Mabilis na kumurba ang ngiti sa labi ko nang may makita na naman akong liham sa loob ng locker ko. Sigurado naman akong sa kanya na naman nanggaling ‘to, at hindi nga ako nagkamali nang makita ko ang nakasulat sa likod nito na ‘Secret Admirer’. Itinabi ko na lang muna ‘to sa bag ko dahil magsisimula na ang klase.
Nang matapos ang dalawang klase ay kinuha ko sa bag ko ang liham na ‘yon at babasahin na sana nang tawagin ako ni Calix. Nag-angat ako ng tingin dito at nakitang nakasandal siyang naghihintay sa pintuan ng room namin.
“Tara na sa cafeteria,” nakangiting pag-aya niya sa akin.
Iniligpit ko na muna ang mga gamit ko bago ako tuluyang tumayo at lumapit sa kanya. “Nauna na sila Mark?” tanong ko sa kanya nang makalapit ako.
Tinanguan niya lang ako at nagsimula nang mag-lakad. Hindi ko naman napigilang mapangiti habang nakatingin sa likod niya. Paanong nagagawa mong umarte ng ganyan ngayon, Calix? Inalis ko na lang ‘yon sa isip ko at humabol para sabay kaming mag-lakad.
Nang makarating kami sa cafeteria ay agad naman akong binuwisit nitong Mark na ‘to. Araw-araw na lang talaga, ganyan ang ginagawa niya. Palagi niya na lang akong inaasar, kaya maingay kami dito sa cafeteria eh. Syempre hindi naman ako papayag na ako lang ang naaasar ‘no.
Nahagip naman ng tingin ko si Calix na nakatitig lang sa akin habang tahimik na sumisimsim ng iniinom nitong frappe. Nang magtama ang paningin namin ay agad siyang nag-iwas ng tingin. Natawa ako sa isip ko. Seriously, Calix? Mabilis namang bumalik ang atensiyon ko kay Mark nang kuhanin nito ang macarons na talagang itinabi ko pa para ‘yon ang huli kong kakainin. Ugh, nakakainis talaga ‘to.
Tapos na ang lunch break kaya naglalakad na kaming dalawa ngayon ni Calix pabalik sa kanya-kanyang klase. Mag-katabi lang kasi ang room naming dalawa kaya kaming dalawa ang palaging mag-kasama.
“Hintayin na lang kita after class,” tumango lang ako sa sinabi niya at pumasok na sa room. Nang makaupo ako ay tsaka pa lang siya pumasok sa sariling klase.
At habang wala pa naman ang teacher ay inilabas ko na ang liham upang tingnan kung ano naman ang nakasulat ngayon.
Nag-da-dalawang isip pa din ako kung dapat na ba ‘kong umamin sa‘yo.
Yun lang ang nakasulat doon pero ganon na lang kalaki ang ngiti ko. Hindi na ako makapag-hintay na matapos ang klase at ako na mismo ang magsasabi kung kanino galing ‘tong mga sulat na ‘to.
Sabay kaming naglalakad ni Calix ngayon pauwi, dahil tutal malapit lang naman ang school sa kanya-kanya naming bahay.
“Sa’yo galing ‘yung mga liham na nakukuha ko sa locker ‘no?” paunang salita ko.
Mabilis siyang bumaling sa akin at napakamot sa likod ng ulo niya, “H-ha? Hindi ah,” pagtanggi niya pa.
“Seryoso, Calix?” mahinang tumawa pa ako. “Sa dalawang taon na pagka-kaibigan natin, tingin mo hindi ko makikilala ang handwriting mo?”
Mabilis siyang napayuko, “Hindi sa akin galing ‘yung mga ‘yon.” nang mag-angat siya ng tingin sa akin ay may lungkot akong nakita sa mga mata niya.
“Hindi ako pwedeng mag-kamali ‘no, sulat mo——” hindi ko naituloy pa ang sasabihin ko.
“Lahat ‘yon galing kay Mark,” pinilit niya pang ngumiti. “Maganda daw kasi ang sulat ko kaya ako ang pinasulat niya.”
