"YOU MEAN...THIS IS THE END FOR THEM?" malungkot na tanong ni Marco. Tumango ako habang nakatitig sa mahabang lamesa sa kusina. Magkahiwalay na nakatuon ang dalawang kong kamay sa gilid nito. "Konti na lang ay maiiligtas ko na si Stella," bulong ko na may panghihinayang. "Kung hindi lang sana ako nagmadali. Kung hindi lang ako lumayo sa kanyang tabi!" bulalas kong nagsisisi. "Hindi mo kasalanan, Awra," sambit ni Baron. "Tama si Baron. Wala kang kasalanan. Ginawa mo lang makakaya mo. Pero...hindi mo hawak ang kapalaran ni Stella at maging ang kapalaran nina Aira at Irish," turan naman ni Jake. Alam kong pinapagaan lang nila ang sakit na nararamdaman ko. Ang pagkawala ni Ante ang dahilan kung bakit kami napadpad dito at ako ang dahilan ng pagkawala niya. Walang ibang dapat sisihin kung tuluyang mapahamak sina Aira kung hindi ako. Paano ako mabubuhay ng payapa knowing na may mga taong nagbuwis ng buhay dahil sa aking kagagawan.
"Huwag mo nang sisihin ang sarili mo, Awra," sambit ni Major Gazpar. Napatingin kami dahil sa kakaibang tono ng boses niya. Malalim at malamig. Inaninag namin ang mukha niyang natatakpan ng dilim. Lumabas ito mula sa pagkakatayo sa madilim na bahagi, lumapit sa lamesa, at hinila ang upuang nasa gitna para umupo. Napayuko ito na tila iniisa-isa ang mga alaala sa kanyang isip. Ipinatong nito ang dalawang kamay sa lamesa at pinagdikit na parang magdadasal pagkatapos ay pinaikot-ikot ang magkaharap na mga hinlalaki na parang naghahabulan.
"Ang nararamdaman mo ngayon ay ilang beses ko ng naramdaman. Noong pahanon ng giyera, maraming kawal sa ilalim ng aking platoon ang nakita kong namatay. Marami sa kanila ay matalik kong kaibigan. Dumaan muna ang kanilang dugo sa aking mga kamay bago sila lagutan ng hininga. Ang bawat kamatayan mula sa aking hukbo ay isinisi ko sa aking sarili. Inipon ko ito na parang mga batong lagi ko pinapas-an. Bawat araw na lumilipas ay nadaragdagan ang bigat nito hanggang sa hindi ko na mabuhat. Ito 'yun oras na naitanong ko sa taas kung bakit hindi na lang ang buhay ko ang kunin niya at huwag na ang iba," paglalahad nito. Lalong pinalungkot ng katiting na dilaw na liwanag na nagmumula sa maliit na bumbilya ang kanyang mukha. Bakas dito na hanggang ngayon ay inuusig pa rin ito ng kanyang budhi. Tumigil ito at huminga ng malalim. Nagpalitan naman kami ng tingin nina Baron sa kanyang harapan, hinihintay na ituloy niya ang kanyang salaysay.
"Isang gabi pagkatapos ng madugong pakikipaglaban, pagbalik namin sa aming barracks, habang natutulog ako sa aking quarter, ay nakarinig ako ng tila pag-iyak sa labas nito. Pinuntahan ko ang pinagmumulan nito para siyasatin at tumambad sa aking harapan ang isang batang sundalo. Basa ng luha ang mga pisngi, hawak ang nakatayong rifle sa kanyang harapan, ang daliri niya nasa gatilyo, at ang dulo ng baril nakasubo sa kanyang bibig. Pinilit kong pakalmahin siya. Sinabi ko na may mga taong naghihintay sa ligtas niyang pagbabalik, sa matiwasay niyang pag-uwi, na may mga taong nagmamahal sa kanya. Sinabi kong hinihintay siya ng kanyang ina, ng kanyang ama, ng kanyang mga kapatid, at ng mga matalik na kaibigan. Ipinakita ko sa kanya na sa kabila ng mga nangyaring patayan sa aming paligid ay lilipas din ito at magiging maayos din ang lahat. Kumalma at nagliwanag ang kanyang isip nang maalala niya ang kanyang pamilya at nang maniwala siyang sa likod ng dilim ay sisikat din ang isang maliwanag na umaga.
Nang bitawan niya ang baril ay niyakap ko siya at pinawi ang luha sa kanyang mga mata. Natulog ako nang gabing iyon ng mahimbing, iniisip na nailigtas ko ang buhay ng aking kawal. Ngunit paglipas ng dalawang araw ay nadiskubre naming isa siya sa nabihag ng mga kalaban. Natagpuan namin ang walang buhay niyang katawan at nakita ang kalunos-lunos na pagpapahirap na ginawa sa kanya. Isa-isa nilang hinugot ang kanyang mga kuko sa daliri bago ito tuluyang putulin, tinanggalan siya ng dila, pinutulan siya ng isang taynga, at dinukot ang mga mata bago gilitan ang leeg na parang isang hayop. Pagkatapos ay pinagpira-piraso nila ang katawan nito at inilagay sa isang sako. Ganito ang sinapit niya pagkatapos ko siyang iligtas mula sa kamatayan. Masasabi mo bang nailigtas ko ang kanyang buhay?
Ang kapalaran ng isang tao ay sa kanya lang. Kung anuman ang kahantungan ng kanyang katapusan ay hindi ito inilagay sa ating mga kamay o sa kamay ng iba. Mahirap mang tanggapin pero iisa lang ang pwedeng makapagligtas kina Aira mula sa kamatayan, ito ay kung sino ang nagbigay sa kanila ng buhay," malungkot nitong pagtatapos. Tila may dumaang anghel sa loob ng silid dahil wala ngi isa sa amin ang nakapagsalita. Naramdaman ko na lamang ang sabay-sabay naming paghinga ng malalim.
BINABASA MO ANG
The Immortal's Blood
Mystery / ThrillerIN A TIME WHERE ASWANG AND HUMANS LIVE TOGETHER IN WAR, AWRA, IN LOVE WITH HER ADOPTED BROTHER, WILL FOLLOW ANTE WHEREVER HE GOES. BUT HER ACTIONS WILL PUT ANTE IN DANGER WHO WENT MISSING. ALONG WITH ANTE'S FRIENDS, AWRA WILL SEARCH FOR HIM AND DISC...