Hindi ‘to pwede. Sa mata ng lahat ng tao, mali ‘to. Hindi dapat ako mahulog sa‘yo.
Alam ko naman sa sarili ko na mali ‘tong namumuong nararamdaman ko para sa‘yo, pero bakit ganito? Bakit patuloy pa rin ‘to? Bakit nahuhulog pa rin ako sa‘yo? Dapat ko ‘tong pigilan. Hindi tama ‘to.
Ayaw ko na mahulog sa‘yo. Hindi ko na mabilang kung ilang beses ko nang sinabihan ang marupok na puso kong ‘to. “Please lang, ‘wag kang mahulog sa kanya.” Alam ko at alam ng lahat na hindi tama ‘to. Pero, hindi ko magawang turuan ang puso ko na hindi mahulog sa‘yo.
Hindi ko alam kung bakit ganito. Wala ka namang ginagawang kakaiba, pero bakit ganito na lang ang nararamdaman ko para sa‘yo? Malaki ang pinagkaiba mo sa lalaking tipo ko, pero bakit ganito? Bakit hindi ko mapigilan ang puso kong mahulog sa‘yo?
Tuwing titingin ako sa mukha mo, mukha ng taong mahal ko ang nakikita ko. Kaya siguro ganoon na lang ang nararamdaman ko para sa‘yo. Pero, hindi tama ‘to. Hindi dapat ako mahulog sa‘yo.
Lingid sa kaalaman ko na mayroon ka nang minamahal na babae, at isa ‘yon sa dahilan kung bakit hindi dapat ako mahulog sa‘yo. Ilang beses ko nang sinabi sa sarili ko na mali ‘tong pesteng nararamdaman ko sa‘yo. Mali ‘to. Maling-mali ‘to. Hindi dapat ako mahulog sa‘yo, hindi ba? Dahil bukod sa katotohanang mayroon ka nang kasintahan,
ikaw ang kakambal ng namayapang boyfriend ko.