Magkahalong kaba at saya ang nararamdaman ko habang papunta sa lugar kung saan tayo madalas nagkikita. Pinapunta mo ako dito dahil may mahalaga kang sasabihin sa akin, at kinuha ko na ang chance na ‘to para sabihin na rin sayo ang dapat na malaman mo.
Busy ka sa pag-ta-type sa cellphone mo kaya kailangan pa kitang tawagin para malaman mo ang presensya ko. Nakangiti kang nag-angat ng tingin sa akin at masayang hinawakan ang mag-kabilang braso ko.
“Ang saya-saya ko!” nagtatalon ka pa dahil sa saya. Napangiti naman ako dahil talagang nakakahawa ang sayang nakikita ko sayo. Ano bang meron? “Kami na ulit ni Hannah!” kasabay ng malakas na pag-ihip ng hangin ang pag-bagsak ng mundo ko.
“A-ano?” Hindi pa rin napo-proseso sa isip ko ang sinabi mo.
“Nagka-balikan na ulit kami ni Hannah, boom!” tinawag mo pa ako sa tawagan nating dalawa. “Kinausap niya ako kahapon at sinabing mahal niya pa rin ako. Hindi pa rin ako makapaniwala, basta ang alam ko, masaya ako na kami na ulit!” Makikita talaga sa mga mata mo ang sayang nararamdaman mo.
Hindi ko alam kung ano ang dapat na sasabihin ko. Hindi ko alam kung ano ba ang dapat na maging reaksiyon ko sa lahat ng mga sinabi mo.
Bumalik sa isip ko ang lahat. Nung panahong umiiyak kang pumunta sa bahay namin dahil nakipag-break sayo si Hannah. Ako kasi ang takbuhan mo kapag may pag-aaway kayo. Nagulat pa ako ng halikan mo ako non, at hindi sinasadyang may mangyari sa ating dalawa.
Pero, ano ‘to ngayon? Sinasabi mo sa akin ngayon na nagka-balikan kayo ni Hannah? So, wala na ako? Ako ‘yung laging nandiyan para sayo. Ako ‘yung kasama mo sa lahat ng bagay-bagay. Ako ang laging umiintindi sayo. Tapos ganito?
“Ano nga pala ‘yung sasabihin mo sa akin?” natauhan ako nang itanong mo sa akin ‘yan.
Kailangan mo ‘tong malaman.
“Travis——”
Sabay kaming napatingin sa cellphone niya nang tumunog ‘yon. Sinagot niya sa harapan ko ang tawag kaya narinig ko ang lahat ng sinabi niya.
“Yes, hon. I'll be there in a moment,”
What? No! Kailangan mong marinig ang dapat na sasabihin ko.
Pinutol mo ang linya at nakangiting humarap sa akin, “Next time nalang, boom. Pinapapunta ako ni Hannah sa kanila eh,” akmang aalis ka na pero pinigilan kita sa pamamagitan ng pag-hawak sa kamay mo.
Tumingin ka pa muna doon bago ka nag-angat ng tingin sa akin.
“Pakinggan mo muna ako,” pigil ang luhang pakikiusap ko pero ganon na lang ang panlulumo ko nang alisin mo sa pagkaka-hawak ko ang kamay mo.
“Sorry, pero kailangan ako ni Hannah. Next time na lang, ok?” ‘yun lang at tuluyan ka nang umalis sa harapan ko.
Hindi ko magawang gumalaw sa kinatatayuan ko na para bang na-estatwa ako doon. Patuloy lang sa pag-tulo ang mga luhang pilit kong pinigilan pero hindi ko na kinaya. Dahan-dahang bumaba ang tingin ko at nang dumapo na ito sa tiyan ko ay lalo akong napahikbi.
“Sorry baby, hindi na nagawang pigilan ni mommy si daddy.”