SOBRANG SAKIT NG ULO ko nang ako ay magkamalay. Simula batok hanggang tuktok ay matindi ang kirot. Umabot ito hanggang sa aking sintido. Parang may malaking batong tumama dito at nabasag ang bungo ko. Hindi ko alam kung bakit kahit nakapikit ako ay umiikot ang aking pakiramdam. Parang may humaharang sa aking paghinga. Naririnig ko ang garagal ng hangin sa aking dibdib na umabot sa aking taynga. Sumasabay pa ang pagkabog ng aking dibdib. Para akong nasa loob ng isang malalim na balon. "Awra!" Narinig kong tawag ng isang tinig. Nagpalipat-lipat ito sa magkabila kong pangdinig. Malakas. Nakakabingi. Pinilit kong imulat ang aking mga mata. Ngunit parang may nagpapabigat sa talukap nito. Nang maimulat ko rin ay isang malabong larawan ng babae ang aking naaninag. "Aira?" I murmured.
"Awra!" narinig kong ulit niya. May pag-aalala sa tinig nito. Unti-unting ng nagliwanag ang aking paningin. Halos nakadikit na ang mukha ni Aira sa akin. Sa likod naman niya ay ang nag-aalalang mukha ni Irish at ang poker face nina Marco, Baron, at Jake. Hindi agad ako makapagsalita. Iniisip ko kung paano ako nakabalik sa aming quarter, nakahiga sa kama, at balot ng kumot na parang walang nangyari. Bigla kong napansin ang suot ni Aira na kapote at ang suot nitong combat shoes. Basam-basa ito ng ulan at may bahid ng makapal na putik. Bakas ang pagod at pag-aalala sa mukha nito. Agad kong ibinaling ang tingin kay Irish at kina Baron. Agad kong nahulaan kung anong nangyari nang makita kong maging ang mga ito ay naligo rin sa ulan at putik.
Hinanap nila ako nang makitang wala ako sa aking higaan. Hanggang sa makita nila akong nakababad sa putik at ulan, duguan, at walang buhay dahil sa saksak ng....Bigla kong naalala ang patalim na nakatarak sa aking tiyan at ang malalim na sugat na ginawa nito. Kinapa ko ito pagkatapos ay tiningnan sa ilalim ng kumot. Walang nakasaksak dito at walang bakas ng anumang sugat. Nanaginip lang ba ako kanina? Sa pagkakabaon ng patalim sa aking katawan ay nakakapagtakang buhay pa ako. Biglang bumuhos ang maraming katanungan sa aking isipan. Anong nangyari kay Kristine? Natakasan kaya niya si...si Hulk Hogan? Nasan kaya ito at ang kanyang mga kasama? Kailangan ko silang makita bago pa makapagtago ang mga ito. Kailangan kong masigurong ligtas si Kristine. Iniangat ko ang aking katawan para bumangon ngunit pinigilan ako ni Aira. "Saan ka na naman pupunta?" inis na tanong nito. Nakita ko ang mabilis na pagbabago sa mukha nito. From being worried to being pissed. "Kailangang kong malaman kung ligtas si Kristine," mahina kong sagot. "Hindi mo ba alam na inilalagay mo sa kompromiso ang buong unit na 'to?" gigil nito. "Tama si Aira, Awra," mahinahon naman pagsang-ayon ni Irish. "Isa pa. Hindi mo pa napapaliwanag kung anong nangyari sa'yo sa likod ng mga container van. Nakita namin ang katawan mo dun, walang malay...at walang saplot...hanggang ngayon," patuloy ni Irish. Napatingin ako sa ilalim na kumot at nakita ko ang hubad kong katawan. Napatingin ako sa mga boys. Hinigpitan ko ang kapit dito at itinaas. "Ako? Nasa likod ng mga container van?" pagtataka ko. "Naku! Walang ng naalala! Si Sleeping Beauty naging Forgetful Beauty," sabat ni Marco. Kumamot ito sa ulo habang nakangiwi. "Talaga bang wala kang naalala?" tanong ni Irish. "Ang huli kong natatandaan nasa dulo akong bahagi ng kampo...sa may talahiban. Sinubukang kong iligtas si Kristine mula sa mga nang-haharass na mga lasing na sundalo...pero na....nawalan ako ng malay. Kailangan kong malaman kung ligtas si Kristine," sagot ko pagkatapos ay nagbuntong-hininga. "Pagkatapos nun ano pang natatandaan mo?" tanong ni Baron. Hinubad na nito ang kapote at puting sando na lang ang suot. Bumakat ang mga muscle nito sa kanyang katawan. Ganun din sina Marco at Jake. Nakaupo na ang mga ito sa kanilang kama ngunit nakatingin pa rin sa akin ng may pagtataka. May nadiskubre ba sila tungkol sa akin na hindi ko alam? Tanong ko sa sarili.
"Pagkatapos nun...h...hindi ko na maalala," sagot ko sabay iwas ng tingin.
"Nakita ka naming balot ng dugo at putik," may pagaalalang sambit ni Irish. Napatingin ako pero wala akong maisagot. Gusto ko sanang sabihing dugo ko iyon at hindi ko alam kung bakit buhay pa ako. Gusto kong sabihin ang pagtataka ko sa mga nangyayari sa aking katawan but I sealed my lips and stared in silence.
BINABASA MO ANG
The Immortal's Blood
Mystery / ThrillerIN A TIME WHERE ASWANG AND HUMANS LIVE TOGETHER IN WAR, AWRA, IN LOVE WITH HER ADOPTED BROTHER, WILL FOLLOW ANTE WHEREVER HE GOES. BUT HER ACTIONS WILL PUT ANTE IN DANGER WHO WENT MISSING. ALONG WITH ANTE'S FRIENDS, AWRA WILL SEARCH FOR HIM AND DISC...