Pagkarating ko sa tindahan ni Aling Dina, marami na ang taong bumibili sa kaniya at tila ba hindi na siya magkandaugaga.
Araw ng palengke ngayon, natapat pa na linggo kaya dagsa rin ang mga tao na kagagaling lang sa simbahan.
Tuwing sabado at linggo lang naman ako pumapasok kay Aling Dina para may extra pera din akong magamit lalo na't magbabalik na muli ako sa eskuwela. Pero kapag maaga naman akong nakauwi, ume-extra ako sa palengke.
Hindi naman tumutol doon sina Ate Rox kahit alam niyang kay Aling Dina rin nagtatrabaho si Eder. Support lang siya sa akin, may sarili naman daw akong desisyon at nandiyan lang siya para suportahan ako.
Sulit na rin ang 350 pesos per day. 8 am to 5 pm lang naman nagtitinda si Aling Dina. Nagbabaon ako ng lunch, may pa-merienda naman siya minsan.
Kaya noong alukin ako ni Aling Dina na maging katulong niya rito sa palengke, hindi ako nagdalawang-isip na um-oo dahil sa dalawang kadahilanan.
Una, pandagdag allowance ko na rin sa eskuwela at pambayad na rin sa kung anu-anong school stuffs. Pangalawa, s'yempre dahil kay Eder. Monday-Wedenesday-Thursday-Sunday siya tumotoka rito sa palengke kaya tiyak na makikita ko siya ngayon.
"Aling Dina, pasensiya na kung na-late ako. Okay lang po ba kayo rito?" pambungad ko habang nilalaro ang aking mga daliri sa kamay.
"Wala iyon, malakas ka sa akin, e," aniya.
Tinuruan naman niya ako kung paano ang kada-kilo sa manok at baboy. Hiwa-hiwa naman na ang mga ito. S'yempre, isa si Eder sa taga-katay ni Aling Dina.
Nakakatuwa rin dahil tinuruan niya ako kung paano maggiling ng baboy at kung paano gumawa ng longganisa. Feeling prinsesa ako ng palengke dahil marami ang bumibili sa amin kapag ako ang nagtitinda. Nahawaan na yata ako ng karisma ni Agatha.
"Miss, isang kilo nga ng pakpak ng manok saka kalahating kilo ng giniling," ani ng isang nanay.
Agad naman akong kumilos para ibigay ang order ni nanay.
"Maraming salamat po sa pagbili. Balik po kayo ulit," sambit ko pagkaabot ng pinamili nito. Isang ngiti naman ang itinugon nito sa akin.
Mayamaya pa, bigla kong nasilayan ang paparating na si Eder. May buhat-buhat siyang baboy na kakatayin. Para siyang si Machete sa aking paningin dahil sa kakisigan niyang taglay. Nagkakasala ako dahil sa katawan niyang mapanukso. Hindi ko maiwasang hindi iyon tingnan, masyadong mapanukso.
"Dalawang kilo nga ng paa ng manok, Miss."
"Miss?"
"Morixette, may bumibili," saad ni Aling Dina pagkatapos akong kalabitin.
"Ay sorry po, heto na..."
Abala rin kasi si Aling Dina sa pagbebenta sa ibang kostumer. Mabuti na lang at mabait ang ale at hindi ako sinigawan.
"Pasensiya na po ulit, salamat po," turan ko sa babae pagkaabot niya sa akin ng bayad.
Kamukatmukat, nakita ko si Eder na may kausap na babae. Naging abala lang ako saglit, may haliparot ng lumapit sa kaniya.
Si Sally, ang anak ng tindera ng isda. Limang dipa ang layo ng kanilang tindahan mula sa tindahan ni Aling Dina.
Wala naman silang ibang ginagawa kundi ang magkuwentuhan lang pero nagseselos ako. Hindi kasi ngumingiti si Eder kapag ako ang kausap niya.
Hindi ko rin alam kung ano ang pinagkukuwentuhan nila. Kung puwede lang sanang lumapit ako sa kanila at makisingit e ginawa ko na kaso hindi puwede.
"Miss, pata nga ng baboy," ani ng isang kostumer.
Alam ko sa sarili ko na naiirita ako pero nandito ako ngayon sa trabaho kaya naman isinantabi ko na muna ang aking paninibugho.
---
Pagkapananghalian, hindi ko na makita kung nasaan si Eder. Umuwi yata sa kanila para kumain. Parang wala tuloy akong ganang kumain dahil sa nasaksihan ko kanina.
Hindi naman kasi pinapansin ni kinakausap noon ni Eder si Sally. Parang ako lang din kasi iyon, kaso mas mahinhin siya sa akin. Oo, maganda siya. Medyo lamang siya sa akin doon.
"Hindi yata maganda ang mood mo ngayon? May nangyari ba sa inyo?" saad ni Aling Dina habang kumakain kami.
"Wala naman po. Hindi lang po ako natuwa sa nakita ko kanina," tugon ko.
Nagbaon ako ng isang de latang corned beef. Wala nang gisa-gisa. Tapos bumili lang ako ng ten pesos na kanina sa may kanto kanina.
Si Aling Dina naman, longganisa ang ulam. Nagluto raw siya kanina sa bahay bago tumungo rito.
"Sina Eder at Sally ba ang dahilan niyan?" seryoso niyang tanong.
"Opo," diretso kong sagot.
"Hindi naman kita masisisi kung umiibig ka..." aniya.
"Bakit po gano'n? Nagseselos ako pero wala namang kami? Hindi ko naman siya pag-aari kaya wala akong karapatan," pahayag ko.
"Hija, natural lang iyan. Hindi naman masama kung nagseselos ka kahit wala namang kayo. Emosyon iyan na dapat lang ilabas," paliwanag niya.
"Ang hirap ng ganito, nakakainis..."
---
Natapos ang oras ko sa palengke pero hindi pa rin natapos 'yung dalawa. Tuwing wala silang ginagawa, lagi silang nagkukuwentuhan.
Kapag ako ang napuno, pag-uuntugin ko ang dalawang iyon para hindi na sila magtigil. Pinapasakit ko lang ang ulo ko sa tuwing tinitingnan ko sila.
"Morixette, umuwi ka na. Mas mabuti kung magpapahinga ka lalo pa't pasukan n'yo na bukas," ani Aling Dina.
"Mas mabuti pa nga po, salamat po ulit..."
Umuwi ako ng bahay nang nanlulupaypay. Dulot iyon ng pagod sa pagtitinda dahil ang dami ng bumibili saka stress dahil sa dalawa na iyon.
Kaagad akong uminom ng tubig pagkapasok sa loob ng bahay dahil nakakauhaw ein pala ang sobrang pag-iisip.
Wala naman akong nababalitaan na nililigawan ni Eder si Sally pero kakaiba ang dating ng pagiging close nila sa akin ngayon.
Hay buhay, minsan ka na nga lang iibig pero masasawi ka pa. 'Di bale, hindi pa naman yata sila kaya may pag-asa pa ako.
"Kumusta naman ang Miss Palengke namin? Mukhang hapong-hapo ka yata?" bungad ni Nikka na nakatayo sa may pintuan.
"Oo nga, e. Ang dami kasing bumibili. Ang hirap talagang kumita ng pera. Hehe," tugon ko.
"Mas mabuti pa, magpahinga ka na muna sa kuwarto. Ako na ang bahala rito," aniya pagkapasok sa loob ng bahay.
"Salamat, Nikka..."
Matapos iyon, tumungo na ako sa kuwarto para matulog. Kailangan ko lang siguro ng pahinga.
BINABASA MO ANG
No More Rhyme
Teen FictionHindi ko siya gusto no'ng una dahil alam kong hindi kami magtutugma. Pero loko-loko talaga ang tadhana. Ngayon, ayaw ko na siyang mawala.