“Wala ka na bang ibibilis pa diyan?” inis na sabi sa akin ni Shane, best friend ko.
“Teka lang kasi!” tugon ko naman habang abala pa rin sa pagliligpit ng mga gamit ko, pero hindi niya ako pinansin at tumuloy na sa pag-alis sa harapan ko. “Leche ka talaga, Sha-Sha!” at nang matapos na ako ay mabilis din naman akong humabol sa kanya. Pero nakatayo lang pala siya sa gilid ng pintuan at naghihintay sa akin.
“Ang bagal bagal kasi kumilos, jusko.” inikutan pa ako ng mga mata nito at nagsimula nang mag-lakad. Hindi pa ako kaagad na nakasunod sa kanya at sinundan lang siya ng tingin. Akala ko iniwan niya na ako. “Hoy, ano na?” dahil dun ay sumunod na rin ako sa kanya. Mahirap na, baka mabatukan ako nito.
Matagal na kaming mag-kaibigan ni Shane at talagang masasabi ko nang best friend ko siya, ewan ko lang kung ganon din ako sa kanya. Para sa akin kasi, siya ang pinaka-best sa lahat ng naging kaibigan ko. Hindi siya kagaya ng iba na nandiyan lang at magpaparamdam lang sa akin kapag may kailangan sila. Kasi siya, kahit anong oras, nandiyan siya para sa akin at ganon din naman ako sa kanya.
Talagang mabuting tao si Shane, at hindi lang ang kalooban niya ang maganda sa kanya, pati na rin ang panlabas na anyo niya. Kaya ganoon na lang karami ang nagkakagusto sa kanya sa pinapasukan naming eskwelahan. Pati nga siguro ako, kung lalaki lang ang puso ko ay baka matagal na akong nahulog sa kanya. Pero, hindi eh. Pareho kami na tumitibok ang puso sa mga kalalakihan. ‘Yun nga lang, no boyfriend since birth kami. Hays, buhay nga naman parang life.
Atsaka siguro dahil na rin sa kuntento na kami sa mayroon kami ngayon. Hindi na namin kailangan pa ng boyfriend dahil kami pa lang sa isa’t-isa ay sapat na. At hindi rin kagaya ng pag may boyfriend ka, masasaktan ka. Samantalang kami, happy vibes lang palagi. Pero, may times din naman na mayroon kaming hindi pagkakasundo. ‘Yun nga lang, hindi pa tumatagal ng ilang oras ay, okay na ulit kami. Hindi kasi kami ‘yung tipo na mapag-tanim ng galit dahil sa maliit na bagay lang. At sinasabi ko sa‘yo, kapag talagang matagal na kayong mag-kasama ay kaunting oras pa lang ay hindi mo na kaagad siya matitiis.
Palagi kaming mag-kasama sa lahat ng bagay. Kasiyahan, kalungkutan o kalokohan man ‘yan, asahan mong lagi kaming nandiyan sa tabi ng isa’t-isa. Pinangako rin namin sa isa’t-isa na walang magtatago ng kung anumang sikreto. Pinangako namin sa isa’t-isa na kung may bago sa buhay ng isa ay dapat agad na malaman ng isa. Kaya, alam niya ang lahat ng tungkol sa akin at alam ko rin ang lahat ng tungkol sa kanya.
Talaga nga bang alam ko ang lahat?
Kasi nitong mga nakaraang linggo, parang mayroon siyang itinatago sa akin. Madalas na siyang hindi pumapasok at ni hindi ko alam ang dahilan kung bakit. Kahit kasi na ilang ulit ko siyang tanungin kung ano ang problema ay palaging “Wala, tinatamad lang ako.” ang isinasagot niya, na siya namang ipinagtataka ko. Tinatamad? Siya? Kung ako ang tatanungin kung bakit ganito na lang ang reaksiyon ko, ‘yun ay dahil kung mayroon mang tamad sa aming dalawa ay ako ‘yon.
Hindi ko naman siya magawang puntahan agad sa kanila dahil masyado rin akong naging abala sa pag-aaral nung mga oras na ‘yon. Kahit naman na tatamad-tamad ako ay seryoso ako sa pag-aaral ko, ano. Pero, kahit na abala ang sarili ko sa pag-aaral ay hindi pa rin siya nawawala sa isip ko.
Ano ba talaga ang mayroon, Sha?
Ngayon ay talagang buo na ang plano ko. Tinapos ko na ang lahat ng kailangan kong ipasa sa kinabukasan para mapuntahan ko na ngayon si Shane. Nang matapos na ang klase ay agad-agad akong sumakay ng jeep papunta sa bahay nila. Pero, ganoon na lang ang pagtataka ko ng makita na madilim ang loob ng bahay nila dahil kita ‘yon dala ng bintana nila sa itaas. At puro nakasarado naman ang mga bintana sa ibaba at natatakpan pa ng mga kurtina. Kung titingnan mo ay masasabi mo na walang tao dito. Pero, para makasigurado na rin ay lumapit ako at ganon na lang ang panlulumo ko ng makita kong nakakandado ang gate nila.