PROLOGUE

3.2K 98 7
                                    

END OF WORLD WAR 3
MANILA

UMUUGONG pa ang pandinig ni General Payton. Nanginginig pa ang buo niyang katawan. Sa harap niya ay mga gumuhong gusali. Naririnig pa niya ang lagitik ng apoy sa kanyang paligid. Ramdam niya ang init nito. Naamoy niya ang hangin. May dala itong kamatayan.

"General! Tapos na ang digmaan. Nagtagumpay tayo!" humihingal na sigaw ng isang sundalo sa kanyang likuran. Hindi ito nilingon ng heneral. Nakatitig ang basa niyang mga mata sa isang gumuhong gusali. Dito natabunan ang kanyang buong pamilya.

Nagtagumpay nga ba sila?

Biglang may umungol sa kanyang likuran. Mabangis ito na parang hayop. Hinarap ito ng heneral ng may pagtataka.

"Yan ang dahilan kung bakit nahirapan tayong talunin ang mga dayuhang mananakop, General," sambit ng isa pang sundalo.

Itinulak ng sundalo ang bihag. Nakagapos ang mga kamay nito sa likuran. Napaluhod ito sa lupa. Galit nitong inangalan ang papalapit na heneral at lumabas ang dalawang matulis na pangil nito. Hindi naman natinag si General Payton. Tinitigan niya ang mga berdeng mata nito at namangha.

Binunot niya ang kalibre sa kanyang tagiliran at itinutok ito sa nuo ng aswang. Lalong lumakas ang ungol ng aswang. Naningkit ang mga mata ng heneral na parang may tinitimbang. Pagkatapos magbuntong-hininga, ibinalik niya ang baril sa kaluban. Tapos na nga ba ang giyera? Naisip niya.

Para kay General Payton, nagsisimula pa lang siya.

ONE YEAR LATER...

PALABAS NA NG BAHAY-AMPUNAN ang Senador nang maagaw ng kanyang pansin ang isang artikulo sa isang magasin. Napatigil ang Senador. Pagkatapos tumitig saglit sa cover, kinuha ito at binasa.

Pagkatapos ng World War 3, may nakalap at na-verify na impormasyon ang Department of National Defense:

Matagal ng naninirahan kasama ng tao ang milyon-milyong mga aswang.

Sa kabila ng pag-iingat ng departamento na itago ito sa publiko, mabilis pa rin itong kumalat. Naging laman ito ng mga social media at news network. Dahil dito, napilitan si General Payton, ang Defense Secretary, na aminin ito sa publiko. Naging national concern ito at idineklara ng presidente, alinsunod sa payo ng heneral, na isa itong threat to national security. Kasunod nito, lumabas sa publiko ang listahan ng mga pangalan ng pinaghihinalaang aswang at idiniin ng heneral na maaari pa itong madagdagan.

Tumigil siya sa pagbabasa dahil nagdikit na sa galit ang kanyang mga labi.

Kasinungalingan! Singhal niya pagkatapos ay pinagpatuloy ang pagbabasa.

Ginulat ng balita ang lahat. Marami sa mga aswang ay mga ordinaryong tao lang. Asawa, anak, kasintahan, kaibigan, at barkada. Pagkatapos silang paghiwalayin ng giyera, ngayon naman ay paghihiwalayin sila ng sistema.

Napabuntong-hininga ang Senador at binitawan ang magasin. Hindi niya kayang tapusin ang pagbabasa. Lalo lang nitong pinalala ang kanyang agam-agam. Tumigil siya sa harap ng pintuan paglabas at nakita ang dalawang batang naglalaro sa parking area. May namuong lungkot at pag-aalala sa kanyang mukha.

"Sister Mary," marahan nitong sambit sa madre na kanina pa naghihintay sa kanya sa labas habang kausap ang ilang mga bata. Sumenyas ang madre para pabalikin ang mga bata sa loob ng gusali.

"Ano po 'yun, Senador?" magalang nitong tanong. Pinagdikit ng madre ang kanyang dalawang palad sa kanyang harapan at pinagdaop ang mga daliri pagkatapos mag-ayos ng pustura.

"Matagal ko ng nakikitang kalaro ni Ante ang batang 'yun pero ngayon ko lang naisip itanong ang kanyang pangalan."

"Siya po si Awra, Senador. Siya ang katulong ko sa gawain dito sa bahay-ampunan. Masipag siya. May katigasan lang ng ulo 'pag minsan pero mabait pong bata 'yan. "

The Immortal's BloodTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon