Dati, tinitingnan lang kita mula sa malayuan. Hindi kasi ako kagaya ng ibang lalaki, at oo aaminin ko, torpe ako. Hindi ko kasi alam kung ano ba ang dapat kong gawin para mapansin mo. Masyado akong natatakot dahil baka pagtawanan mo lang ako. Hindi kasi ako kagaya ng mga lalaki na nakakasama mo, hindi ako kagaya ninyo na mga sikat dito sa campus.
Dati, dadaan lang ako sa room niyo, makikita ko na ang mga ngiti mo. Naiiba ka sa maraming kababaihan dito sa campus. Simple ka lang pero malakas ang dating, kaya ganon na lang kadami ang nagkakagusto sayo. At aaminin kong kasama ako doon.
Dati, naririnig ko lang ang mga tawa mo kapag magkakasama kayo ng mga kaibigan mo. Masayang-masaya kayong nagtatawanan, pero nang tingnan ko ang mata mo, iba ang sinasalamin nitong emosiyon sa ipinapakita mo. May problema ka ba? Kaya ba ganyan na lang kalungkot ang mga mata mo? Hindi mo ba kayang sabihin sa iba 'yang dinadala mong problema?
Dati, napapangiti na lang ako kapag nakikita kitang kumakain. Eh paano ba naman, ang dami mong pagkain sa lamesa ninyo ng mga kaibigan mo. Kaya mo bang ubusin 'yan? Pare-pareho kami ng tanong, ang pinagkaiba nga lang namin ay hindi ko kayang itanong sa'yo 'yon. Confident ka namang tatango-tango nalang nang hindi mo magawang magsalita dahil may laman ang bibig mo.
Dati, akala ko hanggang dito na lang ako. Hanggang tingin na lang sa'yo mula sa malayuan. Hanggang tingin na lang sa mga ngiti mong hindi ako ang dahilan. Hanggang rinig nalang sa mga tawa mong kaibigan mo ang may dahilan. At hanggang sa sarili na lang ang mga nais kong sabihin dahil alam kong wala akong pag-asa sa'yo.
Pero, nagkamali ako.
Totoo nga palang mapag-laro ang tadhana dahil hindi ko inaasahang mapapansin mo rin ako. Hindi ko na kailangan pang humanap ng dahilan para mapansin mo.
Napagmamasdan na kita ng malapitan. Alam mo na ang tungkol sa nararamdaman ko, mali ako sa inakala ko noon na baka pagtawanan mo lang ako. Dahil hindi ka ganoong klase ng babae, ibang-iba ka. Malinaw pa sa ala-ala ko kung ano ang naging reaksiyon mo ng aminin ko sayo ang nararamdaman ko. Malinaw na malinaw pa sa ala-ala ko ang pamumula ng pisngi mo at ang unti-unting pagkurba ng mga ngiti sa labi mo.
Hindi ko na kailangan pang dumaan sa room niyo para masilayan pa ang mga ngiti mo. Dahil ngayon, halos araw-araw na tayong magkasama at ako na rin ang nagbibigay ng dahilan para ngumiti 'yang namumutla nang labi mo.
At hindi gaya ng dati na naririnig ko lang ang mga tawa mo na mga kaibigan mo ang may kagagawan. Dahil ngayon, nagagawa na kitang patawanin sa pamamagitan ng mga jokes at kwento ko. Malinaw pa rin sa pandinig ko ang mala-musikang tawa mo, hindi nakakasawa at kahit kailanma'y hinding-hindi ko pagsasawaan.
Ngayon, napapangiti ka sa akin habang buong ingat kitang sinusubuan. Hindi ka kasi kumakain kapag ibang tao ang nagpapakain sayo, gusto mo na ako lang lagi ang nandiyan para sayo.
Oo, masaya ako na nahahawakan na kita, napapangiti at napapatawa.
Pero, bakit sumusuko ka na?
Madalas ka ng tulala.
Madalas na kitang nahuhuling umiiyak.
Tandang-tanda ko pa kung gaano mo ako niyakap ng mahigpit non, "Nahihirapan na ako, Shawn." parang tinusok ng milyong-milyong karayom ang puso ko. "H-hindi k-ko na k-kaya," humihikbing bigkas mo.
Wala akong makuhang mga salita na dapat sabihin sayo ng mga oras na 'yon. Sa halip ay niyakap kita ng mahigpit. Hindi ko na rin mapigilang maluha dahil hindi ko na kaya pang pigilan ang emosiyong matagal ko nang itinatago sa'yo.
Bakit kailangang sa kanya pa mangyari 'to? Kung pwede ko lang akuhin ang lahat ng sakit na nararamdaman niya, gagawin ko. Sa araw-araw na magkasama kami, nasasaksihan ng dalawang mata ko kung paanong nangayayat siya kaysa sa mga nagdaang araw. At sa araw-araw na magkasama kami, matinding pagpipigil ng emosiyon ang ginagawa ko dahil nasilip ko na ang katotohanan.
Pero mali bang umasa pa rin ako? Mali ba na umasa akong may himalang mangyayari at gagaling ka diyan sa sakit mo?
Ngayon, hindi mo na magawa pang ngumiti at tumawa kahit ano pang nakakatawang kwento ang sabihin ko.
Ngayon, malinaw na sa akin na kung sino pa 'yung taong minsang nagbigay sayo ng matinding kasiyahaan noon, ay siya pang makapagpapadama sayo ng matinding kalungkutan.
Ngayon, nandiyan ka lang naman sa harapan ko pero, sobrang sakit makita ang kalagayan mo,
"Bakit ka sumuko?"