Bakit Ganyan Kayo?

6 3 0
                                    

Hintayin niyo at papatunayan ko sa inyo na hindi ako kagaya ng iniisip niyo.

Ako lang ba? Ako lang ba ‘yung babae na bawat galaw o kilos ko, napupuna? Masama ba na mag-suot ako ng mga damit na gusto ko? Masama ba na paligayahin ko ang sarili ko sa pamamagitan ng pagiging totoong ako? Nag-suot ako ng magandang damit, may nasabi kaagad kayo. Hindi ba pwede na hayaan niyo na lang ako dahil ‘yun ang gusto ko? Lahat ng tao pwedeng suotin kung ano ang gusto nila, hindi ba? ‘Yun nga lang, naiiba ako. Kasi bawat suot ko ng damit, napupuna niyo agad.

Ako lang ba? Ako lang ba ‘yung babae na sa murang edad, nakarinig na ng mga salitang hindi kanais-nais? Ano nga ulit ‘yung sinabi niyo sa akin? Na maaga akong mabubuntis? Pambihira nga namang talaga. Masama ba na umarte ako ayon sa gusto ko? Masama ba na maging ako? Dahil sa araw-araw akong lumalabas noon para makipag-laro ay nasabihan ako ng mga ganyang salita. Talaga ngang pambihira, hindi ba?

Ako lang ba? Ako lang ba ‘yung babaeng sinabihan na ‘wag akong mangarap dahil malayong mangyari ‘yon? Masama bang mangarap? Masama ba na ibahagi ko sa inyo ang pangarap kong ‘yon? Lagi na lang kayong kontra sa bawat gusto ko. Lahat na lang pinupuna ninyo. Hindi ba pwede na suportahan niyo na lang ako gaya ng pag-suporta niyo sa pinsan ko?

Kung noon, hindi ko pa masyadong iniisip ang mga salitang binibitawan niyo sa akin. Ibahin niyo ngayon, nagkaka-isip na ako. Hindi na ako gaya ng dati na walang kamuwang-muwang sa bawat masasakit na salitang binibitawan niyo. Ngayon, bumalik sa isip ko ang lahat ng salitang ‘yon. Nakakatawa lang na sa murang edad kong ‘yon ay napagsalitaan na ako ng mga ganon.

Pero, hanggang ngayon ay ganyan pa rin kayo. Ganyan pa rin kayo sa akin.

Laging ako ang masama. Sa bawat galaw o kilos ko, malandi ang tingin niyo sa akin. Kahit nga ang pag-suot ko ng matitinong damit, malandi pa rin ang tingin niyo. Lagi na lang. Nakakasawa na. Lahat ginawa ko na para hindi ganon ang maging tingin niyo sa akin, pero walang nagbago.

Tuwing mag-aayos ako ng kaunti, malandi na agad ako sa paningin niyo. Kapag mayroon kaming lakad ng mga kaibigan ko, malandi ako sa paningin niyo. At pati na rin ang pag-tawa ko, malandi sa paningin niyo. Hindi ko na alam kung saan ba dapat ako lulugar. Gusto kong lumugar kung saan walang ganito. Gusto kong lumugar kung saan walang nagsasabi sa akin na malandi ako. Gusto kong lumugar kung saan masaya ako.

Ngayon, nakakaramdam ako ng saya tuwing magsusulat ako ng mga istorya. Talagang masaya ako at naisipan kong ibahagi sa inyo ang naging kasiyahan ko. Kaso, ganon pa rin ang nasabi niyo.

Malandi ako. At puro kalandian ang lahat ng istorya ko.

Paanong naging malandi ang pagsusulat ng istorya? Nang sabihin niyo sa akin ‘yon, nagsimula na akong tanungin ang sarili ko kung dapat ko na bang itigil ‘to. Dapat ko na bang itigil ang pagsusulat ng istorya? Masama ba ‘to? May mali ba sa mga istoryang naisulat ko? O ang pang-intindi niyo ang mali?

Kung hindi niyo lang alam, talagang dinadamdam ko ang mga salitang binibitawan niyo. Kung mukha man akong walang pakialam sa bawat sasabihin niyo, iba ang ipinapakita ng mga luha ko kapag ako na lang mag-isa.

Pero alam niyo ba? Sa kabila ng lahat ng ‘yon, nagpapa-salamat pa din ako. Kasi ang mga salitang ‘yon ang gagawin kong lakas para harapin ang mga pag-subok sa kinabukasan. Gagawin kong tulay ang mga salitang ‘yon papunta sa mga pangarap na minsan ko nang ibinahagi sa inyo.

Pero, sa huling pagkakataon, tatanungin ko kayo..

bakit ganyan kayo?

made up lives.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon