Chapter 32: Blood
NAPATAGO ako sa mga matataas na damo malapit sa warehouse na nakalagay kanina sa address na sinabi ng mga dumukot kay Calum.
May mga tauhang nagbabantay sa bukana ng pinagtataguan nila at natitiyak kong magiging mahirap itong pagpasok ko roon.
Nadaanan ko rin kanina ang mga sasakyan nina Con at ng iba pa niyang mga kasama hindi kalayuan mula rito. Mukhang doon sila huminto at naghiwa-hiwalay. Hindi naman kasi puwedeng sabay-sabay silang pumasok sa kuta ng mga kalaban.
Sana nama'y hindi ako mahuli, natitiyak kong magagalit si Con sa ginagawa kong ito. Nakatatakot pa naman iyon magalit.
Ini-imagine ko pa lang na galit na galit nitong mukha ay tila nanginginig ang kalamnan ko. Lagot ako, sobra!
Iwinaksi ko muna ang isiping iyon at nagpokus sa kasalakuyan. Sa susunod ko na lang poproblemahin iyon. Bahala na!
Nagpalinga-linga ako at inaalam kung saan nakaposisyon ang bawat tauhang nakabantay. Lahat ay nakatipon lang roon sa unahan. Walang nakabantay sa kanang bahagi ng warehouse.
Hindi ko masyadong maaninaw ang mukha ng mga nakabantay dahil medyo madilim. Hindi ko naman makikilala kung sakaling makikita ko man kaya ipinagkibit balikat ko na lang ang isiping iyon.
Lihim akong napagapang patungo sa bahaging walang nakabantay. Pahinto-hinto ako dahil baka mapansin nilang gumagalaw ang mga matataas na damo sa parteng ito at mabulilyaso pa ang mga plano ko. Hindi lang iyon, mapapahamak ko na nga ang sarili, magiging pabigat pa ako kapag nahuli.
Wow, Ysa. Sa 'yo pa talaga galing iyan, ah? Ano itong ginagawa mo? Hindi ba ito pagpapahamak sa sarili?
Gusto kong batukan ang sarili sa naisip. Ito pa nga lang ang ginagawa ko ay parang hinahatid ko na ang sarili sa hukay. Halos magbuhis buhay na nga ako kanina at kinakain ng konsesya dahil sa ginawa ko sa mga bantay na iniwan ni Con para sa akin.
Napatigil ako saglit sa ginawa ko sa lalaking iniwan niya para sa kaligtasan ko. Nasabi na kaya nga taong iyon kay Con? Baka ngayon ay nanggagalaiti na iyon sa galit dahil sa paglabag ko sa utos niyang manatili sa apartment namin. Lagot ka talaga, Ysa!
Napaupo na lang ako at dahan-dahang sinilip ang mga kalaban. Abala ang mga ito sa pakikipag-usap sa mga kasama nila at iilan lang ang palinga-linga sa paligid.
Ginamit ko ang pagkakataong iyon para tumakbo ngunit agad ulit napahinto para ikubli ang sarili sa mga damo.
Mukhang hindi pa rin nila ako napapansin. Napasilip akong muli para alamin ang ginagawa nila at ganoon na pa rin naman.
Minabuti ko na lamang na gumapang ulit at huwag magsayang ng oras. Medyo malapit na ako sa gilid kung saan makakapagtago na ako sa pader.
Halos manginig na ang mga kamay ko sa kabang nararamdaman at ilang beses akong nanalangin na huwag gumawa ng kahit anong ingay. Maling galaw ko lang ay baka malagay ako sa bingit ng kamatayan.
Subalit, sadyang pinaglalaruan nga talaga ko ng tadhana.
"Ah—" Agad kong nasapo ang bibig at mariing napapikit ng naramdamang may kung anong bagay na nakabaon sa aking kanang kamay.
Agad akong napatingin doon at may nakatusok na matulis na basag na bote roon. Gumawa ng tunog ang ibang basag na bahagi ng bote na nasa lupa na naging dahilan para makarinig ako ng boses ng lalaki papalapit sa kinaroroonan ko.
"Sino 'yan?"
Dumagundong ang dibdib ko at halos mapigil ko ang hininga sa bawat paghakbang nito. Napakagat ako sa pang-ibabang labi para doon ibuhos ang dapat sana'y sigaw ko dahil sa sugat na nakuha sa mga basag na boteng nakatumpok dito.
BINABASA MO ANG
Living with the Bad Boy (Bad Boy Series #1)
Fiksi Remaja(COMPLETED) BAD BOY SERIES #1 Ysabelle Robles, a 16-year-old girl, a top student pursuing her dreams with bravery and patience. Her life is boring and not exciting as what other students have. Living miserably on her own, without a parents by her si...