Chapter 12

12 2 2
                                    

This song is dedicated for this chapter:

Dumaan ang mga araw at mga buwan. Dumaan ang unang prom ng buhay high school ni Oreo. At sa hindi niya maipaliwanag na kadahilanan ay si Kristoff at ang dalawa nitong kaibigan ang naging kasa – kasama niya buong gabi ng prom. Hindi na rin siya pumalag pa dahil naging masaya naman ang kaniyang karanasan na napapalibutan siya ng mga kaibigan.

Dumaan na rin ang last quarter exams nila at ang huling recognition day para sa kaniyang junior year. Sa kasamaang palad ay hindi pa rin siya nagtagumpay na malamangan si Kristoff at maagaw ang puwesto nitong first honor ng klase nila. At kahit sa buong 3rd year level ay ito pa rin ang nag top 1 sa buong rankings.

Subalit kahit ganoon ang naging resulta ay mas natatangap na ni Oreo ito kaysa dati. Naging mas bukal na sa loob niyang mag congratulate sa lalaki at hindi niya rin akalain na magiging masaya siya para rito, kahit pa hindi niya natalo ito.

Maaaring dahil naging mas malapit pa sila bilang magkaibigan ay mas naiintindihan na niya na may mga bagay nga talagang kailangan na lamang niyang tanggapin kaysa ipaglaban pa. Naging mas magaan ang kaniyang pakiramdam dahil napalapit siya sa tatlong magkakaibigan, lalo na kay Kristoff.

Isang linggo na ang nakakalipas mula nang magsimula ang bakasyon nila. Summer na at sobrang init na ng panahon. Mabuti na lang at mas gusto ni Oreo na maglagi sa loob ng bahay at magbasa ng mga libro. Naiiwan siyang mag – isa sa loob ng bahay habang nagtatrabaho naman ang kaniyang ina.

Gumagabi na at kanina pa naluto ang kaniyang sinaing. Hinihintay na lamang niya ang mommy niya dahil nakapagsabi ito sa kaniya kaninang umaga na magdadala na lamang ito ng ulam para sa kanilang hapunan. Subalit maaaring naipit ito sa trabaho dahil alas siyete na ay hindi pa rin ito nakakauwi.

"Late si mommy ah..." sambit niya saka narinig ang tumunog na telepono nila. "Baka si mommy na 'to."

Sinagot niya ang tawag ngunit hindi ang mommy niya ang nasa kabilang linya. "Oreo, si tita Emma mo 'to. Papunta kami sa bahay niyo ngayon. Susunduin ka namin, pupuntahan natin ang mommy mo."

Malumanay ang pagkakasabi ni Tita Emma ng mga salita ngunit hindi napigilan ng puso niyang kabahan. "May nangyari po ba kay mommy? Okay lang po ba siya?"

"Oo anak, okay lang siya. Nasa hospital ang mommy, may nangyari kasi sa kaniya kanina. Paalis na kami, hintayin mo lang kami diyan sa bahay niyo, okay?"

Matapos magpaalam ay ibinaba na rin niya ang telepono. Puno ng tanong ang utak niya. Saglit siyang natigilan sa narinig na nasa ospital ang kaniyang ina. Nang makabawi ay mabilis siyang tumakbo sa kaniyang kuwarto at nagbihis ng mas maayos na damit.

Maya – maya pa ay dumating na ang Tita Emma niya, kasama nito ang asawa, na tatay ni Kristoff na si Tito Henry. Nakangiti ang mga ito sa kaniya ngunit mababakas sa mga mukha nito na may bumabagabag sa kanila. Naupo siya sa tabi ni Tita Emma sa backseat. Si Tito Henry naman niya ay nasa passenger seat at kinakausap ang driver. Tahimik lang siya hanggang makarating sila ng ospital.

Hindi malaman ni Oreo ngunit kumakabog ang dibdib niya nang pumasok sila sa naturang building. Patingin – tingin siya sa mga taong nasa palagid, balisa ang mga pagmumukha at nagmamadali. Hindi niya maintindihan ang nangyayari bakit nandito ang mommy niya, sa isang lugar kung saan pakiramdam niya ay puno ng kalungkutan.

Nang makarating sila sa ikalawang palapag, ay nahinto sila sa harapan ng isang silid at si Tita Emma ang nagbukas ng pinto. Nakita niya ang mommy niyang nasa kama, nakahiga at may kung anong ginagawa sa cellphone nito.

Unrivaled [Completed]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon