Chapter 36

450 42 7
                                    

Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makita ko si Kairus. Okay na sana kanina, e. Wala na siya sa listahan tapos heto, nagluluto lang pala ng barbeque. Syems, magtitiis na naman ako sa ugok na 'to.

Buti na lang at hindi pa niya nararamdaman ang presensiya ko. Pagkatalikod ko sa kaniya, bigla naman siyang nagsalita.

"Ate, hindi pa 'ko tapos dito pero marami-rami na rin naman akong nailuto," turan niya.

Akmang ihahakbang ko na ang aking mga paa nang bigla niyang tawagin ang pangalan ko.

"Morixette? Wow, nandito ka na pala," saad niya. Napatigil ako sa balak kong gawin.

"Yes, ang masaklap lang, nandito ka rin," tugon ko pagkaharap ko sa kaniya.

"Aww, ang sakit naman no'n. Ayaw mo ba 'yon, may guwapong mukha kang nakikita," mahangin niyang sagot. Para siyang bano na wari mo'y nagpapapogi pa sa harapan ko habang hinihimas ang baba niya.

"Naku, kung ikaw rin lang, huwag na. Tiyak na maraming guwapo rito sa paligid," anas ko.

Walang ano-ano'y bigla niyang sinupalpalan ng barbeque ang bibig ko. Muntik na kong mapaigtad sa ginawa niya. Nagpapadyak tuloy ako sa sahig dahil sa inis.

"Gutom lang 'yan kaya mainit ang ulo mo," ngingisi-ngisi niyang sambit.

"Buwiset ka talaga! Humanda ka talaga sa 'kin mamaya!" pagmamaktol ko habang tangan 'yung barbeque.

"Abangan ko 'yan," aniya sabay kindat. Akala mo naman ikina-cute niya 'yon. Bumalik na siya agad sa pagluluto ng barbeque.

Nakamusugsog kong tinungo ang cottage. Bumungad sa 'kin si Agatha na umiinom ng juice.

"Oh? Bakit nakabusangot 'yang mukha mo?" panimula niya.

"Nakakaasar kasi si Kairus, ginawan na naman ako ng kalokohan," irita kong sagot.

"Oh, I see. Kaya ka pala may hawak na barbeque," pantutuya niya.

Nanlaki ang mata ko nang mapagtanto ko 'yon kaya dali-dali ko 'yong itinago sa 'king likuran. Akmang itatapon ko na sa basurahan nang pigilan ako ni Agatha.

"Masamang magtapon ng pagkain, maraming nagugutom sa panahon ngayon," pangungunsensiya na.

Wala na 'kong nagawa kundi kainin 'yon. Nakita kong may suka sa lamesa kaya isinawsaw ko na lang do'n. Napangiwi ang aking mukha dahil sa sobrang asim ng suka. Tatawa-tawang nakatingin sa 'kin si Agatha.

"Maasim talaga 'yan. Sukang paombong 'yan, e. Dala ng kaibigan namin na taga-Bulacan," komento ni Agatha.

"Hindi pa kasi 'yan tapos, lalagyan pa 'yan ng sibuyas at sili," pagsingit ng isa nilang kaibigan na babae. May tangan siyang sibuyas na tila ba hihiwain pa lang.

"Hala, sorry po," nahihiya kong sambit.

"Naku, wala 'yon," nakangiti nitong sambit.

---

Sumapit na ang tanghalian at tila ba piyesta ang naging itsura ng aming lamesa. Naglatag sila ng dahon ng sahig na tila ba boodle fight ang magaganap. Nakatumpok ang kanin sa gitna at pinalilibutan ito ng mga pagkain.

S'yempre, hindi mawawala riyan ang longganisa, embotido, at saka relyeno na tinda ni Aling Dina. Mayroon ding ensaladang talong na may mangga, itlog na maalat, caldereta, menudo, litsong manok, at barbeque ni Kairus.

Pumuwesto na kami at katabi ko si Agatha. Sa tapat niya, nandoon si Ate Kailee. Sa kasamaang palad, katapat ko 'yung loko-lokong si Kairus. Nahuli ko siyang tumitingin-tingin sa 'kin, mukhang may binabalak na naman siyang kalokohan.

No More RhymeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon