawin ay ang bitiwan ang kaliwa kong kamay mula sa pakikipaglandian nito.
Dahan-dahan kong ipinihit ang taas ng katawan ko para piliting madukot ng kanang kamay ang laman ng kaliwang bulsa ng aking palda. Iningatan kong huwag igalaw ang buo kong kaliwang kamay at braso dahil sa takot na baka tanggalin ni Colin ang pagkakahawak niya dito. Ang kaliwang braso at kamay ko ay ipinako ko at ni-minsan ay hindi ko ipinagalaw, kahit na nawawalan na ito ng dugo dahil sa pangangalay.
Maselan kong iginalaw ang katawan ko na para bang nanghuhuli ako ng kalapati na nakatalikod mula sa akin. Nang maabot na ang bulsa, ang mga daliri ng kanang kamay ko ay iginalaw ko na parang isang gagamba para unti-unting hilahin ang lining ng bulsa.
Matapos ang nagmistulang isang oras na pagdurusa ay nakuha ko din ang celphone ko! Naramdaman kong tumulo ang ilang patak ng pawis mula sa gilid ng aking mukha. Hindi ko akalaing isang araw sa buhay ko ay dudukutan ko ng celphone ang sarili ko.
Nang buksan ko ang aking phone ay mayroon itong dalawang missed calls at napakaraming chat notifications! Hindi ko narinig ang mga ito dahil nilagay ko ang phone ko sa silent mode kanina habang graduation practice.
Ang dalawang missed calls ay galing kay mama, at mga chat notifs naman ay nagmula kena mama, Bevs, Andrea, at sa group chat naming magkakaibigan. Muntik ko na mapalo ang celphone sa mukha ko nang naalala kong bigla na nakalimutan ko nga pala i-chat si mama noong lunch break. Hindi ko na din na-update sina Bevs kung ano na ang nangyari sa akin, lalo pa't hindi na ako sumipot noong final practice. Nag-aalala na siguro ang mga yun, hindi para sa kapakanan ko, pero sa kung anong latest chismis ang hindi nila alam.
Kahit hirap na hirap dahil isang kamay lang ang gamit ko, agad kong chinat si mama. "Pauwi na po ako. 20 mins." At finollow-up ko nang "sorry nakalimutan ko po mag-reply..."
BINABASA MO ANG
Love in 24H (Filipino)
RomantikSa huling araw ng pasukan, nagdesisyon ang grade 12 na si Lauren na mapalapit sa kanyang crush. Pero sa dulo, higit pa roon ang nakamtan niya: pag-ibig ... lahat, sa loob ng dalawampu't apat na oras. *Completed* Now being edited for grammar.