CHAPTER 19 - Love in Peril

173 11 1
                                    

NANGINGINIG ANG AKING KATAWAN nang humarap ako kay Stella. Nagpaikot-ikot ako sa harapan ng kanyang wheel chair dahil sa takot at kaba. Kung nakakatayo lang siguro ito ay kanina pa niya ako pinigilan. Lubos kong ikinabahala ang pagbabanta ni Busaw dahil naramdaman kong hindi ito titigil hangga't hindi niya nakikitang lahat kami ay mabitay. Kung totoong pinatay ng mga sundalo ang kanyang ina ay maiintindihan ko ang kanyang galit, ngunit hindi ang katulad ng kanyang ipinapakita na halos lampas na sa limitasyon ng katwiran at hustisya. He is mad! Bulalas ko sa sarili. At lalo ko itong ikinatakot. Sino ang makakapigil sa katulad niya na parang nasisiraan na ng bait? Sino ang makakapagbalik sa katinuan ng kanyang pag-iisip?

Pinilit kong umupong mag-isa sa dilim ngunit lalo lamang nitong pinalala ang aking pagkabalisa. Kailangan ko ng kasama, kailangan ko ng karamay. Tumayo ako at umupo sa tabi ni Stella kung saan may konting liwanag at tinakpan ng dalawang kamay ang aking mukha. Ang isipin na nasa bingit kami ng kamatayan ay nagdulot ng kakaiba at malamig na pakiramdam sa aking katawan. Ako ang dahilan kung bakit nawawala si Ante. At ito ang dahilan kung bakit kami naririto ngayon. Kasalanan ko ang lahat at ako ang nagpahamak sa grupo. Biglang hindi ako makahinga at para akong nalulunod nang maisip ito. Mabilis akong lumulubog sa tubig. Gusto kong itaas ang aking mga kamay sa pag-asang may sasagip ngunit alam kong mag-isa lang akong haharap sa kawalan ng pag-asang dahan-dahang gumagapang sa aking katawan, tumutusok sa aking mga laman, at tumatagos sa aking buto. Masakit mang tanggapin pero ito ang katotohanan. Hindi mararamdaman ninuman ang aking pagdurusa kahit pa siya ay aking kaibigan. Ako at ako lang ang maaring makaramdam ng kirot at pighati. Ang hinagpis ko ay sa akin lang at wala ng ibang maaring makadama. Ganito ba talaga kalupit ang disenyo ng kalikasan? Naitanong ko sa aking sarili. Paglubog ng araw kasunod ay kadiliman, pagkatapos ng pagbuo sa huli ay pagkawasak, pagkatapos ng bahaghari ay ang malakas na buhos ng ulan, kung may saya ay may kalungkutan, at laging kakambal ng pag-ibig ay pasakit at kabiguan.

Tiningnan ko ang mukha ni Stella at nakita ko itong lumulutang ng payapa sa dagat na malalim, tahimik, at madilim. Nagliliwanag ang kanyang balat sa kaputian, walang bahid at walang tinatagong karumihan. May kapayapaan sa kanyang nakapikit na mga mata at may kaligayahan sa likod ng kanyang mga ngiti. Nagpalutang-lutang sa tubig ang kanyang mahahaba at itim na buhok. Parang silang may buhay, sumasayaw sa bawat galaw, sa bawat alon ng madilim na karagatan. Pagkatapos nito ay nakita kong unti-unting lumabo ang imahe ng kanyang mukha, may humihila sa kanya pababa, mabilis siyang lumulubog, at kinain ng dilim ang kanyang kaanyuan. Hinawakan ko siya sa kanyang leeg, naramdaman ko ang lamig ng tubig na parang yelo at nang aking itaas ay sarili kong mukha ang aking nakita. Sinakluban ako ng pagtataka na mabilis naging takot at kaba. Sapagkat sa aking harapan, habang nakatiig sa sarili kong mukha ay bigla itong nagmulat at nakita ko dito ang aking kaluluwa, naghihintay sa huli

nitong paghinga. Nagliwanag ang mga mata kong kulay pula sa ilalim ng madilim na dagat. Natakpan ng maiitim na hibla ng aking buhok ang maputi kong mukha at dito ay pumulupot. Pahigpit ng paghigpit hanggang sa, mula sa aking mga mata ay mapiga at dumaloy ang malagkit at mapulang dugo na mabilis humalo sa dagat at natakpan nito ng tuluyan ang aking imahe, unti-unti itong lumabo hanggang sa maglaho sa madilim na kawalan ng tila makapal na likidong pula. At naulinigan ko ang isang tinig sa ilalim ng pulang dagat....All I see is red...then darkness....umalingawngaw ito paulit-ulit sa aking pandinig.

Pagmulat ko ay hawak ko na ang kamay ni Stella. Naramdaman ko dito ang kapayapaan. Biglang natuyo ang aking pisngi at mata at nawala ang nag-aalab na pakiramdam sa aking dibdib. Nakakahinga na ako ng maluwag. Nawala na ang bagyo sa loob nito. Narinig ko ang pagbukas ng pinto at mamaya pa ay nakita ang namumulang mukha ni Kumander Anton. Nangamoy ang alak sa loob ng sala at umabot sa akin ang maanghang at mainit niyang hininga nang mapadaan siya sa aking kinauupuan. "Simula ngayon dito ka na matutulog," utos nito. Nahalata ko sa kanyang boses na lumulutang ang kanyang diwa sa ispirito ng alak. Hindi ako sumagot at bagkus ay sinundan ng tingin ang pagdiretso niya sa kanyang silid hanggang ipinid nito ang pintuan. Ayoko mang sundin ang kanyang utos dahil ayokong matulog sa dilim na kasama ang nakatulalang si Stella ay naiisip kong wala na akong magagawa. Isa pa, ayokong makipagtalo sa isang lasing. Iniisip ko rin na sa kamay ni Stella nakahanap ako ng kapayapaan. Kahit na parang inilakbay nito ang aking diwa sa hindi ko malamang lugar sa loob ng aking kaisipan ay masaya ako at sapagkat dahil sa kanya natanggap ko na ang aking kapalaran, katulad ng pagtanggap ni Aira at ng buong grupo sa kanilang malagim na katapusan. Paalam Ante! Bulalas ko sa aking sarili. Siguro nga ay ganito ang binigay sa atin ng tadhana, ang magkaroon ng magkahiwalay na kamatayan.

The Immortal's BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon