‘Yan ka na naman.
Nasa kanya na naman ang tingin mo. Nasa kanya na naman ang atensiyon mo. Palagi nalang siya. Puro nalang siya. Pero, wala naman akong iba pang magagawa kung hindi ang tingnan kang nakatitig sa kanya dahil hindi naman ganoon kalakas ang loob ko para sabihin sa‘yo na ako naman.
Ako naman.
Ako naman ‘yung laging nandiyan para sa‘yo, hindi ba? Ako ‘yung laging nandiyan kapag may problema ka. Ako ‘yung laging nandiyan sa mga oras na masaya ka. Ako ‘yung naging sandalan mo, hindi ba? Pero, bakit hindi mo magawang ituon sa akin ang atensiyon mo? Hindi ba pwede na ako na lang? Hindi ba pwede na sa akin ka na lang mahulog?
“Pansinin mo naman ako.”
Nagulat ako nang bigla na lamang ‘yon lumabas sa bibig ko. Nakita ko pa kung paanong kumunot ang noo mo nang ibaling mo sa akin ang tingin mo. “Ano nga ulit ‘yung sinabi mo?” ‘yan ang mga salitang itinugon mo. “Wala ‘yon,” siya namang tugon ko. Nginitian mo lang ako at muli na namang ibinalik sa kanya ang tingin mo. ‘Yun na ‘yon? Alam ko na narinig mo kung ano ang sinabi ko. Pero, sadya nga talagang wala kang nararamdaman para sa akin, kaya ganon mo na lang kadaling isinawalang-bahala ‘yon ano? Mula sa‘yo ay inilipat ko ang tingin ko sa babaeng iniibig mo. Tuwing titingin ako sa kanya ay kusa na lang nitong pinapaalala ang mga bagay na wala ako,
dahil lahat ng ‘yon ay nasa kanya na.
Hindi nga talaga kita masisisi kung bakit ganoon mo na lang siya minahal. Maraming nagkaka-gusto sa kanya dito sa eskwelahang pinapasukan natin, pati na rin sa iba pang eskwelahan. Kilala kasi talaga siya, hindi lang dahil sa maganda siya, kundi dahil na rin sa kabutihan ng loob niya. Doon pa lang, wala na ako. Aaminin ko na hindi ako kagandahan, ang masama pa doon, hindi rin kagaya ng kabutihan niya ang mayroon ako.
Mayaman siya at nabibili ang kung anong gusto niya, pero hindi siya kagaya ng ibang tao na matapobre. Hindi niya ipinangangalandakan na mayaman siya, itinatanggi niya pa nga ito kung minsan. Ayaw niya kasi na mataas ang tingin sa kanya, “Pare-pareho lang naman tayo,” ‘yan ang minsan ko nang narinig na sinabi niya.
Marami kaming pinagka-iba. At hindi ko maitatanggi na talagang lamang siya sa akin sa lahat ng bagay. Kaya siguro, ganoon na lang ang nararamdaman mo para sa kanya. Talaga nga naman kasing kahanga-hangang babae siya. Alam mo ba, minsan, hiniling ko na sana kagaya niya rin ako.
At sana ako na lang.
Kasi, malay mo. Kung kagaya niya ako ay sa akin ka mahulog. Malay mo, kung pareho kami sa lahat ng bagay ay ako ang mahalin mo. Pero, malabong mangyari ang bagay na ‘yon.
Pero sana, mapansin mo pa rin ako.
Sana kahit minsan, ako naman. Sana kahit minsan, tungkol naman sa akin. Sana minsan, ako naman ang pag-usapan natin. Sana minsan, sa akin ka naman tumingin. At sana minsan, ako naman ang isipin mo.
Alam ko na malabong magkaroon ka ng nararamdaman para sa akin. Pero, pansinin mo naman ako.