Hindi ko maiwasang itungo ang aking atensiyon sa kalangitan ngayon pa't lumalalim na ang gabi. Kaunti lang ang matatanaw mong bituin at tila nalipasan na ng ningning.
Nakalulungkot din ang simoy ng hangin. Mas lalo ko itong nadama nang ito'y dumampi sa aking balat. Baka umulan pa nito mamaya. Sayang lang at hindi ako nakapagdala ng payong.
Habang naglalakad ako sa daan, unti-unti ko nang nasisilayan 'yung park. Masarap ding magmuni-muni sa lugar na walang aabala sa 'yo. Nakakagaan ng pakiramdam lalo na kapag stress ka sa buong magdamag.
Pagtungtong ng aking mga paa malapit sa bilohabang upuan, agad na bumungad sa aking mga mata ang palaruan. Sa pagkarami-rami ng masisilayan dito sa park, heto pa talaga e 'no? Ang bastos talaga ng tadhana. Ang dami ko na namang nasariwang alaala patungkol dito.
Naka-miss ko si Charlie, oo. Hindi naman basta-bastang mawawala ang mga alaalang nabuo namin. Lumisan man siya, hindi pa rin mawawala ang mga tumatak naming pagsasama. Sabi nga nila, malalaman mo lang ang halaga ng isang sandali kapag ito'y naging isang alaala.
At kagaya ng ipinayo sa akin nina Ate Ginny at Agatha, handa na ako muling umibig. Bata pa 'ko kaya marapat lang na buksan ko ang aking puso para sa panibagong oportunidad.
"Himala yata at nagawi ka sa lugar na 'to," sambit ng isang pamilyar na tinig mula sa aking likuran. Hindi naman ako nagdalawang isip na humarap sa kaniya.
"Lumalabas naman talaga ako ng bahay. Anong tingin mo sa akin, may balak magmongha?" pabalang kong sagot kay Eder nang nakapameywang.
Lumingon siya saglit sa kaniyang likuran bago kumuha ng potato chips na tangan niya at saka niya ito kinain. Nakatingin lang siya sa akin habang ngumunguya.
"Napaano nga pala iyang braso mo?" tanong niya.
"Naku, wala 'to. Dulot lang ng katangahan. Saka malayo naman 'to sa bituka," nakangiwi kong sagot.
"Okay, sabi mo, e," tugon niya na wari mo'y may malalim na iniisip. Hindi ko tuloy naiwasang titigan siya.
Hindi ko nga maintindihan kung bakit ang cute niya ngayon. Siguro, dahil nakasuot siya ng sumbrero? Naka-shirt lang naman siya na kulay puti at itim na shorts. Sakto lang naman ang porma niya.
"Sinisiyasat mo na naman ako. Hindi ka ba nagsasawa sa akin?" pambabasag niya sa katahimikan. Nabalik na 'ko sa aking ulirat at napagtanto ko na naman kung ano ang aking ginawa.
"Ang kapal mo talaga. Gwapo ka ba para pagpantasyahan? May mas gwapo pa kaya sa 'yo sa school," masungit kong tugon. Hindi ko naiwasang pagtaasan siya ng kanang kilay habang nakahalukipkip.
Hindi ko naman inasahan na isang ngiti ang igagawad niya sa akin. Napakunot tuloy akong bigla ng aking noo. Anong kalokohan na naman kaya ang naisip ng isang 'to?
"Sa bibig mo na mismo nanggaling na may mas gwapo pa sa akin doon sa school ninyo. Ibig sabihin, guwapo talaga ako," aniya habang tumataas-baba pa ang kilay.
Doon lang ako natauhan nang mapagtanto ko 'yon. Hindi ko tuloy naiwasang takpan ang aking bibig dulot ng hiya.
"Ayiee, guwapo ako sa paningin niya..." pambubuska niya sa akin.
Sa sobrang hiya ko, parang gusto ko nang magpalamon sa lupa. Kaya ayaw ko nang nabibigla e kasi kung ano-ano ang nasasabi ko. Para saan pa kung babawiin ko 'yon? Syaks!
"Oo na, guwapo ka na. E 'di kinalaki na ng ulo mo 'yan? Hay, wala namang ulan pero bumabagyo rito sa tabi ko," saad ko sabay ikot ng aking mga mata sa ere.
Hindi ko ulit inasahan ang sunod niyang ginawa. Hinagod niya ang aking likod at ginawaran ako ng isang banayad na ngiti.
"Wala namang masama kung hahanga ka sa isang tao. Normal lang naman 'yon."
Nabigla ako sa sinabi niya. Ibig sabihin ba nito, alam niya ng crush ko siya? Syaks talaga!
"Tama ka naman doon, Eder. Masaya kayang magkaroon ng crush kasi nagkakaroon ka ng inspirasyon. At oo, crush kita." Hindi ko napigilan ang aking bibig at nasabi ko ang mga katagang iyon. Kinakabahan tuloy ako sa kung ano ang sasabihin niya.
"Salamat, kasi na-appreciate mo ang itsura ko. Salamat din kasi kahit hindi tayo lubusang magkakilala e napapagaan mo ang pakiramdam ko," malumanay niyang sambit. Hindi nawawala ang ngiti niya sa kaniyang labi. Masaya pa talaga siya sa lagay na 'to 'no?
Feeling ko tuloy, mukha akong clown para sa kaniya. E wala nga akong ginagawa para mapasaya siya. Ano 'to? Makita niya lang ang mukha ko e sasaya na siya? Ay iba.
"Hindi ka ba nasusuya dahil naging crush kita? Ay huwag kang mag-alala, naligwak na kita. May bago na kaya akong crush, bleh," ani ko.
"Grabe sa suya, ah?" aniya sabay pakawala ng paimpit na tawa.
"Nakakatuwa ka lang kasi magaan kang kasama. Kapag inaasar nga kita e parang nakababata lang kitang kapatid," dagdag pa niya sabay gulo sa buhok ko.
Nakaramdam tuloy ako ng kaunting sakit dulot ng nakababatang kapatid lang pala ang tingin niya sa akin. At least, hindi ko na siya crush kaya walang tutulong luha ngayon. Mabuti na lang pala talaga at hindi na lumalim pa. Salamat sa aking mga tagapayo.
"Salamat din dahil parang nakababatang kapatid ang tingin mo sa akin. Kahit na nalaman mong crush kita noon, sana, maging magkaibigan tayo." Iyon na lamang ang lumabas sa aking bibig nang kusa.
"Oo naman, kaibigan," tugon niya at inilahad niya sa aking harapan ang kaniyang kamay. Nakipagkamay naman ako.
May mga tao nga talaga na habang kaibigan lang ang maituturing sa 'yo. Pero kahit na ganoon, masaya ako kasi napalaya ko na talaga ang nararamdaman ko para sa kaniya.
"Nandito ka lang pala, Eder. Kanina pa kaya kita hinahanap," bungad ni Sally. May hawak siyang dalawang plastik na naglalaman ng softdrinks at chichirya. Tila ba napagod siya kakahanap kay Eder dahil sa tumatagaktak niyang pawis sa mukha.
"Aww, sorry. Napansin ko kasing mag-isa rito si Morixette kaya pinuntahan ko," saad nito.
Agad namang naglabas ng panyo si Eder at pinunasan ang mukha ni Sally. Ahh, ang sweet. Nakakainggit tuloy. Kailan kaya ulit ako magkakaroon ng buhay pag-ibig?
"Oo nga pala. Sally, si Morixette," pakilala ni Eder sa akin.
"Kilala ko siya. Nakikita ko siya sa palengke. Nice to meet you, Morixette," wika niya at nakipagkamay sa akin.
Mukha naman siyang mabait. Feeling ko lang siguro na haliparot siya noon kasi crush ko si Eder at nagseselos ako sa paglalambingan nilang dalawa.
"Ibig sabihin ba nito e kayo na?" tanong ko.
Hindi ko maiwasang itanong iyon kasi hindi naman sila magpupunta rito sa park nang magkasama kung wala lang. Idagdag mo pa 'yung softdrinks at chichirya.
"Sa totoo niyan, nililigawan ko pa lang si Sally. Hehe," sagot ni Eder sabay akbay sa dalaga.
"Pasasaan pa't magiging kayo rin naman. Masaya ako para sa inyo," tugon ko.
"Thank you, Morixette!" sagot ni Sally. Kinuha na ni Eder ang bitbit nitong pagkain at saka silang nag-holding hands.
"Ay syaks, kinikilig ako. Ano ba kayo, huwag nga kayo rito sa harapan ko. Baka tumungo rito ang mga langgam!" eksaherada kong sambit.
"Manalig ka lang, Morixette. Darating din ang tamang tao para sa 'yo," ani Sally. Na-tats tuloy ako nang kaunti dahil do'n.
"Nawa'y magdilang anghel ka, Sally. O siya, mukhang nakakaabala na 'ko sa inyo. Uuwi na rin ako at baka hinahanap na 'ko sa bahay," ani ko.
"O sige. Mag-ingat ka sa pag-uwi," ani Eder.
Isang kaway ang aking iginawad bago ko tahakin ang daan patungo sa amin. Kahit na walang pagtingin sa akin si Eder, masaya ako kasi naging magkaibigan kami.
![](https://img.wattpad.com/cover/146497974-288-k127120.jpg)
BINABASA MO ANG
No More Rhyme
Teen FictionHindi ko siya gusto no'ng una dahil alam kong hindi kami magtutugma. Pero loko-loko talaga ang tadhana. Ngayon, ayaw ko na siyang mawala.