Pagkalagpas nila sa 'min, bigla siyang nagsalita kaya alam kong malapit lang siya sa aking likuran.
"Masarap ba 'yung chocolates? E ako ba, masarap?" Pagkasabi niya no'n, biglang nagtitili si Marion. Hindi magkandamayaw ang loka-loka.
"Yes, Kairus! Mas masarap ka pa sa chocolates!" tugon ni Marion. Ramdam ko ang kilig ni Marion dahil nagpapapadyak pa rin ang kaniyang mga paa sa sahig. Tahimik lang ako at hindi umiimik.
"Maraming salamat!" sagot nito.
"Wahhh!" tili ni Marion. Rinig ko ang mga yabag nila Kairus habang naglalakad palayo.
Parang tangang naglulupasay si Marion sa sahig matapos ang tagpong iyon. Tila inggit na inggit ang ibang babae sa paligid namin.
"OMG, girl! Kinausap ako ni Kairus! Dininig ng langit ang aking panalangin!" masayang sambit ni Marion habang inaayos ang kaniyang sarili.
"Congrats, girl!" bati ko.
"Hay naku, sana sa susunod, friend request ko naman sa FB ang i-accept niya. Win win win talaga, girl! Pakiramdam ko, akin ang araw na 'to," ligalig pa niyang sabi matapos makabalik sa kaniyang upuan.
"At dahil d'yan, lilibre ko kayo mamaya ni Tim ng chicken skin sa labas," dagdag pa niya.
"Ay, gusto ko 'yan, girl. Wala nang bawian," segunda ko.
Nagpapapansin na naman si Kairus. Buti na lang at hindi niya sinabi na galing sa kaniya ang chocolates. Kundi, baka mapag-usapan pa 'ko rito ng mga fan girls niya.
Oo nga pala, bakit kaya hindi nila kasama si Joash? Hindi pa tuloy kumpleto ang araw ko dahil hindi ko pa siya nakikita.
"Marion, may balita ka ba kay Joash? Pumasok ba siya?" tanong ko dulot ng kuryosidad.
"Hindi ko knows, girl. Pero mukhang inspired siya, e. Nag-my day siya kagabi, may kasamang babae," chika ni Marion.
"Ay, weh? Sino naman 'yung girl? Maganda ba? Sexy? Mukhang matalino?" pang-uusisa ko.
Oo, nakaramdam ako bigla ng kalungkutan matapos 'yon banggitin ni Marion. Parang kahapon lang, sabay kaming umuwi tapos may ganito namang rebelasyon ngayon. Ang sakit sa heart.
"Uy, nagseselos. Aminin..." pambubuska ni Marion.
"S'yempre naman, crush ko 'yon, e. Pero mukhang ligwak na 'ko, walang pag-asa. May nanalo na," mapakla kong sambit.
"Grabe ka naman, girl. Para ka namang inagawan ng jowa kung maka-react. Hindi ko pa naman nasasagot ang tanong mo kanina," ani Marion.
"E paano naman kasi, kung makapagkuwento ka, wagas. Iba kasi 'yung dating sa 'kin ng kuwento mo," turan ko nang nakangiwi.
"Sorry na, girl. Alam mo namang masaya lang ako ngayon. So heto nga, oo, maganda 'yung babae. Ang kinis pa ng balat. Sexy? Ay oo, super. Nakakainggit nga, e. Sana sexy pa rin ako pagtanda ko. Matalino? Yes, parang nagmana sa kaniya si Joash," salaysay ni Marion.
Nagka-hint na 'ko kung sino ang pinapatungkulan ni Marion.
"Don't tell me na..." Hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil pinangunahan na 'ko ni Marion.
"Yes, girl. Mommy niya 'yung kasama niya sa picture. Birthday kasi nito kahapon. Happy na?" mapantuyang sambit ni Marion.
"Nakakainis ka, girl. Pinakaba mo pa 'ko kanina. Akala ko talaga ligwak na 'ko, ganern. Birthday pala ni Tita, sayang... hindi ko man lang nabati," ani ko.
"Ay pak, may pa-Tita-Tita agad. Jowa ka na ba, girl?" pang-aalaska ni Marion habang humahagalpak sa pagtawa.
"S'yempre, hindi pa pero do'n din naman patungo 'yon," sagot ko. Ang lakas ng loob kong sabihin 'yon. Feelingera na yata ako ng taon.
BINABASA MO ANG
No More Rhyme
Teen FictionHindi ko siya gusto no'ng una dahil alam kong hindi kami magtutugma. Pero loko-loko talaga ang tadhana. Ngayon, ayaw ko na siyang mawala.