Maraming beses ko na ‘tong pinanood pero iisa pa rin ang nasasabi ko, ang ganda. Napa-angat ako ng tingin sayo ng tapikin mo ang balikat ko, ngumiti ka pa sa akin bago nagsalita.
“Hindi ka pa ba kakain?”
Umiling ako at nag-iwas ng tingin sa magagandang mata mo, “Hindi na muna siguro, tatapusin ko lang ‘to.”
“Ano ba ‘yan?” tanong mo at inilapit ang mukha mo sa laptop na nasa lamesa. Na-estatwa ako sa pwesto ko dahil ang lapit ng mukha mo sa mukha ko. “Yan na naman? Hindi ka ba nagsasawa?” Nakahinga ako ng maluwag nang tuluyan mo ng inilayo ang mukha mo.
“Hiro, kapag maganda ang palabas, kahit ilang beses mo pa ‘tong ulit-ulitin, maganda pa din.” tugon ko naman sa kanya.
“Oo na, oo na.” Itinaas niya pa ang dalawang kamay niya na para bang sinasabi niyang suko na siya.
Napatitig pa ako sa mukha niya pero mabilis akong nag-iwas ng tingin. Hindi ‘to pwede. Hindi dapat ako nakakaramdam ng ganito sa kaibigan ko.
“Oh, pano? Mauna na ako,” ngiti at tango lang ang nagawa kong itugon sayo.
Nang tuluyan ka nang makaalis ay napayuko ako. Mali ‘to eh. Maling mali. Kaibigan kita. At dapat hanggang don lang ‘yon.
Ipinagpatuloy ko ang panonood pero maya-maya lang ay nakatanggap ako ng mensahe galing sayo,
“Punta ka nga pala dito sa court, may nakalimutan akong sabihin sayo.”
Ano naman ‘yung sasabihin mo? May nararamdaman ka din kaya sa akin? Aaminin mo na bang may gusto ka rin sa akin?
Umiling-iling ako at napatampal sa mukha. Stop being stupid, alam mo namang hindi mangyayari ‘yon. Iniligpit ko ang mga gamit ko at nagtungo sa lugar na sinasabi mo.
At ganon na lang kabilis na nanlumo ang kaninang sabik na sarili ko nang makita kitang mayroong kasamang babae.
Ang saya-saya niyo tingnan.
Nasaksihan din ng dalawang mata ko kung paano mo siya hinalikan sa noo at sa pisngi nito.
Sinampal ako ng katotohanang wala nga talaga akong pag-asa sayo at kahit kailan ay hindi magkakaroon,
dahil pareho tayong lalaki.