“Primo, ‘wag ka namang ganyan oh. ‘Wag mo namang tapusin na lang ng ganon ‘yung relasiyon na‘tin.” Para akong buntot niya na sumusunod-sunod sa kanya ngayon. Maraming tumitingin sa amin pero wala sa kanila ang concern ko. “Primo, please? ‘Wag mo ‘kong hiwalayan, mahal na mahal kita eh.” nangingilid na ang mga luha ko.
Nang marating namin ang parking lot ay dun pa lamang siya huminto, pero nanatili siyang nakatalikod sa gawi ko. “You’re being stupid, alam mo ba ‘yon?” dahil sa sinabi niyang ‘yon ay tuluyan nang tumulo ang mga luha ko. Humarap siya sa akin kaya naman nakita niya ako na umiiyak, pero wala lang sa kanya ‘yun. “Kung alam ko lang na ganyan ka, sana una pa lang hindi na kita linigawan. What a stupid girl.” sinabi niya ang mga salitang ‘yun bago siya sumakay sa kotse niya at nagmaneho paalis.
Nanatili akong nakatayo doon na patuloy pa rin sa pag-tulo ang mga luha sa mga mata ko. Napayuko ako at hindi na napigilan pa ang mga hikbing kanina ko pa pinipigilan.
Siguro nga tanga ako. Kasi kahit na siya naman ‘yung may kasalanan ay ako pa ‘tong humahabol at nagmamakaawa na ‘wag niyang tapusin ang relasiyon namin. Paano ba naman ay nalaman ko na mayroon daw siyang kahalikang babae doon sa bar kung saan ginanap ‘yung birthday ni Rex. Nang kausapin ko siya tungkol doon ay nagalit na agad siya. At heto’t nakipag-break sa akin. Pero, ganyan naman siya lagi eh. Tuwing may away sa pagitan namin ay sinasabi niyang break na kami, pero alam ko naman na nasasabi niya lang ‘yon dahil sa inis niya. Pero, kahit na ganon. Masakit pa rin eh.
Hindi ko nga alam kung paano niyang nagagawa sa akin ‘yun eh. Kasi ako, talagang tapat ako sa kanya dahil ganoon ko siya ka-mahal. Hindi ko alam kung paano niyang nagagawang saktan ako, eh wala naman akong ibang ginusto kung hindi maging masaya siya. Hindi ko alam kung saan ba ako nagkamali. Kasi dati, hindi naman siya ganito sa akin eh. Dati, hindi niya ako sinasaktan. Dati, talagang ramdam ko na mahal niya ako.
Saan ba ako nagkamali?
Ganoon pa rin naman ako. Siya nga lang ‘tong nagbago sa aming dalawa eh. Naalala ko pa, nung nililigawan niya pa lang ako. Kung paano namin ginugol ‘yung mga oras na mag-kasama, at kung paano niya ako nagagawang pangitiin at patawanin nung mga oras na ‘yon. At nung araw na sinagot ko na siya ay nagsisigaw pa siya dahil sa sobrang tuwa. Hindi ko pa nga mapigilan ang sarili ko na mapa-ngiti din habang nakikita ko kung gaano siya kasaya.
‘Yun nga lang, lahat ng ‘yon natapos. Bigla na lang siyang nagbago. Para bang hindi na siya ‘yung lalaking mahal na mahal ako noon, at ‘yung lalaki na minahal ko ng sobra. Hindi ko alam kung bakit. Nang imulat ko na lang mga mata ko isang araw ay wala na ‘yung dating siya. ‘Yung dating siya na kung mag-alaga sa akin ay sobra. ‘Yung dating siya na hindi gumagawa ng kahit ano na ikalulungkot ko. ‘Yung dating siya na palagi akong pinapasaya sa pamamagitan ng mga baon niyang kwento. ‘Yung dating siya na kasama ko sa pag-buo ng mga pangarap namin noon para sa isa’t-isa. ‘Yung dating siya na hindi ko na magagawa pang silayan ngayon.
‘Yung lalaking hindi ako kayang makitang umiiyak noon, ay siya nang dahilan ng pag-iyak ko ngayon. ‘Yung lalaki na todo kung mag-alala sa akin noon, ay wala nang paki pa sa akin ngayon. ‘Yung lalaki na kahit kailan ay hindi ako magawang saktan noon, ay siya na ngayong naging dahilan ng pagka-durog ng puso ko.
Akala ko ay kagaya lang ng pag-aaway namin na ‘to ang naging away namin nitong nakaraang linggo. Pero, mali ako. Dahil hindi kagaya non na tinetext niya pa ako, ngayon ay wala talaga siyang paramdam sa akin. Kaya naman nang mag-pasukan ay pilit ko siyang kinausap. Kahit na maraming tao sa loob ng canteen noon ay nagmakaawa ako sa kanya. Nag-sorry. At paulit-ulit sinabi sa kanya na ‘wag niya akong hiwalayan. Pero, iisa lang ang tugong natanggap ko,
“Ayaw ko na nga sa‘yo at hindi na kita mahal, hindi mo ba maintindihan ‘yon?”
Hindi mo lang alam kung gaanong dinurog pa noon ang durog nang puso ko. Hindi mo lang alam kung gaano kasakit ‘yung idinulot sa akin ng mga sakitang ‘yan. Ipina-mukha mo pa sa akin kung gaano ako katangang babae. Hindi kasi ako tumigil sa‘yo kahit pa sinabi mo na sa akin ‘yan eh. Pinagpatuloy ko pa rin ‘yung ginagawa kong pag-luto ng lunch para sa‘yo, pero itinatapon mo lang ang lahat ng ‘yon. Kung ano-anong pagpapahiya na ang ginawa mo sa akin.
“Hindi ka ba talaga matatauhan, ha?! Hindi na nga kita mahal! Hindi na! At pinagsisisihan kong minahal kita!” malinaw pa rin sa akin ang galit na itsura mo habang isinisigaw mo sa akin ang mga salitang ‘yan.
Dahil doon, talagang natauhan ako. Masyado pala akong naging tanga ng dahil sa‘yo, ano? Maraming oras na rin pala ang naisayang ko dahil sa pag-iyak kapag nagkakaroon tayo ng away na ikaw lang naman ang laging may gawa. Maraming oras na rin pala ang naisayang ko sa pagpapaka-tanga sa taong walang ibang ginawa kung hindi ang saktan ako.
Ngayon, gusto kitang makausap. May sasabihin lang naman ako, kaya pagbigyan mo na ako.
Nandito tayo ngayon sa tapat ng room niyo, ayaw mo pa ngang pumayag dahil ganoon mo ako kinaiinisan eh. Pero, salamat talaga sa kaibigan mo na pinilit ka at heto ka ngayon sa harapan ko.
“Ano ‘yon?” iritadong tanong mo sa akin nung mga oras na ‘yon.
“Galit ka na naman eh,” natawa pa ako ng mahina dahil sa nakakunot agad na noo mo. Hindi ka tumugon at nanatili lang na nakatingin sa akin kaya naman muli akong nagpatuloy sa pagsasalita, “Sorry,” ngumiti pa ako sa‘yo.
“Sorry na naman? Hindi ka ba nagsasasawa kahihingi ng sorry?” inis na tanong mo.
Napatungo ako, “Sorry kung ganito ako. Sorry kung sobra kitang kinukulit noon. Sorry din kasi palagi na lang akong naghahatid ng lunch para sa‘yo kahit pa na alam ko namang ayaw mo sa luto ko. Sorry kasi palagi na lang kitang pinapakialaman noon. Hayaan mo, hindi na mauulit ‘yon.” nag-angat ako ng tingin sa kanya na ngayon ay hindi mawala ang tingin sa akin. “Sorry, pagod na ako eh.” pinilit ko pang ngumiti matapos kong makita ang naging reaksiyon niya. “Sorry talaga.” matapos kong sabihin ‘yon ay umalis na ako sa harapan niya at iniwan siyang may mumunting luha sa gilid ng mga mata niya.
Pasensiya na, napapagod rin pala ang puso ko.