Hindi mawala ang tingin ko sa maliit na box na nakita ko sa pinaka-ilalim ng drawer ko dahil naisipan kong mag-linis ng kwarto ko ngayon. Agad na kumurba ang ngiti sa labi ko nang makita ko ang naka-ukit na pangalan sa ibaba nito.
Light Saavedra
Tandang-tanda ko pa nung gumawa ako ng RP account noon, dahil sabi ng mga kaibigan ko, maganda daw sa RP kasi marami kang makikilalang iba't-ibang klase ng tao.
Marami akong naging kaibigan doon, kaya sinali nila ako sa isang GC. The Falling Game, ang group name non. Nung una ay hindi ko alam kung ano ang purpose ng GC na 'yon, kaya naman ipinaliwanag nila sa akin. The Falling Game, may i-pa-partner sa'yo ang leader ng group at kailangang mahulog sa'yo ang loob ng taong 'yon. Ganon din ang gagawin ng partner mo sa'yo. At kung sino man ang unang mahulog ay siyang talo. May iisang rule ang larong 'yon, at 'yon ay 'wag na 'wag kang mag-se-send ng kung anong tungkol sa totoong pagka-tao mo.
Light Saavedra, 'yan ang pangalan ng taong ka-partner ko non. Hindi ko alam kung bakit pero ang gaan na agad ng loob ko sa kanya ng maka-chat ko siya. Pero dahil nga sa RPW lang 'yon, isinawalang bahala ko na lang ang nararamdaman ko non.
Pero habang patagal ng patagal ay nag-uusap na tayo, naririnig na natin ang boses ng isa't-isa. 'Yung GC kung saan tayo unang nagkakilala ay hindi na natin napapansin dahil masyado na tayong focus sa isa't-isa. Hindi na rin natin sinunod pa ang rule at nag-sa-sabihan na tayo ng tungkol sa mga sarili natin.
Nalaman ko na ang Light na pangalan mo sa RPW ay pangalan ng protagonist sa isang anime. At ang huling pangalan mo naman ay siya talagang totoong apelyido mo. Tinanong mo rin ako kung bakit Maxpein Moon ang pangalan ko, sinabi ko naman sa'yo na 'yun kasi ang pangalan ng bida sa istoryang binabasa ko nung mga oras na 'yon.
Ang dami nating nalaman tungkol sa isa't-isa. Hindi na nga natin napansin na umaga na pala dahil sa masayang kwentuhan na'tin.
Dumating 'yung araw na, tinatanong mo na ako kung ano ba talaga ang totoong pangalan ko. Nagda-dalawang isip pa ako non kasi natatakot ako na baka kapag nakita mo ang totoong itsura ko ay bigla ka na lang maglaho na parang bula. Dahil nga sa dahilan kong 'yan, ay ikaw na muna ang pinauna ko.
Tyron Saavedra ang totong pangalan mo.
Mabilis na sinearch ko ang pangalan mo at napatitig ako sa mga picture mo nang mahanap ko na ang totoong account mo. Ang gwapo-gwapo mo naman pala kaya bakit kailangang itago mo pa ang totoong itsura mo?
Ayaw ko pa sanang ibigay ang totoong account ko noon dahil nga sa hindi ako kagandahan, pero sadyang makulit ka eh. Nang sabihin ko ang account ko ay nag-paalam ka na at sinabing may gagawin ka muna.
Pero pagka-tapos non, hindi ka na muling nag-paramdam. Eto na nga ba ang sinasabi ko eh, makita mo lang ang totoong itsura ko ay bigla ka na lang mawawala. Ilang days ka nang hindi online sa RP account mo kaya naman naisipan kong i-chat ka sa real account mo. Pero wala akong tugon na natanggap mula sa'yo.
Akala ko hanggang doon na lang 'yon, akala ko hindi ka na babalik pa at tuluyan mo na akong iiwan ng ganon, pero--
Natigil ang pagbabalik-tanaw ko sa mga ala-ala na 'yon nang bumukas ang pintuan ng kwarto ko.
"Anak, nandito na sila." Nagulat naman ako sa sinabi ni Mama. Agad akong tumayo at walang ayos-ayos na bumaba.
And there, I saw you.
Nakangiti kang naghihintay sa akin, ginantihan kita ng ngiti. At mas lalo pang lumaki ang ngiti ko ng bumaba ang tingin ko sa batang hawak-hawak ang kanang kamay mo.
"Hi Sam!" excited na bumaba ako para salubungin ito ng yakap. "Sobrang na-miss kita," mahigpit na yakap ko dito.
"Honey," malambing na tawag mo.
Nag-angat ako ng tingin at nakita ko kung paanong sinalubong mo ng halik ang ate ko.