Episode 02: October 12, 2020

43 2 0
                                    

It's Him

***

Sinalubong namin si Daddy. Gulo-gulo ang mga buhok naming dalawa ni kuya Apollo at gusot-gusot naman ang aming mga damit. Nakasimangot kaming pareho at nakatitig pa rin ng masama sa isa't isa. Hindi naman na kami masyadong napansin pa ni Dad dahil sa sobrang pagod niya sa maghapong pagtatrabaho sa opisina.

"Kumain na tayo," yaya niya sa amin habang tinatanggal ang sapatos sa harapan ng pinto. Siya na rin ang nag-ayos ng kalat ni kuya at pagkatapos noon ay dumaretso na sa kusina upang ipaghanda kami ng makakain. Sumunod naman kaming dalawa at pagkatapos ay naupo sa hapagkainan.

Tulala kaming napatitig ni kuya sa inilapag na pagkain ni Daddy. Bibingka at balot nanaman. Napasimangot kaming dalawa, ito ang isa sa mga bagay na pinagkakasunduan namin. Sa totoo lang, purgang-purga na kami sa bibingka.

"Anong nangyari sa mga itsura ninyo?" Tanong ni Daddy. Mabilis akong tumuro sa katabi ko at ganoon din naman siya sa akin. Nagturuan kaming dalawa na nakasimangot at nanlilisik ang mga mata.

Wala mang lumalabas na anomang salita sa kaniyang bibig, alam ko na ang sinasabi ng kaniyang isipan.  Para kaming may telepathic ability na nakakapag-usap gamit lamang ang galaw ng mga mata, ilong at taenga.

"Kapag nagsumbong ka, patay ka talaga sa akin!" iyan ang ibig sabihin ng tatlong beses na paglaki ng kaniyang ilong, dalawang beses na pag-galaw ng taenga at isang beses na malakihang pagkurap ng mata.

"Daddy!" pagtawag ko ng kaniyang atensyon. Walang kamalay-malay naman niya akong tinignan.

I saw my brother's shocked face. It's really giving me pleasure.

"Ninakaw nanaman niya ang pera ko sa kwarto!" Mabilis kong pagsusumbong.

"ANO?" Gulat na tanong ni Dad. Napangisi ako dahil sa wakas malalagot na rin ang walang kwenta kong kapatid.

"Apollo?" Mabigat na pagtawag ni Dad sa pangalan niya. Tinignan siya nito na may pagkadismaya.

"Ano ka ba Dad! Naniniwala ka sa sinasabi niya? Bata pa lang kami napakasinungaling na niya!" mabilis na pagbawi ni kuya.

Aba't...

"Siya nga naninira ng gamit dito sa bahay. Ginupit niya kaya 'yung chord ng TV!" pagbawi niya ng sumbong.

"G-ginupit?" kunot noong lumipat sa akin ang tingin ni Dad. 

"Artemis?" tawag niya sa akin. Kitang-kita ko ang pagkadismaya sa kaniyang mukha.

Grabe talaga siya! Akala ba niya hindi ko sasabihin kay Dad lahat ng mga kalokohan niya?

"'Yung nawawala ninyong manok sa may likuran, si kuya ang may gawa no'n! Wala na daw siyang pera kaya binenta niya kay mang Isko!" sumbong ko kay Dad sabay tingin ng masama kay Apollo.

"A-ano? Apollo, totoo ba ang sinasabi ng kapatid mo?" Nanlalaki ang matang tanong niya kay kuya. Napangisi akong muli at napa-cross arms.

Kala mo huh!

"'Yung nawawala ninyong paboritong suit, alam nyo ba kung saan napunta 'yon? Itinapon niya dahil nasunog sa pagpaplantsya!" sigaw naman ni kuya.

Mas lalong nanlaki ang mga mata ni Dad na napatingin sa akin.

"Artemis, totoo ba ang sinasabi ng kuya mo?"

Nagpalitan pa kami ng salita ni kuya. Ibinunyag namin sa harapan ni Dad ang lahat ng mga sikreto ng bawat-isa at sa lahat ng iyon, walang ginawa si dad kung hindi ang tanungin kami kung totoo ba ang mga sinasabi namin. Kakampi siya sa akin at mayamaya naman ay kakampi kay kuya hanggang sa kaming dalawa na ni kuya ang kusang sumuko sa kaniya.

I Love You, kuyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon