NAGISING AKONG NAKAHIGA sa likod ng isang lumang military truck. Naramdaman ko ang mabilis nitong pagtakbo at nalanghap ang nakakasunok na usok mula dito pero hindi ko ito pinansin. Parang gusto pa ng katawan ko ang magpahinga dahil kahit subukan kong imulat ang aking mga mata ay hindi ko magawa. Bahagya akong napamulat nang mapadaan sa isang hump ang truck. Niyugyog nito ang katawan kong nasa sahig. Nasilayan ko ang bukang-liwaway sa kalangitan nang unti-unting magliwanag ang aking paningin. Dahil sa mabilis na takbo ng sasakyan, tila lumalayo ito sa akin at parang hindi na muling babalik. May kirot sa aking ulo at masakit ang aking mga kalamnan. Napangiwi ako dahil dito nang subukan kong gumalaw. Napansin kong hindi ko maibuka ang aking bibig na parang may tumahi. I felt dark panic covered the back of my mind. Tuluyang nagising ang aking diwa nang malaman kong may duct tape ang aking bibig. Biglang namilog ang aking mga mata at agad sinakluban ng takot at kaba!
"Hmmm! Hmmm!" malakas kong sigaw habang nagpupumiglas ngunit isang piping tinig lang ang aking narinig. Umugong lang ito sa loob ng aking taynga kahit na halos lumabas na ang mga litid ko sa aking leeg. Sunod kong naramdaman ang nakatali kong mga kamay sa aking likod. Hindi ko ito maigalaw at halos nangingimi na sa higpit ng pagkakatali. Pinilit kong makawala ngunit habang ginagawa ko ito ay nauubusan lang ako ng lakas. Iniikot ko ang tingin sa paligid at lalong nagtaka sa aking nakita. Sa aking kaliwa at sa kanan ay kampanteng nakaupo sina Aira at Irish. May busal din ang bibig, nakatali ang mga kamay sa likod ngunit tahimik lang silang nakatingin sa akin at hindi man lang nagpupumiglas. Unti-unting nawala ang kaba sa aking dibdib. Nakita ko ang pagtagilid ng ulo ni Aira, nag-uutos na bumangon ako at umupo sa tabi niya. Itinuon ko ang aking balikat sa sahig at kumuha ng pwersa para bumangong nakaupo. Narinig ko ang parang crack na tunog sa ilang bahagi ng aking katawan at naramdaman ko ang kirot dito. Tiniis ko ito at idinausos ko ang aking sarili sa tabi niya. Saka ko nakita ang mga pagod na mukha nina Baron, Jake, Marco, at Major Gazpar sa aming harapan katabi ni Irish. Nakita ko naman sa aming hanay si Kristine at Cheska katabi ang ilang armadong lalaki na nakasuot ng lumang military fatigue at may mga bandana sa ulo. Naisip ko ang sinasabing rebelde ng matandang guard sa gate bago kami lumabas ng Camp Arayat.
Wala kaming nagawa sa buong biyahe kundi magtitigan. Pero nakita ko sa mga mata ni Jake na tinatandaan niya ang aming dinaraanan. Sinubukan ni Irish na kausapin ako ngunit hindi namin maintidihan ang aming mga ungol. Nang mapansin ito ay pinagsabihan kami ng isang rebeldeng nakaupo sa kanyang tabi. Kahit nakaupo ay natantya kong matangkad itong lalaki. Kung tatanggalin nito ang bandana sa ulo at ang shades na suot ay makikitang may itsura ito kaysa sa kanyang mga kasama. "Tahimik!" sigaw nito sabay irap kay Irish. Gumulong naman ang bola ng mga mata ni Irish paiwas sa lalaki dahil sa inis.
Kapansin-pansin na luma ang mga armas nilang gamit pero halatang maayos nila itong nililinisan. Ganoon din ang kanilang combat shoes na bagama't pudpod ang swelas ay makikitang malinis ito at inaalagaan. Kapansin-pansin din ang makikisig nilang katawan at makikita sa kanilang mga mata ang kasigurahan sa kanilang ginagawa. Alerto ang mga ito at mukhang may mga pinag-aralan na ibinatay ko sa kung paano sila magsalita. Kung hindi lang kupas ang mga suot nilang damit at uniporme ay mas maituturing pang mga model na sundalo ang mga ito kaysa sa sundalo ng Camp Arayat.
Sa aking pag-iisip ay bigla kong naramdaman ang aking pagod at puyat. Hindi ko na napigilan ang kusang pagpikit ng aking mga mata na inakala kong saglit lang ngunit di ko namalayan ang matagal kong pagkaidlip dahil pagmulat ko ay mataas na ang sikat ng araw. Nagising ako nang maramdaman ko ang paghinto ng military truck. Narinig ko ang galit na pag-ungol nina Kristine at Cheska at nakita ang pagpupumiglas nina Aira at Irish habang hila silang itinayo ng mga rebelde at ibinaba sa truck. Ganoon din ang ginawa ng isang rebelde sa akin na sinalubong ko rin ng pag-angal. Itinayo niya ako at napansin ko ang pinasukan naming bakal na gate na kusang nagsara at sa paligid namin ay isang mahabang pader na tumagos at nawala sa mga makakapal at matataas na puno ng bundok. Itinulak ako ng rebelde para bumaba at paglapat ng paa ko sa lupa ay nakita ko ang pagkamangha sa mukha ni Aira at Irish. Buong pagtataka kong iniikot ang aking paningin at tumambad sa harapan ko ang isang malawak na park na parang hindi pa tapos gawin at sa likod nito ay isang mahaba at malaking gusali na may limang palapag. Kulay puti ang pintura ng buong gusali ngunit bakas dito ang mga dungis na dulot ng paglipas ng panahon. Napapalamutian naman ito ng mga nangagsampay na mga damit na may mga iba't-ibang kulay. Narinig kong tumigil ang mga tawanan ng mga batang naglalaro sa park nang mapansin ang aming pagdating, gayundin ang mga nag-umpukang matatanda dito na ibinaling ang mga mukha sa amin ng may pagtataka at ang iba naman ay may galit. Sa kanang tabi naman ng gusali ay may isang bakanteng lote at may limang bulldozer dito ang kinalawang na dahil sa tagal ng panahong hindi nagamit at sa harap ng mga ito ay matataas na tambak ng lupa. Hindi kami makapaniwala na ang isang malaking kumunidad tulad nito ay maaring mabuhay sa tuktok ng bundok.
BINABASA MO ANG
The Immortal's Blood
Mystère / ThrillerIN A TIME WHERE ASWANG AND HUMANS LIVE TOGETHER IN WAR, AWRA, IN LOVE WITH HER ADOPTED BROTHER, WILL FOLLOW ANTE WHEREVER HE GOES. BUT HER ACTIONS WILL PUT ANTE IN DANGER WHO WENT MISSING. ALONG WITH ANTE'S FRIENDS, AWRA WILL SEARCH FOR HIM AND DISC...