CHAPTER 29 - To Hell and Back

190 14 0
                                    

UMIKOT ANG AKING PANINGIN bago ako nawalan ng malay at ang huli kong narinig ay ang malakas na sigaw ni Stella, Kristine, at Cheska. Nang magising ako ay nasa gitna ako ng laboratoryo, nakalutang ang katawan sa isang malaking glass tube na puno ng tubig. Ramdam ko pa ang tusok ng malamig na karayom sa aking leeg. Wala na ang suot kong fatigue uniform at tanging panloob na sando na lang aking suot. Napansin ko ang bakas ng mga turok ng karayom sa aking mga bisig.

Hanggang leeg na ang taas ng tubig at nang ako ay lumingon ay nakita ko ang pagpasok ni General Payton at Major Reyes sa elevator, kasama ang higanteng Baki, ang aswang na si Ante. May palagay akong naisalin na ng heneral ang dugo ko dito at sa kanyang mga aswang na ginawa niyang super soldier. Kung nagawa niya ito, nasa kanyang kamay na ang hinahangad niyang invincible army at magagawa na niya ang balak na paghihiganti.

Pagpasok ng heneral sa elevator ay nagtama ang aming mga mata. Ngumisi ito sa akin na parang demonyo at nakumpirma ko ang aking hinala. Biglang naisip ko kung ano ang posible niyang kasunod na gagawin: Papatayin niya ang mga aswang na ikinulong niya sa likod ng higanteng pader. Kailangan ko siyang pigilan! Kailangan kong makawala!

Inihampas ko ang aking kamao sa makapal na bubog sa aking harapan at nakita ko sa mukha ng heneral ang ngisi nitong naging halahak. Hinampas ko pa ng ilan ulit ang bubog ngunit pinahina lang ito ng tubig na ngayon ay inilubog na ang buo kong katawan at mukha. Nawala sa aking paningin ang heneral nang magsara ang elevator. Kailangan kong makalabas sa glass tube na aking kinalalagyan sa lalong madaling panahon!

Iniligid ko ang aking paningin habang nag-iisip ng paraan para makalabas. Bawat segundong lumilipas ay nauubos ang aking hininga. Saka ko lang napansin na nasa parehong sitwasyon ko si Anne na nasa aking kaliwa at ang Senador na nasa aking kanan. Nakalubog din ang mga ito sa tubig at unti-unting ng nalulunod! Nakita ko ang pagpupumiglas ni Anne para makahinga, inihahampas ang dalawang kamay sa bubog. Tumingin siya sa akin at nakita ko sa mukha niya ang paghingi ng tulong. Ganun din ang nakita ko sa mukha ng Senador. Namilog ang mga mata nito habang nasa ilalim ng tubig, tinitipid ang bawat paghinga habang sinisipa ang bubog sa kanyang harapan. Nang makita ako ay saglit tumigil ito at parang may itinuturo sa labas ng kanyang bubog na kulungan. Lumingon ako para tingnan at natulala sa nasaksihan. Kahit walang nararamdamang emosyon ay alam kong kailangan ko silang tulungan.

Sa aming harapan ay isang conveyor ang tumatakbo. Inihahatid nito ang mga bakal para ihulog sa kumukulong pilak sa ilalim ng makina nito. Dito nanggagaling ang mga bahagi ng mga modified guns ng MCET na silver. Ngunit ngayon ay mahahaluan na ito ng parte ng tao dahil nakita ko sa ibabaw ng conveyor nito ang nakataling katawan ni Stella, Kristine, at Cheska. Dahan-dahan silang inihahatid nito sa nag-aapoy na tunaw na pilak sa ilalim. Lalong lumakas ang pagnanasa kong makatakas. Ilang ulit ko pang hinampas ang bubog sa aking harapan gamit ang natitira kong lakas. Ngunit....

Nakaramdam ako ng panghihina sa ilalim ng tubig. Hindi ko na maigalaw ang aking katawan. Hindi ko na rin nararamdaman ang aking paghinga. Nalunod na ako at unti-unting lumabo ang aking paningin at habang nangyayari ang mga ito ay naramdaman ko ang dahan-dahang paglubog ng aking katawan sa ilalim ng tubig....

Nagising akong habol ang aking hininga. Uubo-ubo akong bumangon at naupo. Nasunok ako sa usok ng nasusunog na asupre at binabalot ng matinding init ang aking katawan. Nang lingunin ko ang lugar na aking kinalalagyan ay para akong nasa impiyerno dahil nag-aapoy ang aking paligid. Naririnig ko ang maingay na pagdagundong at pagyanig sa kinauupuan kong lupa. Parang hakbang higante ang mga ito sa madilim kong paligid. Naramdaman ko ang pag-alingawngaw ng parang salpukan ng mga kadenang bakal. Naramdaman ko rin ang matinding init sa aking likuran dahilan para ako ay mapalingon at nadungaw sa ilalim ng bangin ang umaagos na nagbabagang pilak. Lalong lumakas ang pagyanig ng purong lupa at bato sa paligid at ako ay nakarinig ng isang malakas na tinig. Tinig ng isang halimaw. Tinig ng isang demonyo. Parang lagablab ng malaking apoy ang boses nito na umalingawngaw sa paligid.

The Immortal's BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon