4 AM

118 5 4
                                    

BLAGAG! KRAKSH!

Parang nag slow-motion sa pelikula ang mga sumunod na nangyari.

Halos mabasag ang pandinig ko dahil sa kalabog na parang sumabog mula sa tabi ng aking mukha. Ang malakas na bangga ay kasing brutal ng narinig kong ingay kanina sa kwarto ni Colin.

Napabitaw ang pagkakahawak sa akin ng taong nasa labas ng sasakyan nang biglang may bumundol sa kanya na parang torong nababaliw. Lumusot sa bintana ng pintong nasa likod ang taong nabundol, na parang dolphin na tumalon papaloob sa isang ring. Nabasag ang nakababang salamin ng bintana ng pinto at kumalansing ang daan-daang piraso ng basag na salamin sa kalsada. Sa lakas ng puwersa na tumulak dito ay mabilis na tumalbog ang pinto ng sasakyan pabalik papunta sa ulo ko, na ngayon ay naka-laylay mula sa likod na upuan ng sasakyan. Bago pa man tumama ang pinto sa mukha ko ay naharang na ito ng katawan ng bagong dating na tao.

Natulala ang tatlong nasa loob ng kotse, laglag-pangang nakatingin sa biglang dumating na lalaki, na ngayon ay nakatayo sa may ulunan ko. Nanginig ito sa gigil, gumagaralgal na parang asong ulol. Sumigaw ito na parang isang mandirigmang handang ibuwis ang lahat sa para sa isang karumal-dumal na pagsugod, nagmistulang sinapian mismo ng espirito ni satanas.

Sa isang iglap ay hinablot nito mula sa loob ng sasakyan ang kidnaper na umiipit sa mga paa ko. Ibinato ng lalaki na parang isang de-bulak na laruan ang kanina'y pasahero sa likod, papunta sa stainless na pader ng restaurant. Nayupi ang bakal na salamin papaloob sa lakas ng pagkakahampas ng kidnaper doon. Nahila din ako ng paghatak na iyon at nalaglag ako sa kalye, ang likod ko ay napahiga sa aspalto, habang ang mga paa ko ay naiwang nakapatong sa upuan ng sasakyan.

Nagtititili sa takot ang dalawang natirang pasahero sa loob ng kotse, at humalo dito ang nakakabinging sigaw ng naghuhuramintadong galit ng bagong dating. Mabilis itong pumasok sa likod ng kotse at binasag sa paulit-ulit na suntok ang mukha ng nag-iisang pasaherong natira sa likod. Ang tunog ng mga bayolenteng pagpukol ng kamao sa bungo ay naramdaman kong bumayo sa dibdib ko dahil sa lakas ng puwersa ng mga ito. Isa na lang sa dalawang pasahero ang tumitili pagkatapos noon.

Ang driver, sa taranta, ay pinaandar bigla ang kotse. Sinubukan kong sipain ang upuan para maiwasang kong masagasaan ako ng gulong na ngayo'y mabilis na umiikot habang ito'y umiyak at umusok. Pero nabigo ako, at ang mga paa ko ay nanatiling nakapatong sa ibaba ng upuan. Hinatak ng biglang kumaripas na sasakyan ang katawan ko pagilid, at bigla akong napagulong papalayo mula sa ngayon ay umaandar na na sasakyan. Nakita kong nakatalikod mula sa akin ang nagwawalang tao sa loob ng sasakyan, pumaitaas ito mula sa nagmamaneho at mabilis na nagtaas-baba ang kanyang siko, siniguradong basagin ang mukha ng driver. Kumabig pakanan ang kotse at bumangga ito ng malakas sa isang poste ng kuryente.

Lumabas mula sa sasakyan ang tao na nagligtas sa akin. Nanlilisik ang mga mata, banat-labing nakalabas ang mga ngipin, isang halimaw na pinapaandar lamang ngayon ng malalim at napaka-itim na poot at galit, mistulang ang tanging pakay ay pumatay. Pinagsusuntok at pinagtatadyakan nito ang dalawang lalaki na nasa labas ng kotse, na ngayon ay nagpupumilit pumasok sa nakabukas na pinto sa likod ng sasakyan. Umatras ang kotse mula sa posteng bumaon sa harapan nito, at dali-daling kumaripas pasulong, habang bukas pa ang dalawang pinto, ni minsan ay hindi huminto, hanggang nilamon na ito ng kadiliman, at nawala sa malayong dulo ng kalsada.

Tumakbo ang lalaki papunta sa akin at inangat ang likod ko para maisandal akong paupo sa nakataas niyang tuhod. Ang itsura niya ay nagbago: mula sa kaninang napaka-mabangis na halimaw, ngayon ito ay lumambot na parang sa napaka-among tuta. Ang mukha ay kalmado, payapa, at napuno ito ng pagmamahal.

Ang isang kamay niya ay isinuporta niya sa batok ko habang ang isa naman ay hinawi ang mga buhok kong tumakip sa aking mukha. Maselan niyang hinaplos-haplos ang mga pisngi ko.

Love in 24H (Filipino)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon