Imaginary Friend

9 11 0
                                    



"Shanaya, anak?" Agad akong humarap kay Mommy na nagtatakang tumingin sa akin at sa kabuuan ng kwarto ko. "May kausap ka ba?" nakakunot ang noong tanong niya sa akin.

"Ah wala po," ngumiti pa ako sa kanya.

"Ganon ba? Bumaba ka na at kakain na.”

"Sige po, bababa na din ako." tumango sa akin si Mommy bago tuluyang isinarado ang pintuan ng kwarto ko.

Pumangalumbaba naman ako sa kama ko at tumingin sa kanya. "Bakit ba kasi ako lang 'yung nakakakita sa'yo?" tanong ko.

Agad siyang napasapok sa mukha at dumapa din sa kama ko. "Ang kulit mo talaga," bahagyang itinabingi niya pa ang ulo niya. "Hindi ko nga rin alam kung paanong nakikita mo ako," hindi ako tumugon at tumitig lang sa mukha niya. "Wag mo nang titigan ang mukha ko dahil alam ko naman nang maganda ako," Ako naman ang tumabingi ang ulo ngayon, na-adapt ko na kasi sa kanya ang gawi niyang 'yon. "Bumaba ka na nga doon, ako pa tuloy ang natatakot sa'yo eh."

Tumawa naman ako, "Ikaw pa talaga ang may ganang matakot sa akin ah?"

"Ang weird mo kasi, kaya siguro ikaw lang ang nakakakita sa akin eh." tugon naman niya.

Bumangon na ako sa pagkaka-dapa at tiningnan pa muna siya bago ako lumabas. Nang tuluyan akong makababa ay pumwesto na agad ako sa upuan ko.

"Uhm, mommy?" pagtawag ko sa kanya, tumingin naman siya sa akin at naghihintay ng mga susunod pang sasabihin ko. "Naniniwala po ba kayong may mga taong nakakakita ng mga tao o bagay na hindi nakikita ng karamihan?" tumagilid pa ang ulo ko.

"Naniniwala. Pero, anak, minsan kasi, ang sariling imahinasiyon na rin ng tao ang gumagawa ng mga bagay na 'yon. Halimbawa na lang kapag may taong sobrang pinangugulilaan mo, sariling imahinasiyon mo ang gagawa ng paraan para makita ang taong ‘yon. Pwede rin na sa pamamagitan ng panaginip na‘tin sila mag-pakita.”

Hindi na ako sumagot at tahimik na lang na nag-patuloy sa pagkain. Nang matapos ako ay umakyat na agad ako at nagtungo sa kwarto ko. Sinilip ko pa muna kung ano ang ginagawa niya.

Nagtaka pa ako nang makitang umiiyak siya habang may hawak na kung ano. Bumaba ang tingin ko sa hawak niya at nakitang litrato namin 'yon ng kambal ko. Nang tuluyan na akong pumasok ay mabilis niyang pinunasan ang mga luha niya at ipinatong muli sa table ang picture na 'yon.

Kinuha ko namang muli ang litratong 'yon at nakangiting pinakatitigan. "Siya 'yung kambal ko," pinilit ko pang ngumiti sa kanya, siya naman ay nakayuko lang. "Lagi kaming mag-kasama sa lahat ng bagay. Sa oras man ng kasiyahan o ng kalungkutan. Siya ang best friend ko. Kaso nga lang," huminto ako at tiningnan ang mukha ng katabi ko sa litrato. "Wala na siya," nangingilid ang luhang pag-patuloy ko. "Iniwan niya na ako," hindi ko na napigilan pa ang mga luha ko.

Nang mag-angat ako ng tingin sa kanya ay nakatingin na din siya sa akin. Inilapit ko ang mukha ko papalapit sa kanya at marahang ipinagdikit ang noo naming dalawa. Tsaka ‘ko pinilit ang sariling ngumiti at nag-salita,









"Kamukhang-kamukha mo siya."

made up lives.Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon