Hindi na ako ulit makatulog, nagpapagulong-gulong lang ako rito sa may kama habang iniisip 'yung ginawa ni Kairus kanina. Totoo ba ang isinambit niya at pinapakita niya? O baka naman binibilog niya lang ang isipan ko? 'Yung tipong wala lang siyang magawa sa buhay kaya ginugulo niya ako.
"Haist!" anas ko sabay sabunot sa aking buhok. Naguguluhan na talaga ako, parang kailan lang e para kaming aso't pusa tapos kamukatmukat mo para na siyang nagiging maamong daga. May paghalik pa siya sa pisngi na nalalaman, alam na alam niya talaga ang galawan para makuha ang isang babae.
Pero kung talagang masigasig siya, kailangan niyang paghirapan ang panliligaw sa 'kin bago ko ibigay ang matamis kong oo. Hindi por que guwapo siya e sasagutin ko na agad, bilang isang mahinhin na dalaga, ako'y magpapakipot na muna. Mahirap maging marupok, sa huli... bago ako lang din ang magsisi.
Naku, tiyak na hindi ito kakayanin ni Marion kapag ikinuwento ko sa kaniya ang mga ito. Fan-ey pa naman siya ni Kairus at alam kong patay na patay siya rito. Medyo kinabahan ako nang slight at baka masabunutan ako ng gaga kong kaibigan kapag nalaman niyang nililigawan ako ng pantasya niya. Magagalit kaya siya sa 'kin?
Sinampal ko nang bahagya ang aking kanang pisngi para matauhan. Iwinaglit ko na muna sa aking isipan ang patungkol doon. Hindi naman siguro siya magagalit kung sasabihin ko sa kaniya at 'di ko isisikreto. Ayaw kong masira ang pagkakaibigan namin, ayaw ko nang maulit ang nangyari dati.
"Uy, aminin... gusto mo rin si Kairus kaya papayag kang magpaligaw, tama?" sambit ng aking konsensiya. Natampal ko tuloy ang kaliwa kong pisngi nang dahil doon. Napabangon tuloy ako sa aking higaan at napaupo sa ibabaw ng kama.
May pagtingin na nga ba ako kay Kairus? Gusto ko na ba siya?
---
Nagising ako dahil sa sikat ng araw na tumatama sa aking mukha. Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata at bahagya ko itong kinusot. Nang mapansin kong tirik na tirik na ang araw ay bumangon ako. Bahagya lang akong nag-inat-inat bago ko inayos 'yung aking pinaghigaan.
Bumalik na sa dati ang aking lakas, sinipat-sipat ko ang aking noo at leeg at napansin kong wala na akong lagnat.
"Thank you, Lord," sambit ko. Nag-usal lang ako ng maikling panalangin bago ako lumabas patungo sa may kusina. Alam ko kasing gutom na ako dahil nagpapahiwatig na ang tiyan ko.
Pagkarating ko roon, nadatnan ko ang isa sa mga kasambahay nila Kairus na naghuhugas sa may banggera. "Magandang umaga po," bati ko rito.
"Tanghali na, hija," aniya. Napakunot ako bigla ng noo nang sambitin niya 'yon. Nagpalinga-linga ako hanggang sa makita ko ang orasan sa may dingding. Napatakip na lamang ako ng aking kamay sa aking bibig matapos 'yon.
Oh my! Ala una y kinse na! Masyado akong napuyat kakaisip kanina, siguro ay inabot ako ng alas singko ng umaga bago ako ulit nakatulog. Bakit kaya hindi man lang ako ginising ni Agatha? Speaking of Agatha, wala yata sila rito ni Ate Kailee, wala kasi akong naririnig na maingay, e.
"Manang, nasaan po si Agatha at Ate Kailee? Para po kasing hindi ko ramdam ang presensiya nila rito," ani ko.
Tapos na ring maghugas si Manang at nagpunas na muna siya ng kamay bago niya sinagot ang tanong ko.
"Pagkatapos nilang kumain, umalis agad sila para bumili ng pang rekado sa kare-kare. Paborito kasi 'yon ng dad ni Ma'am Kailee," saad niya. Tumango na lang ako bilang tugon.
"Ibig sabihin po ba ay darating dito mamaya 'yung dad nina Kairus?" paglilinaw ko.
"Oo, sinundo na siya kanina ni Sir Kairus sa airport," nakangiti nitong sambit. Anyare kay Manang? Bakit parang nakangiti siya sa 'kin ng nakakaloko?
BINABASA MO ANG
No More Rhyme
Teen FictionHindi ko siya gusto no'ng una dahil alam kong hindi kami magtutugma. Pero loko-loko talaga ang tadhana. Ngayon, ayaw ko na siyang mawala.