Pagkarating namin sa loob ng bahay ay nagbihis na 'ko agad at nagpalit ng pantulog. Si Agatha ay nandoon sa may sala habang nakikipaghuntahan kay Ate Ginny. Naka-night shift pa rin si Nikka at wala pa rito sina Ate Roxette at Kuya Mark, baka na-traffic at mamaya pa makakauwi.
Nahiga na 'ko sa aking higaan matapos kong makapag-ayos. Sulit naman ang araw na 'to, masaya. Na-meet ko ang daddy nina Kairus at Ate Kailee at naka-bonding ko rin 'to. Bukod doon, naibahagi ko pa sa kanila ang talento ko sa pagluluto. Napaisip tuloy ako, mas okay siguro kung related dito 'yung kukuhanin kong kurso sa kolehiyo.
Hindi pa kasi ako nakakapagdesisyon patungkol doon. Habang maaga sana, dapat alam ko na kung ano ang kursong kukuhanin ko para hindi pa pahirapan. Apat na buwan mula ngayon, magbubukas na ang eksaminasyon sa Unibersidad na nais kong pasukan. Kailangan kong makapasa roon para makalibre ako pag-aaral.
Sina Tim at Marion kaya? Ano kaya ang kursong kukuhanin nila? Hindi pa namin napag-uusapan ang tungkol doon. Ma-open nga 'yon sa kanila minsan. Sa gitna ng aking pagninilay-nilay, naisipan kong magbukas na muna ng social media account. Baka kasi may importanteng anunsyo sa school o 'di kaya sa mga subject namin kaya agad kong tinungo ang messenger.
Agad na bumungad sa 'kin 'yung chat ni Marion kaya agad ko 'yong binuksan. Nakangiti pa 'ko nang pindutin ko 'to pero gayon na lamang ang kaba ko nang i-send niya sa 'kin 'yung litrato kina Kairus. Selfie 'yon kanina bago kami kumain. Saan niya naman 'yon nakuha? Hindi tuloy ako mapakali lalo pa't may kaakibat na shock at sad emoji ang message niya sa 'kin. Hala, galit na kaya sa 'kin si Marion?
Dali-dali akong nag-reply sa kaniya na mag-usap kami bukas para makapagpaliwanag ako. Hindi na siya naka-online, thirty three minutes ago pa. Nakaramdam tuloy ako ng lungkot, ayaw kong mag-away kami nang dahil lang kay Kairus. Isasara ko na sana ang messenger ko nang pumukaw sa 'kin ang chat ni Tim kaya naman binuksan ko 'to.
"Walang lakad mamaya si Marion, kinansel niya para masamahan ka niya kina Joash. Isa pa, na-flat ulit 'yung gulong ng tricycle ko kaya sasama na lang din ako sa inyo," saad ni Tim.
Napasapo na lamang ako sa aking bibig dahil nakalimutan kong ngayon nga pala idadaos 'yung birthday ng mommy ni Joash. Bakit ba hindi ko tinangkang buksan ang cell phone ko kanina? Hala, sinayang ko ang pagkakataon. Kung hindi lang sana ako nilagnat at naging abala na tumulong sa kusina ay tiyak na maaalala ko ang event na 'to. Tila ba nawala ang saya na nadarama ko kanina.
Agad kong pinatay ang cell phone ko at itinabi ko 'to sa aking uluhan. Mayamaya pa, sabay na nagbagsakan ang mga luha mula sa 'king mata. Hindi ko alam kung tumuloy pa sila gayon pa't wala akong paramdam. Dumapa na lamang ako para hindi mabigat sa pakiramdam. Ayaw ko ring makita ng kung sinuman sa kanila na umiiyak ako kapag umakyat na sila sa kuwarto.
---
Maaga akong pumasok para abangan si Marion sa school. Kailangan naming mag-usap bago magsimula ang klase. Tiyak naman na sabay sila ni Tim kaya doon ko sila hinintay sa madalas nitong pag-parking-an ng tricycle.
Twenty minutes bago magsimula ang klase namin ay dumating na sila. Laking pasasalamat ko dahil hindi sila na-late kaya may time pa para ipaliwanag ko kay Marion ang mga nangyari.
"Una na 'ko sa inyo," saad ni Tim pagkababa niya. Tumango naman ako bilang tugon bago siya naglakad palayo.
Si Marion, nakaupo pa rin siya sa loob ng side car kaya ako na ang pumasok at niyakap ko siya agad nang mahigpit. Hindi ko maipinta ang kaniyang mukha dahil alam kong masama ang loob niya sa 'kin.
"Marion, sorry. Hindi ko agad nasabi sa 'yo na magkakilala na kami ni Kairus. I mean nakakapag-usap. 'Yung kaibigan ko kasi ay kaibigan 'yung Ate niya kaya naimbitahan ako sa kanila. Alam kong gusto mo si Kairus at wala naman akong balak na agawin siya sa 'yo..." litaniya ko. Best actress lang ang peg ko dahil may kasama pang luha habang binibigkas ko ang mga katagang 'yon.
"Kailan pa?" malamig niyang tanong. Humiwalay ako sa pagkakayakap niya dahil sa tanong niyang 'yon.
"Kailan ang alin?" nagugulumihanan kong tanong.
"'Yung ugnayan na mayroon kayo..." aniya.
Kinuha ko na muna ang panyo sa aking bulsa at pinunasan ang aking mga luha. Nagpakawala muna ako ng isang buntong-hininga bago ko sinagot ang tanong niya.
"Nitong nakakaraan lang. Kung kailangan ko siyang layuan at huwag kausapin, gagawin ko. Mas mahalaga sa 'kin ang pagkakaibigan natin kaya mapatawad mo pa sana ako," turan ko habang nangungusap ang aking mga mata.
Sampung segundo na naging tahimik ang paligid. Pawang hinihintay ko ang sasabihin niya. Kamukatmukat, nagpakawala siya ng isang ngiti sabay pitik sa aking kanang pisngi.
"Gaga ka talaga," sambit niya sabay yakap sa 'kin. Nang marinig ko 'yon mula sa kaniya, naiyak ako nang bahagya dahil sa kaligayahan. Alam kong hindi na siya galit sa 'kin.
"Kung anuman ang ugnayan na mayroon kayo ni Kairus, wala naman akong magagawa roon. Isa pa, sino ba ako para kontrolin ang emosyon mo? Hello, crush at gusto ko lang naman si Kairus pero kung ikaw ang gusto niya, magpaparaya ako," aniya. Akala ko, dito na magtatapos ang pagkakaibigan namin. Hindi ko akalain na ganito pala umunawa si Marion kahit na puro kaetchosan ang alam niya.
"Isa pa, mas masaya pa nga ako kung iyon ang iyong ikaliligaya. Babae ako, noong lumapit siya sa 'tin, alam kong ikaw ang pakay niya at hindi ako. Doon pa lang, nagkaideya na 'ko. Pero matanong lang, may namamagitan na ba sa inyo? You know, may kumakalat 'di ba na tsismis na may bago siyang pinopormahan... ikaw ba 'yon?" pahayag niya.
Nasamid tuloy ako nang bahagya sa tanong niya. Siguro, ito na 'yung pagkakataon para hindi na ako maglihim pa. Masuwerte ako dahil nakatagpo ako ng totoong kaibigan. "Sabi niya, liligawan daw niya 'ko. Naalala mo ba 'yung kinain nating chocolates? Sa kaniya galing 'yon," panimula ko.
"Kabogera ka ng taon, girl!" saad ni Marion sabay hila sa buhok nang nakakaloko.
"Heto pa, ipinakilala niya pa nga ako kahapon sa daddy niya na nililigawan niya. Girl, kilig to the bones kahit papaano," dagdag ko pa.
"Hindi ko kinakaya ang chika mo, girl! Lunes na lunes, ang dami mong pasabog!" giit niya habang hinahawi-hawi ang buhok ko.
"Totoo, alam mo, girl... hindi ko naman siya gusto, at alam mo 'yon. Pero may mga pagkakataon na kinikilig ako sa kaniya at hindi ko maipaliwanag ang aking nararamdaman," turan ko.
"Hala ka, pag-ibig na ang tawag d'yan. Pero paano na si Fafa Joash na crush na crush mo?" anas niya.
"Isa pa 'yan sa problema ko, hindi ko na talaga alam. Feeling guilty pa nga ako dahil hindi ako nakapunta sa birthday party ng mommy niya. Ano bang nangyari kahapon? Natuloy ba kayo ni Tim?" wika ko.
"Ay wit, hindi kami tumuloy. Hindi ka nga sumasagot sa chat namin kaya paano pa kami pupunta? Kaya lang naman kami inimbita dahil sa 'yo," tugon niya.
"OMG! Hindi kaya... gusto ka na rin ni Joash?" eksaheradang sambit ni Marion.
"Huwag ka ngang ganiyan, mas lalo mo lang pinagugulo ang isipan ko. Kailangan kong humingi ng tawad sa kaniya dahil hindi ako nakapunta kahapon," saad ko pa.
"Much better, kayong dalawa na lang ang mag-usap." Pitong minuto na lang at malapit nang magsimula ang aming klase kaya niyaya ko na siyang bumaba para maglakad patungo sa aming silid.
Habang naglalakad kami, sumagi bigla sa isip ko ang litratong s-in-end sa 'kin ni Marion kaya agad ko 'yong itinanong sa kaniya.
"Girl, saan mo naman nakuha 'yung litrato ng selfie namin with his fam?" mapang-usisa kong tanong.
"Ay, hindi ba kayo friends sa FB? Nag-post siya sa myday niya kaya ko 'yon nakita. Alam mo naman ako, dakilang fan niya na laging nakasubaybay sa mga post niya," pahayag niya.
"Hindi, e. Loko talaga 'yon, hindi man lang sinabi sa 'kin na ipo-post niya. Sana pala, nagtakip ako ng mukha," saad ko.
Syaks! Kung nag-post siya sa myday niya, tiyak na nakita na 'yon ng mga friends and followers niya! Panibagong suliranin na naman 'tong kahaharapin ko.
BINABASA MO ANG
No More Rhyme
Teen FictionHindi ko siya gusto no'ng una dahil alam kong hindi kami magtutugma. Pero loko-loko talaga ang tadhana. Ngayon, ayaw ko na siyang mawala.