Paunang Salita ng Author:
Sinubukan kong mag-sulat ng horror/thriller genre, at eto ‘yung kinalabasan. Alam ko namang nakakatamad mag-comment, pero baka pwedeng mag-comment ka at sabihin kung ano ang masasabi mo dito sa istoryang ‘to. Yun lamang po, maraming salamat. Enjoy reading!
SALAMIN
May kaibigan kaming mayroong takot sa mga salamin. Hindi namin malaman ang dahilan kung bakit, dahil bukod sa ayaw niyang sabihin sa amin ang dahilan, wala rin namang dapat katakutan sa salamin 'di ba? Siguro dahil ayaw niya lang makita ang repleksiyon niya? O may iba pang dahilan? Pero, ano naman kaya 'yon?
Kapag may salamin sa paligid niya ay bigla na lang siyang matataranta at talagang makikita mo sa mukha niya ang matinding takot. Kapag nangyayari 'yon ay nagagawa pa ng iba na pag-tawanan ang itsura at pagka-balisa niya. Habang ako ay nakatingin lang sa kanya at paulit-ulit na pumapasok ang tanong sa isipan ko na,
"Ano ba 'yung nakikita mo?"
Lagi namang nandiyan sila Rhea para pakalmahin at ilayo siya sa direksiyon ng salaming 'yon. Ilang minuto rin bago pa siya tuluyang kumalma, at sa oras na 'yon ay tatanungin na naman siya ni Bea.
"Bakit ka ba kasi natatakot?" nakakunot ang mga noong tanong nito kay Yumi na mabilis na iniyuko ang ulo nito.
Pero gaya ng dati, wala kaming natanggap na tugon galing kay Yumi. Kaya hinayaan nalang nila at ibinalik ang kanya-kanyang atensiyon sa mga ginagawa. Habang ako naman ay nakatuon pa rin sa kanya ang buong atensiyon. Nagawa niya nang pakalmahin ang sarili niya pero nandoon pa rin sa mukha niya ang matinding takot.
Mabilis akong nag-iwas ng tingin nang mag-angat siya ng ulo. Pinilit ko na lang na ituon ang atensiyon sa pinapanood ko.
"Alam niyo namang hindi 'to tama, 'di ba?" nakakunot ang noong bigkas ko.
Sabay-sabay silang bumuntong hininga at tumingin sa akin. "Wag ka ngang kj diyan, Vanessa." tugon sa akin ni Bea.
"Oo nga, nakakatawa kayang makita 'yung itsura ni Yumi!" tumawa pa si Kian. "Don't worry, Vane. This will be the last," kumindat pa siya pero inikutan ko lang 'to ng mata.
"Bahala nga kayo, trip niyo 'yan eh." Hindi na ako nag-salita pa dahil kahit anong pag-kontra ang gawin ko ay hindi nila ititigil ang gusto nilang gawin.
Umupo na lang ako sa baitang ng hagdan at tahimik na pinanood ang ginagawa nilang pagpalibot ng malalaking salamin sa front door ng bahay nila Bea. Kahapon pa nila pinlano 'tong prank na 'to kay Yumi, sinubukan ko na rin silang pigilan kahapon pa lang, pero wala talaga.
"Guys! Nag-chat na sa'kin si Yumi, malapit na daw siya!" sigaw ni Sana.
Nagtago na 'yung iba sa gilid kung saan hindi sila makikita pero sapat lang 'yon para matanaw ang pintuan. Hindi pa rin ako natinag sa pagkaka-upo ko kaya naman lumapit sa akin si Bea. "Ugh, Vane, makisama ka naman." hinawakan niya ako sa braso at walang gana namang tumayo ako at nakitago kasama sila.
Pinatay na ni Bea ang ilaw sa pamamagitan ng remote na hawak-hawak niya ngayon. Nang marinig namin ang pagbukas at pagsara ng pintuan ay pinindot na ni Bea ang switch. At nang tuluyan nang lumiwanag ang paligid ay kasabay non ang malakas na sigaw ni Yumi.
Agad na nanlaki ang mga mata ko ng pagbabasag-basagin niya ang mga salamin. Mabilis namang nagsi-alisan sa pwesto nila ang mga kasama ko pero hindi nila magawang lumapit sa pwesto ni Yumi dahil maraming basag na salamin. Nanlalaki pa rin ang mga matang sumunod ako sa kanila.
"Oh my god! Yumi, are you okay?!" nag-aalalang tanong ni Bea.
"Hindi ganito ang inaasahan ko." mahinang bulong ni Kian.
Natataranta silang lahat at hindi alam kung ano ba ang dapat na gawin, habang ako ay hindi pa rin nawawala ang tingin kay Yumi. Ang dami niya nang sugat dahil sa mga basag na salamin.
Nakayukong umiiyak siya. Ganon na lang ang gulat namin ng mag-salita siya,
"H-hindi niyo talagang kayang intindihin ang kinatatakutan ko, 'no?" umiiyak pa ring bigkas niya. Matinding awa ang naramdaman ko nang mag-angat siya ng tingin at nakita ko ang mukha niya. Masasalamin sa mukha niya ang matinding takot. Walang sino man ang magawang mag-salita sa mga oras na 'to. Lahat kami ay tahimik lang na nakatingin sa kaawa-awang sitwasiyon niya.
"Paano niyo nga namang maiintindihan eh hindi ko naman sinasabi sa inyo, 'no?" tumigil siya sa pag-iyak. "Edi sasabihin ko na ngayon," tumayo siya at ganon na lang ang panlalaki ng mata ko dahil puro basag na salamin ang inaapakan niya. "Paanong hindi ako matatakot sa salamin na 'yan?" lahat kami ay nagulantang sa ginawa niyang pagtapak-tapak sa mga basag na salamin. Muli niya kaming hinarap,
"Eh sa tuwing titingin ako diyan, ibang repleksiyon ang nakikita ko."