Chapter 13

3.3K 142 13
                                    

Hindi ko alam kung tutuloy pa ba ako o hindi. Ang daming naglalarong senaryo sa utak ko. Medyo kinakabahan ako na ewan kaya nag-aalinlangan ako.

Ilang saglit pa, medyo nawala ang ingay na narinig ko at tanging halinghing na lang ang namamayani. Umeekis na ang aking paa at hindi ko na rin mapigilan kaya minabuti kong pumasok na.

Pagkapasok ko sa loob, dalawang babae na nakaharap sa may salamin ang bumungad sa akin. 'Yung isa, may hawak na karayom at tila binubutasan ang tainga ng kasama. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil taliwas iyon sa iniisip ko.

"Miss, may kailangan ka ba?" tanong ng babaeng may hawak na karayom.

Hindi ko namalayang nakatitig pala ako sa kanila at tila pinapanood ang kanilang ginagawa. Natauhan akong bigla nang mapagtanto ko 'yon.

"Ay wala naman, pasensiya na," tugon ko at dali-dali kong tinungo ang bakanteng cubicle sa may bandang dulo.

Nagkukumahog akong umupo sa trono dahil baka pumutok na ang aking pantog. Isang buntong-hininga naman ang aking pinakawalan pagkatapos kong umihi. Ang nakakalungkot lang, walang flush ang inidoro kaya kailangan ko pang lagyan ng tubig ang timba sa may labas para may maipambuhos.

Tumatagaktak pa ang pawis sa aking mukha dahil sa init nang makalabas ako rito sa cubicle. Wala na rin ang dalawang babae kanina, nadumihan pa tuloy nila ang utak ko. Puwede naman nilang gawin 'yon sa kanilang silid, e. Syaks talaga...

Nang malagyan ko ng tubig ang timba, agad naman akong tumungo sa cubicle para magbuhos. Hindi ko naman 'yon pinuno at saka tinantiya ko naman kung hanggang saan lang ang kaya kong buhatin gayon pa't may benda nga ang kanan kong braso.

"Hay," sambit ko matapos 'yon. Ibinaba ko naman ang timba sa may sahig.

Akmang lalabas na ako nang biglang kumalabog ang pinto ng CR at may nagkukumahog na pumasok. Hindi ko na sana 'yon iintindihin kaso nagitla ako sa kanilang usapan.

"Babe, saglit lang naman. Please?" sambit ng isang lalaki. Napatakip bigla ako sa aking bibig dahil baka makagawa ako ng ingay.

"Kinakabahan ako, babe. Baka may makakita sa 'tin," pahayag no'ng babae. Ramdam ko ang kaba sa kaniyang boses.

"Mabilis lang 'to. Ako bahala," ani ng lalaki at tila ba sinimulan na nila ang kanilang gagawin.

Nanlaki ang mga mata ko nang aking marinig ang mga singhap no'ng babae habang nagpapakasasa sa kaniya 'yung lalaki. Hindi ko makayanang marinig ang milagrong ginagawa nila kaya napagpasyahan kong magtatakbo palabas para kunwari hindi ko sila napansin.

Kamukatmukat, lalabas na sana ako nang biglang bumulaga sa sahig ang isa sa pinandidirihan ko.

"Ahh!" Hindi ko naiwasang hindi tumili dahil sa ipis na lapastangan.

Dali-dali kong binuksan ang pinto ng cubicle saka tarantang lumabas. Mas lalo akong nagulat dahil bra na lang ang suot ng babae at sando 'yung sa lalaki. Ang polo at blouse nila ay nakakalat sa sahig.

Hindi ko nakita ang mukha no'ng lalaki dahil nakatalikod siya sa akin. Tanging ang mukha lang ng babae ang nakita ko. Bakas sa kaniyang mukha ang takot dahil tila nahuli ko sila.

"Pasensiya na guys kung naabala ko kayo. Hindi ko sinasadya," sambit ko.

Lalabas na sana ako kaso biglang humarang 'yung lalaki sa aking daraanan at pinigilan ako. Gayon na lamang ang aking pagkabigla nang makita ko ang kaniyang mukha.

"Kairus..." sambit ko sa aking isipan.

Agad na dinampot ng babae ang kaniyang uniporme sa sahig at dali-daling sinuot. Pinulot naman ni Kairus 'yung polo niya at inilagay sa kaniyang balikat. Tila ba natuod ako sa aking kinatatayuan.

"Please, huwag mo kaming isusumbong," turan ng babae. Kita ko ang sinseridad sa kaniyang mata at nararamdaman kong mabait naman siya.

Ngayon ko lang napansin na maganda rin naman 'yung babae kahit wala siyang make up. Medyo magulo ang buhok nito na lagpas nang kaunti sa balikat ang haba marahil sa ginawa nila ni Kairus kanina.

"Huwag kang mag-alala, miss... wala akong balak na magsumbong," malumanay kong tugon.

"O, baka naman gusto mong makisali sa 'min..." pagsingit ni Kairus habang nakangiti nang nakakaloko.

Pakiramdam ko, nabastos ako sa sinabi ni Kairus kaya hindi ko napigilang hindi kumalma.

"Kahit naman ganito lang ako, matino pa rin akong babae. Kalalake mong tao pero wala kang respeto," anas ko.

"Wow, may anghel na ipinadala ang langit," komento ni Kairus. Dahan-dahan siyang humakbang papalapit sa akin.

"Huwag kang mag-alala, hindi matatapos ang school year na 'di nagiging tayo," sarkastiko niyang sambit bago nagpakawala ng isang kindat.

Hindi niya ako hinayaang umalma at agad siyang lumabas ng CR na tila ba walang nangyari. Sumunod din naman ang babae sa kaniya makalipas ang ilang segundo.

"Grabe, ang hangin masyado! Kinulang yata 'yon sa aruga..." saad ko habang nagngingitngit sa inis.

Sa kanilang magkakabarkada na U4yah, si Kairus talaga ang hindi maganda ang ugali. Mababait naman 'yung kaibigan niya pero siya? Urgh! Ang sarap manakal, akala mo naman e siya na ang pinakaguwapo sa school na 'to kung makaasta.

"Hindi pa tayo tapos," mahina kong sambit bago tuluyang lumabas sa CR.

---

Nasira ang araw ko nang dahil sa Kairus na 'yan. Masyadong feelingero, akala naman niya e magugustuhan ko siya. E sa ugali pa lang, walang-wala na siya kay Joash.

Isa pa, mukhang totoo nga ang sinabi ni Marion na wala itong sineseryosong babae. Jusko, hindi ko na siya dapat isipin pa, masakit lang siya sa ulo.

"Sa'n ka galing?" bumungad ni Zerex na nakaupo sa ibabaw ng kama habang nakahalukipkip nang makapasok ako sa loob ng clinic. Nagulat ako dahil hindi ko inaasahan na pupunta siya rito.

"A, sa CR lang. Bakit?" saad ko. Tila ba inosente akong nakatayo sa kaniyang harapan habang ako'y kinikilatis.

"I see. Sampung minuto na kasi akong naghihintay rito, e. Akala ko, umuwi ka na," aniya.

"Naks naman. Salamat," malumanay kong tugon saka tumabi sa kaniya.

"Nga pala, may dala akong pagkain para sa 'yo," wika niya sabay pakita sa akin ng hawak niyang plastik.

Nagningning ang aking mga mata dahil naisipan pa niyang dalhan ako ng pagkain. Pagkakuha ko no'ng plastik, tila ba naglaway ako sa laman no'n.

"Nakakahiya naman sa 'yo. Hindi ka na sana nag-abala pa," pahayag ko. Natuwa ako sa pagkaing ibinigay niya na siopao, tsokolate, chichirya at mineral water.

"Ako nga dapat ang mahiya sa 'yo dahil sa aking nagawa. Bumabawi lang ako uy," turan niya.

"Okay na 'to at wala ka nang dapat na ipag-alala patungkol sa akin. Salamat ulit," ani ko.

Parang ang sarap niyang maging kaibigan. Magaan lang sa pakiramdam kapag kausap ko siya. Tila ba matagal na kaming magkakilala.

"O sige, may pupuntahan pa 'ko. Hindi na rin ako makakabalik dito mamayang uwian. See you na lang bukas," paalam niya pagkatapos tumayo.

"Sure. Ingat," segunda ko bago siya tuluyang umalis.

Ang daming nangyari ngayong araw na 'to. Nakakapagod. Kailangan ko na munang mamahinga kaya napagdesisyunan kong mahiga na lang.

No More RhymeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon