NAGING MABILIS ANG PAGLIPAS NG MGA ARAW at hindi ko namalayan ang pagkawala ng panaka-nakang pag-ulan. Nagising na lang ako isang madaling araw na tuyo na ang mga daan. Wala na ang mga putik at nakatayo na rin ang mga talahib. Nawala na ang nagkalat na mga dahon at damo sa bubong ng mga tent at naging maaliwalas na sa loob ng kampo. Kung may paraan ang kalikasan para wasakin ang kanyang mga nilikha ay may paraan din ito na linisin ang sarili niyang kalat. Nawala na ang tambak na putik sa shooting range at ang landslide sa jogging area ay napatag na rin.
"Okay Team! See you sa tuktok!" malagong na boses ni Aira. Na-perfect na niya ang hinahangad niyang commanding voice. "Aye!" sagot naman naming lahat. Tumango sa akin si Aira at tumalikod papasok sa madilim na jogging area. Nagmadali naman kaming sumunod.
Tumigil ako saglit pagpasok dito at pinakiramdaman ang aking sarili. Nawala na ang aking claustrophobia! Hindi na ako nahihilo sa gitna ng masikip na daan. Tumakbo akong may ngiting nakaguhit sa aking mga labi dahil nawala na ang pakiramdam kong parang laging matutumba. Hindi ko na rin alintana ang madilim na paligid. Kahit isipin ko ang isang nakakatakot na senaryo tungkol sa aswang abduction ay kampante pa rin ang kalooban ko. Sa wakas ay naranasan ko na rin ang tunay na maging malaya. Malaya sa anumang takot at kaba. Maging ang paghiwa ng mga matatalas na sanga at dahon ay hindi ko na rin iniinda.
Narating ko ang sangang-daan ng hindi ako kinakapos ng hininga. Hindi ko rin naramdaman ang pag-init ng aking katawan at ang pagtulo ng malamig kong pawis na bumabasa sa panloob kong damit. Pero kahit na hindi ako pagod, tumigil pa rin ako sa sangang-daan tulad ng dati kapag hinihintay ko ang pagdaan ni Ante. Tumayo ako doon. Matagal. Ipinikit ko ang mga basang mata at pilit pinakiramdaman ang kanyang presensiya. Narinig ko ang kanyang pagtawa. Naramdaman ko ang mainit na paglapat ng kanyang hininga sa aking taynga at ang mahigpit niyang paghawak sa aking palad.
"Hahaha! Ang wish ko? Sana paglaki natin hindi na matigas ang ulo mo! Hahaha!'
"Anong wish ko? Alam mo naman kung anong wish ko. Ayaw mo lang maniwala sa sarili mo!"
"Can you please stop acting like a damsel in distress."
Naalala ko ang damuhan...ang bulalakaw...ang parang...ang mga ibon, at paru-paro, at ang puno. Hintayin mo ako Ante. Alam kong buhay ka pa. Kumapit ka lang sa ating alaala. Nasabi ko sa aking sarili.
"Uy!" narinig kong tawag ng isang boses. Pagkatapos ay naaninag ko ang mukha ni Irish sa aking harapan sa aking pagmulat. "Nag-di-daydreaming ka ba?" usisa nito. "Ha? Hindi. Nagpapahinga ako," ang natauhang kong sagot. "Ang sabi ko tara na sa tuktok," yaya nito at mabilis na nawala. Agad naman akong sumunod pagkatapos tapunan ng tingin ang nagdaraang mga sundalo sa pagbabakasakaling makita si Ante sa gitna ng mga ito tulad ng dati. Malungkot akong tumakbo nang hindi ko siya nasilayan.
Tinakbo namin ang natitirang matarik na daan hanggang marating namin ang tuktok. Nakatambay na dito ang ilang sundalong nakatapos na sa kanilang morning jog. Pagkatapos magpalinga-linga ay agad naming nabungaran sina Aira at ang mga boys na halatang kararating lang dahil nakayuko pa ang mga ito at mabilis na humihingal. "Ano bang kinakain mo? Bakit hindi ka napapagod?" pagtataka ni Irish na hindi napigilan ang mapahiga sa damuhan dahil sa sobrang pagod. Namumula ang mukha nito na parang mukha ng lechon."That's a total secret," sagot ko habang ginagawa ang usual na stretching para i-tone down ang aking mga muscles. Maya-maya pa ay nagsalita si Aira sa gitna namin.
"Okay. Team! Dumating na ang pagkakataong hinintay natin ng ilang araw. Maganda ang panahon, ilang araw ng walang ulan, at maganda ang sikat ng araw. Katamtaman din ang lakas ng hangin. Natukoy na rin ni Kristine at Cheska ang model ng drone na magiging target natin at lilipad ito mamayang hapon. Inaprubahan na rin ng team commander ang request kong team simulation para sa isang aerial extraction. Kaya kahit anong gawin natin sa himpapawid ay walang maghihinala kahit ang piloto. So there shouldn't be any problem. I advice maghanda ang lahat after ng target shooting. We'll be up in the air after that." Masaya ang lahat dahil nakisama ang panahon pati na ang aming team commander. Umaasa kaming maiisakatuparan namin ang aming plano ng walang aberya.
BINABASA MO ANG
The Immortal's Blood
Mystery / ThrillerIN A TIME WHERE ASWANG AND HUMANS LIVE TOGETHER IN WAR, AWRA, IN LOVE WITH HER ADOPTED BROTHER, WILL FOLLOW ANTE WHEREVER HE GOES. BUT HER ACTIONS WILL PUT ANTE IN DANGER WHO WENT MISSING. ALONG WITH ANTE'S FRIENDS, AWRA WILL SEARCH FOR HIM AND DISC...