Nakasilay lamang ako sa jeep habang papaandar ito palayo. Hindi ko mapigilan ang aking kaibuturan na nagdiriwang sa sobrang saya. Parang sasabog ang kaloob-looban ko kapag hindi ko 'to pinakawalan.
Nang malayo na ang jeep, hindi ko na napigilan pa ang aking sarili. Napatalon ako sa aking kinatatayuan na parang kantatara. Napapadyak pa 'ko sa sahig dahil sa sobrang tuwa.
"Self, nag-ba-bye sa 'yo si crush! Oh my!" sambit ko sa aking sarili.
Palundaglundag pa 'ko habang naglalakad pauwi. Hindi ko talaga makalilimutan ang araw na 'to. Syaks talaga, masyadong mapagbiro ang tadhana.
Pagkarating ko sa amin, naabutan ko si Ate Ginny na nakaupo sa sala habang nagdududutdot sa kaniyang cellphone.
"Ate Ginny, hindi ka maniniwala sa sasabihin ko sa 'yo. Nagka-moment kami ni crush!" maligaya kong balita. Napatigil siya sa kaniyang ginagawa at mistulang na-excite rin siya sa tinuran ko.
"Really? Wow, dapat lang na magdiwang ka," aniya. Dali-dali kong ibinaba sa sahig ang aking gamit at tumabi ako sa kaniya.
"As in, hindi ako makapaniwala. 'Yung mahawakan ko lang 'yung kamay niya e panalo na 'ko ro'n, e. Nagkakilanlan pa kami tapos sabay kaming umuwi at magkatabi pa sa jeep," sabik kong kuwento.
"Ay, winner ka talaga riyan, Morx. Biruin mo 'yon, pinagdaupa kayo ng tadhana sa araw na 'to. Kumusta? Malambot ba ang kamay niya?" nakangising tanong ni Ate Ginny.
"Oo, Ate. Super lambot, para ngang gusto kong hawakan nang paulit-ulit. Sa susunod talaga, pagtututupin ko ang mga kamay namin. Syaks, heaven 'yon," saad ko habang bumubungisngis dulot ng kilig.
Napahampas tuloy bigla si Ate Ginny sa aking braso na tila ba kinikilig din sa aking kuwento.
"Ayan, kalandutay. Na-miss ko 'to sa 'yo noong panahong tinutukso pa kita kay Eder," ani Ate Ginny. Natawa tuloy siya nang pagak matapos maalala ang nakaraan.
"Naku, Ate, past is past. Natuldukan na ang nararamdaman ko kay Eder," sambit ko habang may pa-hand gesture pa ako ng no no no.
"Well, kung hindi tinanggal ang kaniyang alaala, tiyak kong may chance kayong dalawa. Kunwari lang 'yon na hindi ka gusto, hindi lang kasi siya expressive, sayang," komento ni Ate Ginny.
"Kalimutan na natin 'yon. Sadyang hindi lang talaga kami nakatadhana sa isa't isa. Malay natin, si Joash na pala ang inilaan para sa akin," saad ko. Nakasilay lang ako sa may ilaw sa kisame habang umiikot sa aking isipan ang kaniyang mukha.
"Aba, Joash pala ang name. Mukhang cute siya, ah. At saka kilala kita, hindi ka naman magkakagusto agad sa puchuchu," turan ni Ate Ginny habang nagtataas-baba ang kaniyang mga kilay.
"Huwag ka ngang ganiyan, Ate Ginny. Kenekeleg teley eke lele," pabebe kong sambit sabay hawi sa aking buhok.
"Kitams, natumbok ko. Ano naman ba ang nagustuhan mo sa kaniya?" pang-uusisa niya.
"Bukod sa singkit niyang mata, mabait talaga siya. Hindi lang 'yon, matalino, masipag, at mabait. Para ngang hindi siya mapupulaan, e," ani ko.
"Ay iba rin. Ang perfect naman ng prince charming mo. Ikaw na, mukhang win win win ka kapag nagkatuluyan kayo," wika niya.
Tumunog bigla ang cellphone at mistulang mahalaga ang kaniyang natanggap na mensahe kaya agad niya 'yong ni-reply-an. Gayunpaman, halatang interesado pa rin siya sa pinag-uusapan namin.
"Sinabi mo pa, Ate. At hindi lang 'yon, ibinayad niya pa 'ko at nag-ba-bye siya sa akin! Syaks talaga, Ate Ginny, ang suwerte ko ngayong araw na 'to," ligalig kong pahayag. Hindi ko napigilan ang aking sarili at bahagya kong nalamutak ang kaniyang kanang braso.
"Hindi mo nga maitatanggi ang kilig, dama ko girl," komento niya.
"Anong kilig-kilig naman ang pinag-uusapan ninyong dalawa?" bungad ni Agatha pagkarating niya galing trabaho.
"Heto kasing si Morx, pumapag-ibig. Alam mo naman ang mga dalaginding," tugon ni Ate Ginny.
"Aba, kilala ko ba 'yung lalaki, Morx?" malokong tanong ni Agatha. Naupo agad siya sa bakanteng upuan at nakisali siya sa usapan namin ni Ate Ginny.
Bigla akong natauhan sa tanong ni Agatha. Mukhang ang iniisip niya yata ay si Kairus ang kinukuwento ko kay Ate Ginny. OMG! Si Kairus! Naalala ko na naman ang ginawa niya sa 'kin. Hindi ko siya dapat isipin ngayon. Erase, erase, erase.
"Kung si Kairus ang iniisip mo, Agatha, p'wes, hindi siya," saad ko habang nakataas ang kanan kong kilay.
"Ang ganda naman dis girl. Akala ko siya na ang pinag-uusapan ninyo," ani Agatha.
"Naku, hindi ako magkakagusto sa mahangin at mayabang na 'yon. Feelingero pa," turan ko sabay irap sa ere. Napahalukipkip tuloy ako dahil ipinasok ni Agatha si Kairus sa usapan.
"Talaga? Kadalasan kasi, kung sino pa ang hindi natin gusto, doon pa tayo lubos na nahuhulog," seryosong sambit ni Agatha.
"May pinanghuhugutan ka ba, girl?" komento ni Ate Ginny.
"Wala naman. Ang seryoso n'yo masyado que init-init," ani Agatha habang nakamuwestra na mainit at pinapaypayan ang kaniyang sarili gamit ang kaniyang mga kamay.
"Sorry na," ani ko. Agad akong tumayo at ginawa kong tres ang buga ng electric fan. Pagkabalik ko sa aking upuan, si Agatha naman ang nagkuwento.
"Nakaka-stress ang earthquake drill kanina sa office. Mula 25th floor hanggang sa may ground floor, kailangan naming maghagdan. Ang sakit sa paa, hindi ko kinaya," panimula ni Agatha.
"Agatha, hindi bagay sa 'yo ang mag-joke ng ganiyan. Tigil-tigilan mo nga 'yan," pantutuya ni Ate Ginny.
Bahagya akong nag-loading do'n. Oo nga pala, peke lang ang mga paa ni Agatha kaya hindi 'yon sasakit. Ang slow ko ro'n, ah.
"Oo na, hindi ako magaling sa ganiyang bagay. So heto na nga, galing ako kina Kailee at nakatuwaan naming kumain sa kanila dahil half day lang kami. Hindi naman ako sharonians pero nagbalot na rin ako ng pagkain dahil sayang naman, ang dami naming sobra," aniya.
Napabunghalit si Ate Ginny ng tawa dahil sa kinuwento ni Agatha. Hindi ko alam kung ano ang irereact ko kasi wala naman akong narinig na nakakatawa sa sinabi ni Agatha.
"Agatha, mukhang kailangan mo ng magpa-member as sharonian dahil mapapadalas ang pagbabalot mo ng pagkain sa tuwing magkakainan kayo kina Kailee," tatawa-tawang sambit ni Ate Ginny.
"True," sagot ni Agatha na tumatawa na rin. Napaapir pa sila sa isa't isa at tila sila lang ang nagkakaintindihan.
"Guys, ano'ng nakakatawa?" nagugulumihanan kong tanong.
"Ayan, na-OP tuloy si Morx. Hindi maka-relate ang mga millenials. Sige, ako na ang magpapaliwanag," ani Agatha habang nagpupunas ng nangilid niyang luha dahil sa katatawa.
"May kanta kasi si Sharon Cuneta, 'yung balutin mo ako sa liwanag ng iyong pagmamahal, ganern. Madalas ginagamit ang term na 'to kapag nagbabalot ng pagkain mula sa handaan. Gets na ba?" paliwanag ni Agatha.
"Ah, okay. 'Yon pala 'yon," saad ko.
Isa-isang inilabas ni Agatha sa loob ng kaniyang bag ang sobra nilang pagkain kanina. Makakatipid kami ngayong hapunan.
"Oo nga pala, may nagpapabigay sa 'yo nito," bulalas ni Agatha sabay labas ng isang toblerone at tatlong kisses. Agad niya 'yong iniabot sa akin.
"Hala, nag-abala pa si Ate Kailee. Pakisabi na lang na salamat!" turan ko.
"Hindi naman galing kay Kailee 'yan. Pinabibigay 'yan sa 'yo ni Kairus. Liligawan ka raw niya," pahayag ni Agatha.
Nanlaki bigla ang mga mata ko. Ano na naman ba ang nakain ng lalaking 'yon at may pa-chocolate pa siyang nalalaman? Nahihibang na ba siya?
"Yieee, ang haba naman ng hair. May manliligaw ka pa ngayon," komento ni Ate Ginny.
Tila ba nakaramdam ako ng pag-iinit sa aking pisngi. Nakakahiya kina Ate Ginny at Agatha ang pinaggagagawa ni Kairus.
"Ayan na nga ba ang sinasabi ko. May gusto ka rin kay Kairus. Namumula ka, o," panunukso ni Agatha.
"Hindi, 'no," pagtanggi ko. Napatakip tuloy akong bigla sa aking mukha.
BINABASA MO ANG
No More Rhyme
Teen FictionHindi ko siya gusto no'ng una dahil alam kong hindi kami magtutugma. Pero loko-loko talaga ang tadhana. Ngayon, ayaw ko na siyang mawala.