Prologue
Naalimpungatan ako sa langitngit ng kahoy na para bang may naglalakad na isang mabigat na tao. Nangunot ang noo ko at napamulat ng mata. Naibaling ko sa bintana ang paningin at napagtantong gabi pa rin.
Anong oras na ba? Bakit gising pa si Con? Gutom? Hindi siya sumabay kanina sa akin, e. Baka nga.
Kamot-ulong napataklob ulit ako ng unan sa mukha. Hindi ko pinansin iyon hanggang sa mawala ang mga langitngit.
Kinain ulit ako ng antok kaya unti-unti na akong napapapikit, subalit ilang minuto lang ang itinagal ng pagkakapikit kong iyon.
Lumangitngit muli ang sahig at dahan-dahang lumalapit ang tunog no’n papunta sa kinalalagyan ko.
Huwag mong sabihing gigisingin ako ni Con ngayon dahil magpapaluto siya kasi tinatamad na naman siya? Asa ka, Ysa. Hindi nga namamansin iyon sa ‘yo, gigisingin ka pa kaya?
Inis akong napakamot sa ulo at kinuha ang unang nakapatong sa mukha. Napabangon na ako sa pagkakataong iyon. Madilim ang buong kwarto ko at tanging mga ilaw sa labas ang nagre-reflect sa loob ang nagsisilbing ilaw rito. Sapat na iyon para maaninaw ng bahagya ang loob ng kwarto.
“Con—” hindi ko natapos ang sinasabi ng makitang wala namang tao.
Napakusot ako sa mata para makita nang maayos ang loob ng k’warto. Nananaginip lang ba ako? O guni-guni ko lang ‘yon?
Alam kong may tao sa kwarto ko, e. Baka multo lang? Nangilabot ako bigla.
Walang multo, Ysa! Huwag mong takutin ang sarili mo.
Mahihiga na sana ako nang mapalingon sa gilid ng kama. Nasinagan ng ilaw na nanggagaling sa labas ang mukha nito kaya kitang-kita ko ang nanlilisik nitong mata. May itim na telang nakabalot sa mukha niya ngunit mata lang ang nakikita.
Agad na dinalahik ng kaba ang sistema ko. Ang mga mata nito ay hindi pag-aari ni Con. Puno ng galit at nais pumatay ang bumabalot doon.
Pinagpawisan ako ng malamig kasabay ng pagbilis ng tibok ng puso ko. Halos hindi ako makagalaw pero pilit kong nilabanan ang takot na lumulukob sa 'kin.
“S-s-sino k-ka? Co—” hindi ako makasigaw nang madiing tinakpan niya ang bibig ko.
Nagpumiglas ako sa pagkakahiga pero hindi ko kaya ang lakas niya. Tila may nakadagang isang malaking bato at hindi ako makagawa ng kahit ano.
“Hmm. . . mmmm! Hmmmm!” pilit kong sigaw pero hindi mailabas ang nais na sabihin.
Mas diniinan niya pa ang pagkakahawak sa bibig ng mas lalo akong nagkumawala sa kaniya.
Nakakakilabot ang nanlilisik nitong mata. Sa paglipas ng mga segundo ay mas lalo akong kinakain ng kaba. Hindi ko alam kung ano ang gagawin nito sa ‘kin at wala akong kaedi-ideya sa kung ano ang susunod nitong gagawin.
Nangiligid ang luha ko sa kabang nararamdaman.
Dumiin ng husto ang nakatakip na palad sa bibig ko. Nilagay niya ang isang daliri sa harap ng bibig nito kahit hindi naman kita dahil sa telang nakatakip roon. “Shhhh. . .” aniya.
Sinikap kong kilalanin ang boses niya pero hindi ako makapag-isip ng maayos sa sitwasyon ko ngayon. Sino pa ba ang makakapag-isip ng tama kapag ganito na? May kinuha siya sa likod niya at mas lalo akong nagpumiglas nang makitang isang maliit na kutsilyo ‘yon.
Halos lumuwa ang mata ko at lumabas ang puso ko.
Con! Tulungan mo ‘ko! Gumising ka d’yan! Con!
Nanlumo ako ng wala akong maramdaman o narinig man lang na lumalapit sa kwarto ko. Nakalimutang kong magkagalit pala kami ni Con. Paanong pupunta ‘yon dito diba? Umagos ang kanina ko pang pinipigilang luha. Katapusan ko na ba talaga? Marami pa akong pangarap.
Mahina siyang napahalakhak. Saktong-sakto para ako lang ang makarinig sa kwarto. Nangilabot ako sa malademonyo nitong pagtawa. Walang ano-ano’y sinakal ako nito gamit ang isang kamay na nakatakip sa bibig ko kanina. Kinuha ko ‘yong pagkakataon na ‘yon para makagawa ng ingay pero nahihirapan akong magsalita sa diin ng pagkakasakal nito.
“C-c-c-con!” tawag ko sa kanya pero mas lalo akong nahirapang huminga. Mas hinigpitan niya ang pagkakasakal sa ‘kin.
Nagsimulang manlabo ang mata ko. Hindi ako makahinga! Nawalan ako ng lakas para magpumiglas. Tila hinigop nito ang lakas ko at wala akong magawa kahit sa simpleng pagsalita man lang.
Con!
Nanumbalik ang mga alaala naming dalawa. Tila nanonood ako sa isang sine dahil isa-isa ‘yong nag-flashback lahat sa isip ko. Noong nagkita kami sa garden, mga kalokohan niya, ang pag-uwi niya sa apartment namin na bugbog sarado, kung paano ko siya gamutin at kung paano niya pasayahin ako noong nawala ang scholarship na pinakaiingat-ingatan ko.
Ano’t ganito ang nakikita ko imbis na ang buhay ko?
Walang humpay sa pagdaloy ang mga luha ko. Unti-unti akong napapikit hanggang sa nilamon na ako ng kadiliman.
BINABASA MO ANG
Living with the Bad Boy (Bad Boy Series #1)
Teen Fiction(COMPLETED) BAD BOY SERIES #1 Ysabelle Robles, a 16-year-old girl, a top student pursuing her dreams with bravery and patience. Her life is boring and not exciting as what other students have. Living miserably on her own, without a parents by her si...