Life Saver
Matapos maputol ng linya ay muli kong dinial ang number niya.
Okay lang ba siya? May nangyari bang masama sa kanya?
Ilang beses ko ulit siyang sinubukang tawagan pero ni isa wala siyang sinagot doon.
“Sam, we need to go!”
Nabaling kay Kurt ang tingin ko matapos niyang magsalita.
“Sam, ano ba! Kailangan na nating umalis! Sumama ka na, please!” sigaw naman ni Aira.
Sunod sunod na tumulo ang mainit na butil ng luha mula sa mga mata ko.
“Oh my god! Kurt, take her!” rinig kong sigaw ni Aira.
Nang tignan ko siya ay nanlalaki ang mga mata niya habang nakatingin sa malayo kaya dahan dahan kong itinuon ang tingin doon. At agad nanlaki ang mga mata ko matapos makita ang paparating na naman na malaking alon ng tubig.
“SAM!”
“SAM, OH MY GOD!”
Habang nakatingin doon ay rinig na rinig ko ang sigaw ng mga kaibigan ko. Masyadong magulo. Maingay ang tunog ng eroplanong kukuha sa amin, maingay ang mga tao sa paligid, pero ang ingay ng tubig ang nangingibabaw sa tainga ko.
Malapit na sa pwesto namin ang malaking alon ng tubig nang biglang may humatak sa akin at ang alam ko na lang ay nasa loob na ako ng eroplano.
“Oh my god, are you okay?!” agad na lapit sa akin ni Aira.
“Nababaliw ka na ba, Sam?! Ipapahamak mo ang buhay mo dahil doon sa lalaking ‘yon?!” usal naman ni Raine.
Hindi ko magawang sumagot sa kanila at muli na namang naluha. Sandaling katahimikan ang namutawi sa loob ng eroplano, tanging ang ingay lang nito ang maririnig mo at ang mga hikbi ko.
“You scared us.” naluluhang usal ni Aira habang ang tingin ay nasa akin.
“I-I’m sorry.” nahihirapang usal ko dahil sa sobrang paghikbi.
Tuluyan na siyang umiyak at niyakap ako ng mahigpit. Habang nakakulong sa mga bisig niya ay agad na nagtama ang paningin namin ni Raine na ngayon ay umiiyak na nakatingin sa amin.
“S-sorry.” muling paghingi ko ng tawad.
Matapos kong sabihin ‘yon ay agad siyang lumapit sa amin at nakisalo sa mahigpit na yakap na agad naming pinagsaluhan.
NASA loob pa rin kami ng eroplano nang muli kong sinubukang tawagan si Calix. Pero katulad kanina, hindi niya pa rin ‘yon sinasagot.
Malamang ay napansin ‘yon ng mga kaibigan ko kaya nagsalita si Luan.
“Sam, I’m sure na okay lang si Calix. He’s in Ocean Rescue Team.”
“He’s right. Maybe he’s busy saving lives now.” pagsang-ayon naman ni Jiro.
Nanatili lang sa kanila ang tingin ko matapos nilang sabihin ‘yon. Pero nabaling ang atensyon ko kay Raine nang magsalita siya.
“He’s a life saver, pero ano? Pinabayaan niya yung girlfriend niya?”
“Raine naman.” si Aira.
“Bakit? Totoo naman, ‘di ba? Sino ba ang laging nandiyan para kay Sam? Si Kurt. Eh yung boyfriend niya nasaan?”
Naiyuko ko ang ulo ko nang dahil doon. Muli na namang nangilid ang mga luha ko at nagbabadya na naman silang tumulo kaya pilit ko itong pinipigilan.