Hindi ko mapigilang mapangiti habang nakatitig ako sa mukha niya. Mahabang oras siguro ang iginugol ni Papa God sa paggawa sa kanya. Eh paano ba naman, parang wala manlang kahusga-husga sa kanya! Parehong panlabas at panloob na anyo niya ay maganda. Sino nga naman ang hindi mahuhulog sa kagaya niya.
Nanlaki ang mga mata ko nang lumingon siya sa akin at nagtama ang paningin namin. Hindi ko magawang mag-iwas ng tingin at tila ba napako sa kanya ang tingin ko. Ilang segundo din kaming nagkatitigan bago ako nag-lakas loob na putulin ito.
Bakit kailangang makipagtitigan ka sakin ha, Kurt? May balak ba siyang patayin ako sa kilig?
"Class dismissed," yun lamang at lumabas na si Miss.
Mabilis pa sa alas-kwatro na humarap sa akin si Mitch. "Tara sa park, may sasabihin ako sayo." kinikilig-kilig pang hinatak niya ako palabas ng room.
Nang marating namin ang park ay tumalon-talon pa siya sa harapan ko. "Anong nangyayari sayo?" nagtatakang tanong ko.
Hindi pa rin mawala ang malaking ngiti sa labi niya, "Kanina," hindi niya magawang ituloy ang nais na sabihin dahil sa sobrang kakiligan.
"Kanina?" tanong ko.
"Kanina nagkatitigan kami ni Kurt!" masayang pagpatuloy niya. Madami pa siyang sinabi pero tila hindi ko 'yon naririnig at wala akong maintindihan kahit isa.
Nagkatitigan sila ni Kurt? A-akala ko.. Oo, nasa harap ko nga naman kasi 'tong si Mitch, pero sa akin siya nakatingin kanina diba? Napayuko ako. Oh baka naman nag-a-assume lang ako, at hindi talaga siya sa akin nakatingin. Siguro 'yun nga. Natawa pa ako sa isip-isip ko. Sino nga namang magkakagusto sa akin? Eh hindi naman ako kagaya nitong ni Mitch. Lahat ng nanaisin mo sa babae, nasa kanya na. Anong laban ko sa kanya? Eh isang ordinaryong babae lang naman ako, at hindi pa kagandahan.
"Fai? Nakikinig ka ba?" dun lang ako natauhan.
"A-ah, ano nga ulit 'yon?" nagtatakang tumingin siya sa akin pero agad din 'yon napalitan ng ngiti.
"Diba nagkakausap kayo ni Kurt?" tanong niya na tinanguan ko lang. "Pwede bang," nagpa-cute pa siya sa harapan ko. "Pwede bang sabihin mo sa kanya kung pwede kaming lumabas ng kami lang?" Hindi ko nagawang tumugon, ni hindi ko alam kung paano ako mag-re-react. "Sige na! Please! Please! Please!" inalog-alog niya pa ang balikat ko. "Please Fai?"
"O-oo, s-sige." Wala naman akong magagawa kundi pumayag nalang diba?
"Yay! You're the best, Fai!" niyakap niya pa ako ng mahigpit dahil sa sobrang saya.
Pagtapos non ay bumalik na kami sa room para tapusin ang mga susunod pang subject. At sa mga oras na lumilipas ay wala akong maintindihan sa bawat sinasabi ng nasa harapan pati na rin ang mga nasa paligid ko. Ano ba 'tong pinaggagagawa ko? May gusto ako kay Kurt pero mas pinapahalagahan ko ang pagka-kaibigan namin ni Mitch, dahil siya lang ang nag-iisang tao na talagang itinuturing ako na kaibigan.
Siguro tama 'tong naging desisyon ko na mapalapit sila sa isa't-isa. Oo, tama lang 'to. Hindi lang naman siya ang lalaking mamahalin ko pa, 'di ba? Marami pa namang lalaki diyan. At hindi rin naman ako umaasa na mayroong magkakagusto sa akin.
Pumayag ako na maging tulay nilang dalawa. Mas pinili kong isantabi ang nararamdaman ko kay Kurt at mas pinahalagahan ang pagkakaibigan namin ni Mitch. At eto ako ngayon, sa araw-araw na makikita ko silang nag-uusap ay may kirot akong nararamdaman sa puso ko. Bakit siya, Mitch? Bakit kailangang sa kanya ka din magka-gusto? Hindi na rin ako magtataka dahil ganon ka sa halos lahat ng babae. Maraming nahuhulog sa parehong itsura at ugali mo.
Pero, napapansin ko, sa tuwing nag-uusap kayong dalawa ni Mitch. Bakit parang wala sa kanya ang atensiyon mo? Bakit parang may hinahanap ka? Bakit parang hindi ka masaya na nag-uusap kayong dalawa ng babaeng may nararamdaman sayo? At nang minsang magtama ang paningin natin habang nag-uusap kayo ay eto na naman ang puso ko. Dapat ko nang tigilan 'to, 'di ba? Pero bakit ganito pa din? Bakit sa tuwing magtatama ang paningin natin ay nagwawala pa rin 'tong puso ko? Siguro nga hindi ko talaga kayang pigilan 'to at habang buhay ko na mararamdaman 'tong sakit.
Pero bakit? Anong ginawa mo? Bakit umiiyak ngayon sa harap ko si Mitch? At bakit nasasaktan akong makita siyang umiiyak ng dahil sayo? Ano bang ginawa mo, Kurt? Eto ba 'yung sinasabi nila na mahilig ka magpa-iyak ng babae? Hindi ako naniwala sa mga sabi-sabi noon pero eto na ngayon at nangyari na mismo sa harapan ko. Umiiyak ang kaibigan ko ng dahil sayo.
"Ano bang nangyari, Mitch?" Kahit anong gawin kong pagpatahan sa kanya ay wala ring saysay.
"May mahal na daw siyang iba," mabilis na nangunot ang noo ko at tanging inis lang ang naramdaman ko sa mga oras na 'to.
May mahal naman na pala siyang iba pero bakit hindi niya pa agad sinabi sa kaibigan ko? Hinayaan niya pa talaga na umasa ito sa kanya.
At dahil don ay kinausap kita nung uwian. Tinanong pa ako ni Mitch kung bakit hindi ako sasabay sa kanya kaya agad kong sinabi ang dahilan ko. Sinubukan niya pa akong pigilan pero buo na ang desisyon kong kakausapin kita ngayon. Tayong dalawa nalang ang naiwan sa room at tila nagpapakiramdaman.
"Bakit kailangang patagalin mo pa, Kurt? Umasa tuloy sayo 'yung kaibigan ko," pagbasag ko sa katahimikan.
Hindi siya sumagot at tahimik lang na nakatingin sa mukha ko.
"Kung may mahal ka naman na palang iba, edi sana una pa lang sinabi mo na sa akin para hindi ko na siya pinalapit pa sayo. Pakiramdam ko tuloy kasalanan ko na nasasaktan siya ngayon kasi ako 'yung naging tulay niyong dalawa. Tapos ganito? Hindi mo naman pala siya kayang saluhin dahil mayroon ka nang hinihintay na mahulog para 'yun 'yung saluhin mo?" Tuloy-tuloy na pagsasalita ko pero kagaya ng kanina, wala akong tugon na narinig sa kanya.
"Nagmumukha na akong tanga ngayon, alam mo ba 'yon?" nakasimangot na sabi ko. Magsasalita na naman sana muli ako pero hindi ko 'yon naituloy dahil lumapit siya sa akin. At na-estatwa ako sa kinatatayuan ko nang ipinatong niya ang ulo niya sa balikat ko.
May ibinulong siya pero tama lang ang lakas non para marinig ko.
"Kasalanan ko bang nahulog ako sa'yo?" Agad na nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi niya.
Hindi ko alam kung ano ba ang dapat na maramdaman ko. Dapat ba akong matuwa dahil nalaman kong may gusto ka din sa akin, o dapat akong malungkot dahil matagal ko nang alam na may gusto sa'yo ang kaibigan ko?