“Ang kulit mo talaga, nakakainis ka!” talagang inis na sigaw ko kay Troy. “Sinabi nang wag mong pakialaman ‘yan eh!” inis na inagaw ko sa kanya ang ginawa kong sulat para kay Enzo.
“Hindi ko pa naman nababasa ‘yan,” pa-inosenteng usal niya. “Pero, bakit hindi mo nalang siya tanungin nang harapan?” Agad na nag-init ang magkabilang pisngi ko tsaka ko siya masamang tiningnan.
“Nakakainis ka talaga!” padabog akong lumabas ng room at ramdam ko ang pagsunod ng tingin niya pero wala na akong pakialam.
Ang kulit niya na masyado, hindi na ‘ko natutuwa. Nakakainis kaya kapag nagiging sobrang makulit siya. Hindi siya nakikinig sa mga sinasabi ko, at talagang sinasadya niya pa minsan. Ganto rin ba siya kay Tita? Jusko.
Nang makarating ako sa school park ay tumingin ako sa papel kung saan isinulat ko ang hindi ko ma-sabi sabi sa taong gusto ko. Pero dahil sa biglang lumakas ang ihip ng hangin at dahil na rin sa katangahan ko, nabitawan ko ang papel at inilipad ito. Ako naman ay mukhang tangang hinahabol ito kung saan ‘man ito babagsak. Nakahinga ako ng maluwag nang tuluyan na itong bumagsak, at pupulutin na sana ‘yon pero mayroon nang naunang pumulot non.
Agad akong napatingin sa kung sinong kumuha non at ganon na lang ang gulat ko nang makitang si Enzo ‘yon. Nagtatanong na tumingin siya sa akin bago inilipat ang tingin sa papel. Ibubuklat niya na sana ito pero agad ko siyang pinigilan.
“Wag! Akin ‘yan!” Hindi ko alam kung paano kong nagagawang tumingin ng deretso sa mga mata niya.
“Mind me taking a peek?” mabilis akong tumango. “Okay then, here." Nakahinga ako ng maluwag ng iaabot niya na sa akin ang papel, at kukunin ko na sana ‘to pero agad niyang iniangat ang kamay niya. “Kapag nakuha mo,” nginisihan niya pa ako.
“What?! Ibigay mo nga sakin ‘yan!” Pilit kong inaabot ang papel pero mas matangkad siya sa akin kaya hindi ko ‘yon maabot. “Come on, Enzo. Ibigay mo na sa‘kin ‘yan.” Sumuko na ako sa pag-abot dahil malabong mangyaring maabot ko ‘yon.
“Sumusuko ka na agad? Okay, babasahin ko na ‘to.” Pipigilan ko pa sana siya pero mabilis na naiangat niyang muli ang papel tsaka ito binasa. Oh crap. Hindi ko magawang mag-angat ng tingin sa kanya dahil sa sobrang kahiyaan, kaya naman hindi ko nakita ang reaksiyon niya nang mabasa niya ‘yon. “So,” paunang salita niya pero hindi pa rin ako nag-aangat ng tingin. Tumikhim pa siya, “7:00pm, sa harap ng clock tower.” Mabilis na nag-angat ako ng tingin at gulat na tumingin sa kanya. Mabilis naman siyang nag-iwas ng tingin, “Mauuna na ‘ko, see you.” ‘yun lang at umalis na siya sa harapan ko.
Tama ba ‘yung pagkakaintindi ko? Pumayag siya na dalawa lang kaming pupunta sa gatherings mamayang gabi? Naglo-loading pa rin sa isip ko ang sinabi niya habang tinatanaw ko siya na unti-unting mawala sa paningin ko.
Ibinaba ko ang tingin ko sa paahan ko at unti-unting kumurba ang ngiti sa labi ko bago ako impit na sumigaw dahil sa kilig. Tinakpan ko pa ang bibig ko upang pigilan ito, tsaka ako huminga ng malalim. “Okay, easy ka lang, Aya.” pagpapa-kalma ko sa sarili ko. “Tanoshimi,” ngumiti pa ako bago ako umalis sa kinatatayuan ko.
/Tanoshimi- I'm looking forward to it/
“Saan ka galing?” bungad na tanong agad sa akin ni Troy. “Tsaka, anong nginingiti-ngiti mo diyan? Nababaliw ka na?” dinaanan ko lang siya at umupo sa pwesto kong nasa likod lang ng kanya.
“Well,” I even flipped my hair, habang siya naman ay napatingin lang sa buhok ko bago muling ibinalik sa akin ang tingin. “Pumayag siya,” Di ko mapigilang ngumiti.
“Pumayag?” naguguluhang tugon niya. “Yung Enzo?” tumango-tango naman ako at hindi pa rin nawawala ang ngiti sa mga labi. “Eh pa’no ako?” kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya.
“Anong pa’no ka?”
“Sinong kasama ko?” kita sa mga mata niya ang pagkalungkot.
“Aba malay ko sayo, ang dami-dami mong kaibigan bakit hindi sila ang isama mo?” Kinuha ko ang chocolate bar na nasa bulsa ng bag ko at kumagat nito.
“Eh gusto ko ikaw ‘yung kasama ko,” nag-pout pa siya.
“Ano ka ba? Eto na nga ‘yon eh, makakasama ko na si Enzo nang kami lang tapos gaganyan ka pa?” inikutan ko pa siya ng mata.
“Tayo na lang,”
Hindi ko nagawang tumugon at napatitig lang ako sa mukha niya.
“B-bahala ka, basta kaming dalawa ni Enzo ang magkasama mamayang gabi.” Mas lalo pa siyang nanlumo.
“Hindi na lang ako pupunta,” tinalikuran niya na ako at yumuko sa lamesa niya.
Wala akong maisip na itugon sa sinabi niyang ‘yon. Hindi ko naman pwedeng itapon ‘tong opportunity na ‘to kasi minsan lang ‘to dumating. Minsan ko lang makakasama si Enzo ng kaming dalawa lang. Samantalang etong si Troy, araw-araw ko namang nakakasama. At talagang masaya ako dahil pumayag si Enzo na kaming dalawa ang magkasama mamayang gabi.
Sana bumilis ang pagdaloy ng oras dahil hindi na ako makapaghintay!
Seriously? He's already 10 minutes late tapos wala pa din siya dito? Kahit anino niya, wala akong nakikita.
Baka naman na-traffic lang, Aya. Just wait for him.
It's already 8pm, and still, no signs of him. Hindi ko naman siya magawang i-text dahil hindi ko alam ang number niya. Darating kaya siya? Umupo ako sa malapit na bench. Baka naman namali lang ako ng pagkakaintindi? Pero, anong ibig sabihin niya sa ‘see you’?
No. Just wait a little bit more, Aya.
Medyo kakaunti na lang ang tao pero eto pa rin ako, naghihintay kay Enzo. Hindi ko na napigilan ang mga luha ko at umiyak habang nakaupo sa bench. Bakit ba kasi umasa pa akong dadating siya?
Habang umiiyak ako ay bigla nalang pumasok sa isip ko ang mukha ni Troy. Inilabas ko ang cellphone ko at tinawagan siya, agad niya naman ‘yong sinagot.
“Oh? Diba busy kayo ng Enzo na ‘yan? Ba’t ka tumawag?” at dahil don, napahikbi na naman ako. “Bakit ka umiiyak? Sa sobrang saya ba niyan, naiiyak ka? Tumawag ka para——”
“Hindi siya sumipot,” sisinghot-singhot na pagputol ko sa kadaldalan niya.
Sandaling nanahimik siya bago muling nagsalita, “Hintayin mo ‘ko diyan,” bago niya pinutol ang linya.
Wala pa mang ilang minuto ay nandito na agad siya sa harapan ko, simpleng short at t-shirt lang ang suot niya pero malakas pa rin ang dating nito. Iiling-iling siyang lumapit sa akin, “Tingnan mo nga ‘yang sarili mo,” inilabas niya pa ang cellphone niya at itinapat sa akin ang camera.
Lantad ngayon sa harapan ko kung ano ang itsura ko, namamaga ang mga mata, namumula ang pisngi at ilong dahil sa pag-iyak.
“That’s crying Aya for you,” tumawa pa siya.
Pinindot niya ang button at kinuhanan ako ng litrato pero isinawalang bahala ko ‘yon at niyakap siya. Ramdam ko ang pagka-gitla niya dahil sa ginawa ko, “H-hoy,” usal niya.
“Nakakainis ka,” at mas lalo ko pang hinigpitan ang pag-yakap sa kanya.
Nang magawa niyang bumawi mula sa pagka-gitla ay tumawa siya at gumanti ng yakap bago nag-salita,
“Mas nakakainis ka, kasi mas pinili mong sumama sa lalaking hindi ka naman sinipot kaysa sa pinsan mo.”