Chapter 22

2K 89 99
                                    

Excited akong makilala si Nikki dahil mukhang magkakasundo raw kami sabi ni Aling Dina. Ibig sabihin, hindi nalalayo ang ugali namin sa isa't isa.

Medyo nakakapagod ang araw na 'to dahil sa dami ng customer. Para akong naubusan ng lakas kabi-kabilang mamimili. Tiyak na lupaypay ako nito sa higaan pagkauwi.

"Morixette, una na kami," turan ni Eder. Kasama niya si Sally na nakakapit sa kaniyang kaliwang braso.

"Sige, ingat kayo," masaya kong tugon. Isang ngiti naman ang itinugon nila sa akin bago sila naglakad paalis.

Wala na ang pait sa aking puso. Masaya ako para sa kanila. Hindi nga talaga si Eder ang nakatadhana para sa akin. Kailan ko kaya siya makikilala?

"Aling Dina, pinapabigay pala ni Nanay 'tong mga talong na naani namin sa aming bakuran kanina," sambit ng isang babae.

"O, Nikki, ikaw pala 'yan. Naku, sabihin mo sa nanay mo na dapat 'di na siya nag-abala pa," turan ni Aling Dina sabay abot sa plastik na tangan ng babae.

Nang marinig ko ang kanyang pangalan, tila ba naging interesado akong makilala siya. Agad ko siyang sinipat mula ulo hanggang paa.

Ang buhok niya ay lagpas balikat medyo sabog-sabog. Nakapambahay lang din siyang damit, simpleng pulang t-shirt at itim na shorts. Tsinelas lang ang suot niya sa kaniyang paa.

"Baka matunaw ako, 'te. Itigil mo na 'yan," pabiro niyang sabi.

"Uy, patawad. Nakakahiya tuloy," ani ko.

"Naku, wala 'yon. Sanay na ko. Saka bagong gising lang talaga 'ko ngayon dahil may inutos sa 'kin si Nanay," aniya.

"Oo nga pala, Morixette, siya si Nikki. 'Yung nakuwento ko sa 'yo kanina," pagsingit ni Aling Dina. "O siya, marami pa 'kong aayusin. Bahala na kayong mag-usap d'yan," dagdag pa niya.

"Uy, nice to meet you!" bati ko sabay abot ng aking kanang kamay sa kaniya.

"Hindi na 'yan uso, 'te. Beso na lang," saad niya sabay tungo rito sa may loob ng stall ni Aling Dina at bineso ako.

"O 'di ba, mas sosyal," sambit pa niya sabay bungisngis nang mahinhin. Napangiti na lang tuloy ako. Base sa nakikita ko at obserbasyon sa kaniya, mukhang magkakasundo nga kami.

"Gusto ko pa sanay makipagkuwentuhan sa 'yo, Nikki kaso kailangan ko ng umuwi at may pasok pa bukas. Ma-chikahan tayo sa susunod," wika ko.

"Bakit sa susunod pa kung puwede naman sa daan habang naglalakad papunta sa sakayan? Pauwi na rin naman na 'ko. Ano, g?" Masigla niyang sambit.

"Aling Dina, mauuna na po kami!" paalam ko at dumiretso na nga kami.

Habang naglalakad, hindi ko naiwasang itanong kung saan siya nag-aaral. Baka kasi pareho lang kami ng eskwelahang pinapasukan.

"Saang school ka pala pumapasok?" bungad ko.

"Hindi uso sa 'min 'yan, 'te. Sa hirap ng buhay, kailangan mong kumayod. Mabuti nga't nakapagtapos pa 'ko sa grade six, e," pahayag ni Nikki.

"Aww, sayang naman ang pagkakataon. Pero gusto mo namang mag-aral kung sakali man?" mapang-usisa kong tanong.

"S'yempre naman, 'te. Sino bang may ayaw?" aniya. "Pero kapag nasa mahirap ka nga talagang estado ng lipunan, wala kang magagawa. Alam mo naman, kailangang tumulong para sa pamilya. Idagdag mo pa na may tatlo akong kapatid na mas bata pa sa 'kin," dagdag pa niya.

"Mahirap para sa 'kin ang desisyon na 'to pero wala akong pagpipilian, e. Dumagdag pa 'yung Ate kong nag-asawa agad kahit disi-nuwebe pa lang. 'Yung pakiramdam na sa akin biglang bumagsak ang mga responsibilidad para matulungan ang pamilya kong makaraos sa buhay... mahirap, 'te," salaysay niya.

No More RhymeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon