"Naku, basta ikaw... go lang," nais kong sabihin sa isip-isip ko.
Nang abutin ko ang walis, tila ba may kuryenteng dumaloy sa aking kaiburan matapos kong madaplisan ng hawak ang kaniyang kamay. Syaks, para akong hihimatayin nang dilat sa aking kinauupuan.
Grabe, hindi ko talaga makakalimutan ang araw na 'to. Dapat pala hindi na 'ko nagpakipot at sinadya ko ng hawakan ang kaniyang kamay para winner talaga. Sayang, dapat talaga itinodo ko na.
"Girl, gusto mo rin si Fafa Joash, 'no?" bungad ni Gina. Hindi ko namalayang umupo pala siya sa tabi ko pagkaalis ni Joash sa silid namin.
Nagulat ako sa tanong niya. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba ang totoo o dapat kong itatwa. Baka isipin ni Gina na feelingera ko. Nakakahiya.
"Hindi, ah," kabado kong sagot. Isang malawak na ngiti naman ang isinukli niya sa akin.
"Kung hindi, bakit mahigpit pa rin ang pagkakahawak mo riyan sa walis?" aniya.
Dali-dali kong binitiwan ang hawak kong walis matapos niyang sambitin ang mga katagang 'yon. Hala, hindi ko namalayan na mahigpit na pala ang pagkakahawak ko sa walis. Mistulang mahuhuli ako ni Gina sa sikreto ko, a.
"Okay lang 'yan, girl. Normal lang naman sa ating mga babae na magkagusto sa mga guwapong lalaki. Dagdag points pa ang pagiging mabait ni Joash kaya i-expect mong marami kang kahati sa kaniya," saad niya.
Bumalik na muli ang lahat sa kaniya-kaniyang gawain. Tila nga si Joash ang pinag-uusapan nila. Kami ni Gina, nakaupo lang dito at naghuhuntahan.
"Oo naman, alam kong marami akong karibal sa kaniya. Hello? Sino ba naman ako para mabigyang pansin niya. Hanggang pangarap na lang yata na magugustuhan niya 'ko," turan ko.
"At isa pa, nakakahiya sa inyo. Tiyak na may nakapansin na literal akong nangarap nang gising habang magkaharap kaming dalawa," dagdag ko pa habang nakayuko nang bahagya at nakanguso.
Hindi ko alam kung bakit ako nagkukuwento ngayon kay Gina e 'di naman kami close. Magaan ang loob ko sa kaniya kaya siguro hindi na 'ko nagdalawang-isip.
"Huwag kang mag-alala, wala namang pakialam kanina ang boys. Nagpapantasya rin ang iba nating kasama kaya hindi ka dapat mag-alala," pahayag ni Gina. Ang lumanay ng kaniyang tinig, a.
"Ibig sabihin, hindi ka nagpapantasya kay Joash kaya mo 'ko napansin?" tanong ko dulot ng kuryosidad.
Umiling-iling siya. "Diyan ka nagkakamali," ligalig niyang sambit.
"Magaling lang akong makiramdam saka in-obserbahan ko kasi ang mga kilos mo pagkatapos niyang iabot sa 'yo 'yung walis kaya ko nalaman. Tapos, nakumpirma ko ngayon," dagdag niya pa habang nakangisi.
"Nadali mo 'ko ro'n, ah..." ani ko.
"Naman," sagot niya sabay hawi sa kaniyang buhok.
Matapos naming magkuwentuhan ni Gina ay bumalik na kami sa aming gawain. Masigla akong nagwawalis sapagkat si Joash ang huling tumangan sa walis na hawak ko. Kung puwede ko lang sana 'tong iuwi gagawin ko.
Makalipas ang ilang oras, natapos na rin kami sa lahat ng aming gawain. Nakakapagod pero at the same time, na-enjoy ko naman. Hindi nga namin napansin na alas singko na pala.
Habang nag-aayos ako ng aking gamit, biglang lumapit sa akin si Gina.
"Morixette, mauna na 'ko sa 'yo. Thank you sa time," aniya.
"Naku wala 'yon. Sa 'yo nga ako dapat magpasalamat kasi bukod sa nagkaroon ako ng bagong kaibigan, na-enjoy ko pa ang pagiging cleaners," tugon ko nang may ngiti sa aking labi.
BINABASA MO ANG
No More Rhyme
Teen FictionHindi ko siya gusto no'ng una dahil alam kong hindi kami magtutugma. Pero loko-loko talaga ang tadhana. Ngayon, ayaw ko na siyang mawala.